Chapter XIII

6.8K 899 69
                                    

Chapter XIII: A Must Die

“Ang sarap sa pakiramdam!” sigaw ni Zed. Inunat niya ang kanyang mga braso at humiga sa damuhan na malapit sa isang lawa. Hindi napigilan ni Finn na mapabaling kay Zed na kasalukuyang nakapikit habang pinakikiramdaman ng binata ang malamig na simoy ng hangin. Napakunot ang noo niya dahil hindi niya maintindihan ang tinutukoy ng binata.

“Masarap sa pakiramdam? Ang alin?” tanong ni Finn kay Zed at muli siyang bumaling sa payapang lawa.

Napakatahimik ng lawa. Mayroong maliliit na ibon at paru-paro ang lumilipad na mas lalong nagpapaganda sa tanawin.

Sa kasalukuyan, iniwan muna nina Zed at Finn sina Albos at Crypt sa kuweba upang makapag-usap at makapagdesisyon tungkol sa mga bagay-bagay. Nagtungo naman ang dalawang binata sa pinakamalapit na lawa upang lumanghap ng sariwang hangin at upang maipagpatuloy na rin nila ang kanilang kuwentuhan.

Ibinalik na rin ni Finn si Reden espasyo na kinalalagyan ng kanyang mga soul puppet dahil hindi niya na naman kailangan pa ito sa ngayon.

Bumangon muli si Zed sa kanyang pagkakahiga. Tumingin siya sa kanyang kamao at mas umigting pa ang kanyang pagkakakuyom dito.

“Na masuntok si Crypt,” simple ngunit nananabik na tugon ni Zed. “Matagal ko na ring gustong ilapat ang kamao ko sa pagmumukha niya.”

Napangiwi si Finn sa tugon ni Zed. Muli siyang napabaling dito, bahagyang natawa at napailing. “Akala ko dahil sa tanawin at kapayapaan ng lugar na ito.” Sandaling napaisip si Finn bago siya magpatuloy, “Kung matagal mo na pala siyang gustong sapakin, bakit ngayon mo lang ginawa?”

Natigilan si Zed at napatingin siya kay Finn. Napakamot siya sa kanyang ulo at nakangiwing tumugon, “Mahigit isang ranggo ang agwat niya sa akin noon. Kahit pa gustuhin ko siyang sapakin, sa tingin mo magagawa ko ‘yun bago pa niya ako maunahan? Kahit mapagmalaki ako, hindi ako hangal.”

“May punto naman ang iyong dahilan,” tangong tugon ni Finn. “Pero, hindi ba parang sumobra ka naman? Malubha pa rin ang lagay niya noon. Hindi niya pa makayanan na tumayo pero binigyan mo pa siya agad ng marahas na suntok—at sa mukha pa.”

“Mabuti na lang hindi napuruhan ang utak ni Crypt.”

Biglang nag-iba ang tingin ni Zed kay Finn. May panghahamak sa kanyang mga tono noong suminghal at magsalita siya, “Ikaw ang sumobra sa pagbugbog kay Crypt tapos ako ang pangangaralan mo? Maaari mo namang gawin kay Crypt ang ginawa mo kay Albos pero binugbog mo pa rin siya at binigyan ng malubhang mga pinsala. Hindi ka ba nahihiya sa pangangaral mo sa akin, Kaibigang Finn?”

Natigilan si Finn at nahihiya siyang napahalakhak. Kinuskos niya ang kanyang ilong at inosenteng nagpaliwanag, “Ginawa ko lang iyon para mapaniwala si Crome na wala akong pakialam kay Crypt. Bakit ba natin pinag-uusapan ang tungkol sa bagay na ‘yan? Nagtagumpay naman ako sa ginawa ko, hindi ba? Ha ha ha.”

Hindi pa rin naalis ang nanghahamak na tingin ni Zed kay Finn. Si Finn naman ay nakangiti lang habang nakatingin sa lawa.

“Pero… ginawa ko rin iyon dahil sa pagtawag niya sa akin noon na basura. Hindi maganda sa pakiramdam iyon kaya naman noong may pagkakataon, naibuhos ko sa kanya ang inis ko,” dagdag pang sabi ni Finn.

“Tama ka. Tinawag niya nga pala tayong basura noon kaya hindi dapat tayo nakararamdam ng pagsisisi,” taas-kamaong sang-ayon ni Zed kay Finn. “Isa pa, dahil mga lalaki tayo, tama lang na ayusin natin ang ating problema sa isa’t isa gamit ang ating mga kamao.”

Makalipas ang ilang sandaling katahimikan, napabuntong-hininga si Zed at umayos muli ng upo.

“Kumusta na kayo ang dalawang ‘yon? Ayos lang kaya sila?” tanong bigla ni Zed habang nakatingin sa magandang kalangitan.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now