CHAPTER 5

57 9 0
                                    

05: The Good Angel

THIRD PERSON POV

Sa isang 'di kalakihang chapel ay may misang nagaganap. Nandoon ang mga taong payapang nagdarasal kasabay ang paring naatasan sa araw na iyon.

Kahit na hindi linggo ay nakatutuwang isipin na mayroon pa ring naglaan ng oras para makausap ang Diyos sa banal na templo.

Hindi mawala ang ngiti sa labi ng isang binatang nakatayo sa likod. Masaya niyang pinanonood ang mga taong taimtim na nagdarasal kaya tahimik din siyang nagpasalamat sa Diyos.

Pakanta siyang naglakad palabas. Isang magandang araw para magpakalat ng kabutihan sa mundo.

Habang naglilibot ay may nakita siyang batang umiiyak. Mag-isa ito at walang magulang na kasama.

Nilapitan niya ito at binigyan ng isang matamis na ngiti. Isang hawak niya lamang sa ulo ng bata ay huminto na ito sa pagpalahaw.

"Tara?" Inilahad niya ang kaniyang kamay sa bata na agad namang inabot nito.

Marahan silang naglakad at ilang saglit lang ay may sumigaw. Sigaw ng inang hinahanap ang kaniyang nawawalang anak.

"Kelly! Kelly! Nasaan ka?" Sabay na napalingon ang dalawa sa tinig na narinig.

"Mama!" Sigaw ng bata at bumitaw na sa binata.

Hinatid na lamang ng binata ang paslit sa pamamagitan ng tingin. Napangiti muli ang binata sa eksenang kaniyang nasaksihan.

Hindi siya nalalayo sa mga normal. Naglalakad siya sa tamang daanan, tumatawid sa tamang tawiran at pormal kumilos na tila isang binatang edukado.

"Noona! Let's go there!" Napukaw ng isa pang binata ang kaniyang atensiyon. Agad niyang hinanap kung kaninong tinig iyon.

"Andwae! We're going to the flower shop now." Nakita niya ang babaeng katabi nito. Tutok ito sa phone at hindi man lang tinapunan ng tingin ang kasama.

"Noona, baegopa..." Reklamo ng lalaki.

Dumako ang mga mata ng binata sa kamay ng lalaki. Nakahawak ito sa braso ng kasama na tila natatakot na maligaw.

"Later we'll eat." Tulad kanina ay wala pa ring kaemo-emosyon ang babae.

Nakita niya kung paanong sumimangot ang lalaki. Nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad hanggang sa malagpasan na nila ang binata.

Walang ideya ang binata kung bakit siya huminto para lang pakinggan ang usapan ng dalawa. Nagkibit-balikat na lamang siya at nakisabay sa agos ng mga tao. Kung saan man siya dalhin ng kaniyang mga paa? Hindi niya alam. Ang mahalaga sa kaniya ay may matulungan siyang nangangailangan at makabalik sa simbahan pagdating ng saktong alas-diyes ng gabi.

May nakasalubong siyang isang lalaki na nakahinto sa tabi ng kalsada at mukhang nasiraan ng kotse. Binuksan nito ang harapan ng kotse upang tignan kung ano ang problema.

Batid ng binata na may sira ang makina ng kotse. Inilabas ng lalaki ang cellphone nito at nagtipa. May tinatawagan ito ngunit hindi sumasagot.

"Yari ako nito kay bossing... baka bawasan niya ang sweldo ko sa kinsenas dahil mukhang nasira ko ang Mercedez niya... kailangan ko pa naman ng pera pambili ng gamot para sa anak ko." Nanlulumo nitong bulong habang nakahawak sa noo. Tumalikod ito sa binata at inulit ang pagtawag.

Napaisip ang binata kung anong pwede niyang gawin. Isang kumpas lang ng kaniyang kamay ay ayos na ang lahat. Naglakad siya papunta sa gilid at pagkatapos ay pinanood niya mula roon ang magiging reaksyon ng lalaki.

Angel's Mission |Completed|Where stories live. Discover now