Chapter I

9.7K 1.3K 342
                                    

Chapter I: Miss me?

Sa pagsikat ng haring araw, ang ilan sa kalupaan ng Dark Continent ay unti-unting nasisikatan ng liwanag. Nagsimula nang maghanda ang mga adventurers na nangangaso at nangongolekta sa mga kagubatan para sa mga sangkap at materyales. Ang ilan sa mga angkan ay nagkakaroon ng pagtatasa at kompetisyon upang malaman kung sino ang mga miyembrong may potensyal, at kung sino ang nararapat bigyan ng pansin.

Samantala, sa kabilang dako ng kontinente kung saan matatagpuan ang kaharian na pagmamay-ari ng mga beastman, nananatiling tahimik at payapa ang kaharian mula sa gulo.

Abala ang bawat tribo at beastman sa pag-aasikaso ng kani-kanilang mga trabaho at negosyo. Ang mga kawal ay masigasig na nagbabantay sa mga lugar na dapat bantayan at mayroon din namang gumagala upang siguraduhin ang kapayapaan sa bawat sulok ng kaharian.

At sa palasyo ng hari, kasalukuyang nag-uusap sina Castro at Zigar tungkol sa mga pangyayari sa labas at loob ng kaharian.

Mapapansin ang pagbabago sa aura ng dalawa. Nananatiling 9th Level Heaven Rank ang dalawa, pero, ang kanilang aura ay umangat ng sobra, lalong-lalo na si Zigar na halatang-halata ang pagbabago.

Mas lalong nagmukhang elegante ang kabuuan ni Zigar. Ang kanyang presensya ay tila ba naging maharlika habang ang kanyang aura naman ay doble ang lakas kaysa rati. Mapapansing nasa limitasyon na siya, at kaunting pagsasanay na lamang ay malapit niya nang malampasan ang Heaven Rank.

Ilang saglit pang pagkukuwentuhan ng dalawa, napahinto sila sa pag-uusap dahil bigla silang nakaramdam ng napakalakas na aura.

“Ang aura na ‘yon..” pabulong na sambit ni Castro.

“Ang aura na ‘yon ay… nagmumula sa mga pribadong silid ng palasyo!” gulat na sambit ni Zigar.

Nanlaki pareho ang mga mata ng dalawa. Nagkatinginan sila at hindi nagtagal, ang dalawa ay dali-daling tumakbo patungo sa pinagmumulan ng kakaibang aura.

Nakaramdam ng pag-aalala at pagkalito ang dalawa habang sila ay mabilis na tumatakbo sa mga pasilyo. Hindi mapigilan ng dalawa na mapaisip nang kung ano-ano dahil sa biglaang paglitaw ng isang napakalakas na aura.

Nag-aalala sina Castro at Zigar para sa kaligtasan ng kanilang hari na si Eregor kaya naman kahit alam nilang para lamang ang mga pribadong silid ng palasyo sa pamilya ng hari ng mga beastman, walang pakundangan silang nagbalak na pumasok doon upang alamin kung ano ang kalagayan ng kanilang hari.

Mag-iisang taon na mula nang sumailalim si Eregor, ang hari ng mga beastman sa pagwasak at pagbuo ng kanyang panibagong pundasyon. Nakaramdam na sila rati ng pabugso-bugsong aura pero sa pagkakataong ito, hindi nila mapigilang magulat dahil ito ang unang beses na makaramdam sila ng nakapangingilabot at napakarahas na aura.

Nakarating sina Zigar at Castro sa pintuan patungo sa ilalim ng palasyo kung saan matatagpuan ang mga pribadong silid. Agad na inilabas ni Castro ang susi ng pinto at mabilis itong binuksan.

Lumantad sa mga mata ng dalawa ang pababang hagdanan. Mayroong kaunting liwanag na nanggagaling sa mga ilaw sa dingding kaya naman kahit napakadilim, nakikita pa rin ng dalawa ang bawat hakbang sa hagdan.

Hindi na nagdalawang isip ang dalawa, patakbo silang bumaba habang kusang sumara naman ang pintong binuksan ni Castro.

Sobrang tahimik ng paligid. Tanging yabag lang nilang dalawa ang maririnig sa kapaligiran. Wala ring nagsasalita sa dalawa dahil pareho silang nag-iisip ng mga posibilidad kung ano ang nangyayari sa pribadong silid ng kanilang hari.

Habang sina Zigar at Castro ay bumababa, mas nararamdaman nila ang kapangi-pangilabot na aura. Palakas nang palakas ang enerhiya, pero, hindi nagkaroon ng takot sa puso ang dalawa; nangangamba lang sila kung ano ang kasalukuyang nangyayari kay Eregor.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu