Chapter XXV

5.8K 896 39
                                    

Chapter XXV: Rescued, The Former King

“Pero, Finn! Nanganganib ang buong karagatan! Pinaplano nilang pakawalan ang limang nilalang na nakakulong sa Dark Sea, at hindi magandang ideya na hayaan silang mangyari ‘yun!” agad na hayag ni Monroe. Malinaw na nangangamba si Monroe sa kanyang nabalitaan. Hindi niya inaakalang nakapagsimula na pala ang Sharkman Clan sa kanilang planong pagpapakawala sa limang nilalang na nasa Dark Sea.

“Kung gusto n’yo, maaari kayong magtungo sa Dark Sea habang pinakakawalan namin sina Kapitan Gin at ang iba pang mga bihag. Gusto kong malaman ang kanilang kalagayan… at gusto ko ring makausap ng personal ang dating hari ng kahariang ito,” seryosong sabi ni Finn.

“Pero… kung kami lang ang pupunta, hindi namin sila kakayanin. Hindi namin sila kaya,” seryoso ring tugon ni Monroe at mababakas sa kanyang mukha ang ngiting nanghahamak sa sarili habang inililibot niya ang kanyang tingin sa kanyang paligid.

Libo-libo na ang nalagas sa kanila, at halos wala nang nasa magandang hugis sa kanila. Sugatan na ang iba at ang iba naman ay hindi na kayang lumaban o maglakbay pa.

Sa totoo lang, hindi inaakala ni Monroe na ganito kalakas ang kalaban. Kung hindi nila kasama si Finn, siguradong matatalo sila sa laban; halos wala silang pag-asa dahil ibang-iba na ang lakas ng kanilang mga kalaban.

“Kaibigan mo rin si Melissa, Finn… Marahil nasa panganib ang kanyang bu—”

“Kaibigan ko sila, at magtiwala kayo, Pinunong Monroe. Hindi ko hahayaang mapahamak sila,” nakangiting sabi ni Finn. “Isa pa, kung totoo ang sinasabi ng isang ito, mayroon pa akong nalalabing ilang araw para habulin sila. Mayroon akong paraan para maabutan sila kaya hindi n’yo kailangang mag-alala, Pinunong Monroe.”

“Sa ngayon, siguraduhin muna natin ang kaligtasan ng inyong hari at ng aking mga kaibigan,” dagdag pang sabi ni Finn.

Sandaling napaisip si Monroe pero sa huli, sumang-ayon din siya sa suhestyon ng binata. Wala naman siyang magagawa, at gusto niya rin namang pakawalan na ang mga bihag ng Sharkman Clan.

Agad silang kumilos at inutusan ang kanilang mga tauhan na ikulong ang mga miyembro ng Sharkman Clan at ng mga ka-alyado nitong angkan. Nagbaba rin ng utos si Monroe na palayain ang mga bihag na nakakulong sa palasyo.

Hindi na kailangan pang kumilos nina Finn, Crypt at Zed dahil sina Monroe na at ang ibang miyembro ng Endless Sea Alliance ang gumawa ng lahat ng trabaho.

Nagbago pa lalo ang tingin ng mga merfolk kina Finn, Crypt at Zed. Humahanga na sila sa grupong ito dahil sa napakalaking ambag ng mga ito sa labanan. Nagawa nilang baliktarin ang laban dahil sa tatlo—lalong-lalo na dahil kay Finn Doria.

Sa itaas, payapa ang ekspresyon ng dalawang nakasuot ng puting balabal habang pinanonood ang mga nangyayari.

“Dapat ba nating dakipin ang binatang iyon at dalhin sa imperyo?” tanong ng babae.

Umiling ang lalaki at tumugon, “Mayroong oras para diyan. Sa ngayon, unahin natin ang ating misyon. Magtungo na tayo sa Dark Sea upang saksihan ang mga susunod na mangyayari.”

“Kailangan nilang magtagumpay dahil masyado na tayong maraming oras na nasasayang,” dagdag pa ng lalaki.

“Mm.” tumango ang babae at sa isang iglap, ang pigura ng dalawang hindi nakikita ng mga mata ay tuluyan nang naglaho sa itaas ng kapitolyo.

Pagkatapos nito, mabilis na lumipas ang mga oras. Tuluyan nang napakawalan ang mga bihag kabilang na roon ang ibang miyembro ng Dark Crow. Bawat isa ay nagsasaya dahil sa paglaya ng palasyo mula sa ilang taong pamumuno ng Sharkman Clan. Hindi pa tuluyang nababawi ng Mercrown Clan ang kaharian pero pakiramdam ng mga miyembro ng Mercrown Clan ay sila na ulit ang mamumuno sa kaharian.

Nagpapahinga pa ang dating hari ng Underwater Kingdom dahil sa matagal nitong pagkakakulong. Hindi muna siya inabala ni Finn, bagkus, mas itinuon muna ng binata ang kanyang atensyon sa paglaya ng Dark Crow.

Sa kasalukuyan, masayang-masaya na ikinukuwento ni Zed at Finn ang kanilang mga pakikipagsapalaran at paglalakbay sa mga miyembro ng Dark Crow. Mababakas ang kahambugan sa tono ng pananalita ni Zed habang siya ay nagsasalaysay.

Si Crypt naman ay medyo malayo sa grupo. Nakasandal lang ito sa pader malapit sa bintana habang kunwaring may sinisilip. Hindi siya makatingin ng diretso sa iba pang miyembro ng Dark Crow; malinaw na makikita sa kanyang ekspresyon na nahihiya siya kina Gin, Gris at sa iba pa.

Samantala, ang kalagayan naman ng bawat miyembro Dark Crow ay maayos. May ilan sa kanila na nanghihina pa dahil sa isang taong pagkakabilanggo pero malayo naman sa panganib ang kanilang buhay.

Masayang nakikinig lamang sina Gin sa pagsasalaysay nina Finn at Zed habang minsan naman ay sumusulyap sila sa kinaroroonan ni Crypt.

Napansin ito ni Zed kaya naman agad siyang bumaling kay Crypt na kunwaring sumisilip sa bintana. Napasimangot siya at agad na naglakad patungo rito.

Buong lakas na hinanggit ni Zed ang braso ni Crypt at kinaladkad paharap kina Gin. Nabigla si Crypt at sinubukan niyang magpumiglas pero mas naging mahigpit ang paghawak sa kanya ni Zed kaya sumuko na lang siya at sumama ng matiwasay.

“Isa ka bang leon o pusa? Ano’ng ikinahihiya mo riyan, Crypt?! Kausapin mo sila!” pautos na sabi ni Zed.

Sinamaan ni Crypt ng tingin si Zed at namumulang nagsalita, “Ano’ng karapatan mong utusan ako?!”

Seryosong nakatingin lang si Gin kay Crypt. Nakangiti pa rin si Gris habang nagtipon-tipon naman sina Zivalgo, Elena, Madison, Mason, Python at Grey.

Natahimik si Finn at Zed habang lahat sila ay nakatingin lang kay Crypt—hindi nag-uusal ng kahit anong salita.

Tap!

Biglang tinapik ni Gin ang balikat ni Crypt at ngumiti, “Hindi ka namin sinisisi, Crypt. Isa ka pa ring miyembro ng Dark Crow.”

Nanlaki ang mga mata ni Crypt at nagulat siya sa ginawa at mga sinabi ni Gin. Nangilid ang kanyang luha at napakagat siya sa labi na para bang nagpipigil siyang umiyak.

THUD!

Biglang lumuhod si Crypt sa harapan ni Gin at ng iba pang miyembro ng Dark Crow. Tumama ang noo ni Crypt sa sahig at ikinagulat ito ng mga naroroon.

“Patawarin n’yo ako! Naging makasarili ako dahil inuna ko pa ang aking paghihiganti… sa mahigit isang dekada kong pagiging miyembro ng Dark Crow… wala akong naitulong sa inyo dahil wala akong inisip kung hindi magpalakas para sa aking paghihiganti…”

“Iniwan ko kayo sa sitwasyong kailangang-kailangan n’yo ako… hiyang-hiya ako… hiyang-hiya akong humarap at sumama pa sa inyo kaya… kaya hindi ko kayo sisisihin kung aalisin n’yo ako at hindi na muling tatanggapin!”

Humagulgol si Crypt sa harapan nina Gin. Lahat ay nagulat dahil ngayon lang nila nakita sa ganitong sitwasyon si Crypt. Hindi nila kailanman nasaksihan ang ganitong pag-iyak ni Crypt—hindi nila inaakala na ang pinakamapagmataas, pinakahambog at pinakamapanghamak na miyembro ng Dark Crow ay hihingi ng tawad at magpapakumbaba.

Agad na nakabawi si Gin. Tumingin siya kay Gris na nakabawi na rin at sa iba pang miyembro ng Dark Crow. Yumukod siya at inilahad niya ang kamay niya sa humahagulgol na si Crypt.

Nakita ni Crypt ang pagyukod ni Gin kaya napatingala siya. Natigilan si Crypt nang makita niyang nakalahad sa kanya ang kamay ni Gin.

“Miyembro ka pa rin ng Dark Crow. Habang-buhay kang miyembro ng Dark Crow—at walang makapagbabago noon,” nakangiting sambit ni Gin. “Pamilya tayo, at ang isa sa atin ay nasa alanganin kaya samahan mo kami. Bumawi ka. Iligtas natin si Melissa.”

“Kapitan…” bulalas ni Crypt. Ito ang kauna-unahan pagkakataon na sinsiredad niyang tinawag si Gin na kapitan. Napatingin siya sa iba pang miyembro ng Dark Crow. Napabaling din siya kay Finn at nakita niyang ang mga ito ay nakangiti sa kanya. Isang mainit na ngiti na mas lalong nagbigay init sa kanyang pakiramdam.

“Kayong lahat…” umagos muli ang luha ni Crypt dahil sa bugso ng damdamin. Hindi niya mapigilang makaramdam ng saya at tagumpay habang pinagmamasdan ang ngiti ng kanyang mga kasama.

“Ang pangit niyang umiyak…” pabulong na sabi ni Grey.

Napabaling lahat kay Grey at napayuko si Crypt dahil sa hiya. Napansin ni Grey ang masasamang tingin ng ibang miyembro ng Dark Crow kaya napaatras siya at napangiwi, “Nagbibiro lang naman ako. Ha ha ha.”

Nagtawanan ang lahat maliban kay Crypt na hiyang-hiya. Sinimulan nilang asarin si Crypt dahil sa paghagulgol nito kanina.

Pagkatapos ng ilang minutong kantyawan, inilahad muli ni Gin ang kanyang braso na para bang nakikipagkamay at sinabing, “Samahan mo kaming ipagpatuloy ang ating misyon, Crypt. Kailangan ka namin, kailangan ka ng Dark Crow.”

Hindi na nagdalawang-isip pa si Crypt. Agad niyang inabot ang kamay ni Gin at mahigpit itong hinawakan. Makikita ang determinasyon sa kanyang mga mata habang nakatingin kay Gin.

“Hinding-hindi ko na kayo iiwan. Hinding-hindi na ako tatalikod sa inyo dahil ako, si Crypt Leonar ay miyembro ng Dark Crow at mananatiling miyembro ng Dark Crow habang-buhay!” determinadong pangako ni Crypt sa kanyang mga kasama.

Tumango si Gris at ang iba pa, pero, makalipas ang ilang saglit, nang bitawan ni Crypt ang kamay ni Gin, biglang naging seryoso silang lahat.

“Si Melissa… paano natin ililigtas si Melissa...?” tanong ni Mason habang may komplikadong ekspresyon sa kanyang mukha.

Natahimik din sina Gin at napaisip. Sina Zed at Crypt naman ay bumaling kay Finn at hindi nila napigilang banggitin ang pangalan nito.

Tumingin si Finn sa mga naroroon at ngumiti. Inilahad niya ang kanyang kamay at nagwika, “H’wag kayong mag-alala, ililigtas ko si Melissa. Mayroon akong paraan para mailigtas siya bago pa siya mapahamak.”

“Ayon sa isang Sea General na nagngangalang Gen, mayroon pang ilang araw bago sila makarating sa Dark Sea. Maabutan ko sila, at tiwala ako roon,” dagdag pang pagsisigurado ni Finn. Naging seryoso ang ekspresyon ng binata at huminga ng malalim, “Gano’n pa man… ikinalulungkot ko pero hindi ko kayo maiisama.”

Hindi nakapagsalita sina Gin at ang iba pa. Nakatingin lang sila sa binata habang malalim na nag-iisip. Gusto nilang tumulong, pero, wala silang kakayahan para tumulong.

“Naiintindihan ko… gustong-gusto naming sumama upang makatulong pero alam naming magiging pabigat lamang kami… gano’n pa man, gusto pa rin naming sumunod sa Dark Sea,” sabi naman ni Gin.

“Hindi ko kayo pipigilan,” nakangiti namang sambit ni Finn. “Agad akong aalis at maglalakbay matapos kong makuha ang direksyon patungo sa Dark Sea. Kakausapin at lilinawin ko rin ang lahat sa pinuno ng Mercrown Clan upang maunawaan ko ang totoong nangyayari.”

Nakahinga ng maluwag si Gin, pero, hindi siya komportable sa ganito. Pakiramdam niya ay napakawalang-kuwenta niyang kapitan. Hindi niya mailigtas ang sarili niyang kasama at umaasa lang sila kay Finn para rito. Nahihiya siya, pero, wala siyang pagpipilian dahil buhay ni Melissa ang nakasalalay rito.

“Maraming-maraming salamat, Finn. Kung wala ka, marahil dito na kami mamamatay,” payapang sabi ni Gin.

Ngumiti lang si Finn at hindi na sumagot pa. Nakarinig sila ng mga katok sa pintuan ng silid kaya naman napatingin sila kay Grey na kasalukuyang pinagnamasdan ang kanyang scythe. Siya ang pinakamalapit sa pinto kaya naman alam niya na ang ibig sabihin ng tingin ng mga ito.

Napakunot ang noo ni Grey at pasinghal na nagwika, “Oo na, oo na. Bubuksan ko na.”

Tamad na tamad na naglakad si Grey patungo sa pinto. Binuksan niya ang pinto at tumambad sa kanilang paningin si Monroe at Emilia.

Mapapansin pa rin ang mga sugat at galos sa katawan ni Monroe at Emilia. Hindi pa sila lubusang magaling, pero, maayos naman silang nakakakilos.

Agad na hinanap ni Emilia si Finn mula sa grupo, at nang makita niya ito, nilampasan niya si Grey at nagdire-diretso kay Finn.

Nainis si Grey sa paglampas sa kanya ni Emilia pero hindi siya nagsalita. Sumimangot lang siya at bumulong-bulong pero wala namang pumansin sa kanya roon.

Nang makarating si Emilia sa harapan ni Finn, tumitig siya sa mga mata ng binata at marahang nagsalita, “Finn. Sumama ka sa akin… nais kang makausap ng Mahal na Hari tungkol sa mahahalagang bagay.”

Tumango si Finn kay Emilia at seryosong nagsalita, “Maaari bang gabayan n’yo ako patungo sa inyong mahal na hari?”

--

CRACK!

Sa isang bahagi ng karagatan, nabasag ang bola ng kristal kung saan pinanonood ng kasalukuyang hari ng Underwater Kingdom ang mga pangyayari sa kapitolyo at palasyo.

Makikita ang panggagalaiti sa kanyang mukha habang ang kanyang kapangi-pangilabot na aura ay pumapalibot sa kapaligiran.

Nasa loob ngayon ng katawan ng isang dambuhalang pating si Haring Sharkim at ang pinakalamakas na Sea General na siya ring pinuno ng Sea Serpent Clan na si Serpentos.

“Ang taong ‘yun! Ano’ng karapatan niyang makilahok sa digmaan! Ano’ng karapatan nilang paslangin at hulihin ang aking mga tauhan?! Pangahas sila para kuhanin muli sa akin ang palasyo! AHHHH!” nagsisigaw si Sharkim habang si Serpentos ay tahimik lamang na nakatingin.

Nasaksihan nila ang lahat ng nangyari mula pagdating ng Endless Sea Alliance hanggang sa pagkatalo ng kanilang mga tauhan. Galit na galit si Sharkim habang pinanonood ang binata habang nilalabanan nito ang ilan sa kanyang malalakas na tauhan.

Hindi nila naririnig ang mga salita sa bola ng kristal at wala rin silang ideya na ang ginamit na espada ni Finn ay isang aktwal na Heaven Armament.

“Kamahalan. Kailangan n’yong kumalma,” sambit ni Serpentos. “Marahil nabawi nila ang palasyo, sa ngayon. Pero, malapit na tayo sa Dark Sea. Malapit na nating mapakawalan at makontrol ang mga nilalang doon at hindi magtatagal, mababawi rin natin ang palasyo. Mapapasunod mo na rin ang mga hangal na iyan sa iyong kagustuhan, Kamahalan.”

Bumaling si Sharkim kay Serpentos. Unti-unti siyang huminahon at binawi niya na ang kanyang kapangi-pangilabot na aura. Galit na galit pa rin siya sa nangyari, pero, dahil sa sinabi ni Serpentos medyo nasiyahan siya dahil may punto ang mga salitang binitawan nito.

“Tama ka. Hindi dapat ako nagagalit sa isang hamak na tao!” sabi ni Sharkim. Mayroon siyang inilabas na papel na may larawan at napaisip, “Pero, nagtataka lang ako kung bakit buhay ang taong iyon. Hindi ba’t ang balitang ipinakalat ng Adventurers Guild ng Imperyo ng Rowan ay namatay ang binatang iyon dahil tumakbo siya mula sa taong nagngangalang Hugo patungo sa Enchanted Mountain?”

“Isa ring mapanganib na Forbidden Place ang bundok na iyon na nasa teritoryo ng mga tao. Huwad ba ang lahat ng kanilang mga impormasyon na ipinakakalat?” nagtatakang tanong ni Sharkim.

“Hindi ko rin alam, Kamahalan...” huminto sa pagsasalita si Serpentos at nagpatuloy, “Ang alam ko lang, hindi natin kailangang mag-alala sa taong iyan. Marahil malakas siya, pero, hindi naman agad siya makasusunod sa atin sa Dark Sea. At kung makasunod man siya, siguradong natapos na natin ang ating pakay. Madali na lang nating mapapaslang ang hamak na taong iyan.”

Humalakhak si Sharkim sa kanyang narinig. Naging malamig ang kanyang ekspresyon at mayroong kakaibang tingin ang makikita sa kanyang mga mata.

“Ilang araw na lang… ilang araw na lang ay magiging akin na ang buong Endless Sea! Ako ang magiging hari ng karagatan, at lahat ay luluhod sa aking harapan upang magbigay pugay!” humahalakhak sa sabi ni Sharkim.

Ngumisi si Serpentos at tumango, “Mangyayari ang lahat ng hinahangad mo, Kamahalan. Ikaw ang magiging hari ng lahat ng nilalang sa Endless Sea at lahat ay magbibigay pugay sa inyong presensya.”

--

Samantala, dumating si Finn sa silid na pinagpapahingahan ng dating hari ng Underwater Kingdom. Kasalukuyan siyang nakaharap ngayon sa isang mataas na upaan at sa upuang ito ay mayroong nakaupong matipunong lalaki na may ginintuang buntot ng isda.

Mayroong mahabang puting buhok ang lalaki at mapapansin na rin ang katandaan sa kanyang mukha. Ang kanyang matipunong pangangatawan ay puno ng marka at sugat. Kulubot na rin ang kanyang mukha at ang ugat sa kanyang braso ay bumabakat.

“Kamahalan,” bahagyang yuko ni Finn bilang tanda ng paggalang.

“Finn Doria… Hindi na ako ang hari,” malamig at malalim na boses na sambit ng dating hari. “Ako si Marayon Mercrown, ang pinuno ng Mercrown Clan.”

Ngumiti si Finn at nagwika, “Ikinagagalak kong malaman ang inyong pangalan, Kamahalan. Ganoon pa man, walang pagkakaiba kung tawagin ko kayo ngayong kamahalan o hindi dahil sa hinaharap, babalik sa inyo ang trono; at hindi na magtatagal iyon.”

Bumaba si Merayon mula sa kanyang kinauupuan. Tumayo siya ng harap-harapan kay Finn pero dahil napakalaking lalaki niya, halos bewang niya lang ang binata.

Tumingala si Finn upang tingnan sa mata si Marayon, ganoon pa man, nagulat siya sa sumunod na nangyari.

Bigla na lamang lumuhod sa harapan niya si Marayon at nagmakaawa.

“Alam ko na ang lahat ng nangyari…” panimula ni Marayon. “Nagmamakaawa ako, Finn Doria! Tulungan mo ang aking kaharian! Tulungan mo ang aking anak na makalayo sa kapahamakan!”

“Hindi ko kayang mawala ang mga ito sa akin kaya nagmamakaawa ako sa’yo! Tulungan mo kami!”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now