Chapter XXXVI

6.4K 886 74
                                    

Chapter XXXVI: Retreat!

Nakaupo si Finn sa palihan na para bang nanonood lamang siya ng isang napakagandang palabas. Nakatarak ang mahigit isang daang talim ng mga sandata sa buhanginan. Sa normal na kaso, hindi kamangha-mangha ang ganitong pagpapakitang-gilas, ganoon pa man, hindi lang ordinaryong mga sandata ang nakatarak sa buhanginan.

Ang mga sandatang iyon ay Pseudo-Heaven Armament at Heaven Armament na pinapangarap na mapasakamay ng iba’t ibang nilalang sa kontinenteng ito.

Higit sa lahat, hindi lamang isa, dalawa o tatlong Heaven Armament ang inilabas ni Finn; naglabas siya ng mahigit dalawampung Heaven Armament na talaga namang nagpanganga sa halos lahat ng naroroon.

Mahigit dalawampung Heaven Armament! Doble pa ang bilang nito kaysa sa kilalang siyam na Heaven Armament na umiiral sa Dark Continent.

Ang mga mata ng mga manonood ay nasa mga Heaven Armament na nakapalibot kay Finn. Makikita ang paghahangad at paghanga sa kanilang mga mata habang may ilan naman na nakararamdam ng ganid.

Sa mga kawal ni Marayon, marami ang nakararamdam ng paghahangad at ganid. Para bang may nag-uudyok sa kanila na lumapit kay Finn at kumuha ng kahit isang Heaven Armament. Ganoon pa man, wala silang lakas at lakas ng loob para gawin ito.

Kung biglang magagalit sa kanila si Finn, siguradong katapusan na nila, at walang naroroon ang magtatanggol o susuporta sa kanila.

Kasalukuyang nagpapagaling si Marayon ng mga pinsalang natamo niya. Nanghihina siya, pero, malinaw pa rin niyang nakikita ang binata. May paghanga at inggit ang makikita sa mga mata ni Marayon habang siya ay nakatingin sa binata.

Sa kanyang paningin, si Finn ay isang tao na may kakayahang gawing posible ang mga imposible. Isang malakas at makapangyarihan ang binata, at para siyang isang totoong diyos habang kinokontrol niya ang mga pangyayari sa kanyang paligid.

Humiwalay sina Reden, Ysir at Heren kina Rama at Yumisami. Inutusan sila ni Finn na huminto sa pakikipaglaban dahil gustong makita ng binata ang kabuuang reaksyon ng dalawang mensahero ng diyos sa pagpapayabang niya sa kanyang mga pambihirang kayamanan.

Lumitaw ang tatlo sa palibot ni Finn at tahimik lang sila habang nakatingin sa dalawang nagpakilala bilang mensahero ng diyos.

Samantala, hindi na kayang panatilihin pa ng dalawa ang kanilang matinding gulat. Hindi na nila mapaniwalaan ang mga nangyayari. Hindi sila makapaniwalang dalawa na mahihirapan silang labanan ang tatlong maikukumpara lamang ang aura sa 8th Level Heaven Rank.

Malinaw na mas malakas silang dalawa, pero, dahil sa kakaibang mga kakayahan, tibay at tatag ng katawan, at pagtutulungan nina Reden, Ysir at Heren, naging pantay lamang ang laban. Hindi sila makalamang kahit anong gawin nila.

Ginagamit na nila ang kanilang buong lakas para labanan ang tatlo kanina, pero, napapatalsik lang nila ang mga ito at hindi napipinsala kahit kaunti. Hindi nila kayang sugatan o puruhan sina Reden, at ito ang napagtanto nilang dalawa.

Ganoon pa man, dahil sa paglitaw ng napakaraming kayamanan sa palibot ni Finn, mas lalo pang nagkaroon ng dahilan ang dalawa para hulihin si Finn at kumpiskahin ang mga kayamanan nito. Kailangan nilang gumawa ng paraan dahil sa kanilang mga mata, ang binata ay isang malaking isda na kailangan nilang mahuli.

Pero, paano nila gagawin iyon kung ang tatlo ay humaharang sa kanila. Hindi na nila mapanatili ang kanilang payapang ekspresyon dahil sa kasalukuyan, naguguluhan na sila at hindi na nila alam ang kanilang gagawin.

Mula pagkabata, tinuruan na sila kung paano maging kalmado sa lahat ng pagkakataon. Daan-daan taon na ang edad nila at ilang pambihirang pangyayari na rin ang kanilang naranasan. Iilan na lamang ang makapagbibigay ng ganitong pakiramdam sa gaya nila, at isang halimbawa na roon ang mga ipinapakita at ipinararanas sa kanila ni Finn.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now