Chapter VII

7.3K 992 94
                                    

Chapter VII: You’re Alive!

Habang pinagmamasdan ang makahulugang tingin at ngiti ni Finn, hindi mapigilan ni Razaan na mapaisip. Naglaho na ang ngiti niya at mababakas na ngayon sa kanyang ekspresyon ang pag-aalinlangan. Nakatitig lang siya sa binata habang ito ay napapaligiran ng kanyang mga kawal, sigurado siyang hindi na ito makatatakas pero mayroon pa rin sa loob-loob niya ang nagsasabing mayroong mali sa nangyayari.

‘Napapaligiran na siya ng aking mga kawal—narito pa ang aking dalawang personal na kawal. Lahat kami rito ay Heaven Rank kaya paanong nagagawa niya pang ngumiti at maging kalmado? Palabas lang ba niya ito upang mag-alinlangan ako?’ nag-aalinlangan sabi ni Razaan sa kanyang isipan. Nagdilim ang kanyang ekspresyon at napasimangot siya, ‘O tiwala talaga siyang makaaalis siya sa lugar na ito? Ganoon pa man, hindi ko maaaring hayaan na mawala pa siya sa aking mga kamay! Kailangan ko siyang makuha anuman ang maging kapalit!’

Maingat na umupo muli si Razaan sa kanyang trono. Ngumiti siya kay Finn, inilahad niya ang kanyang braso at nagwika, “Finn Doria, o Finn Doria. Alam kong napakatalentado mong binata. Hindi ka lang talentado sa larangan ng pakikipaglaban, ang iyong kaalaman sa paggawa ng armament at formation ay talagang kahanga-hanga rin. Lalo na para sa iyong edad.”

“Kaya naman hinihiling ko na makipagtulungan ka na lang sa akin—sa Imperyo ng Rowan! Kung magtatrabaho ka sa imperial family, siguradong hindi ka magsisisi. Makukuha mo ang lahat ng gusto mo.”

Nagsalubong ang kilay ng binata. Medyo nabigla siya nang marinig mula kay Razaan ang tungkol sa paggawa ng formation. Hindi pa siya lantarang nagpapakilala bilang isang formation master kaya naman nabigla siya sa mga sinabi ni Razaan.

Pero, nang sumagi sa kanyang isipan ang nangyari sa Lungsod ng Erdives at ang tungkol sa kanyang mga naiwalang interspatial rings, napagtanto ng binata na mayroon nang ideya ang iba tungkol sa pagiging formation master niya.

‘Mukhang nag-imbestiga nga talaga sila tungkol sa aking pagkatao,’ sa isip ni Finn.

Ngumiti siya kay Razaan at nagsalita, “Gaya nga ng sabi ko, magandang ideya ang iyong iminumungkahi, ganoon pa man, hindi ako interesadong magtrabaho sa kahit kanino. Isa lang akong binata na nawawalan ng dalawang singsing, at nais kong bawiin iyon sa inyo dahil pag-aari ko iyon, Kamahalan.”

Mas naging interesado pa lalo si Razaan nang mapansing gustong-gusto makuha ni Finn ang dalawa nitong interspatial ring. Interesado na siya noon dahil mayroon itong selyo ngunit nang mapagtantong mahalaga ito sa binata, mas nagkaroon pa siya ng interes sa mga singsing.

Pero, kalakip ng kanyang interes ay sobrang galit at panghihinayang sa loob-loob niya.

Hinilot ni Razaan ang kanyang sintido at nagwika, “Tama, tama. Pagmamay-ari mo nga ang mga intersparial ring na iyon kaya dapat iyong maibalik sa iyo. Hindi namin mabuksan ang iyong mga singsing kaya hindi mo kailangang mag-alala.”

Nang marinig ito ni Finn, gusto niyang tumawa ng malakas pero mas pinili niya na lang na tingnan si Razaan gamit ang kanyang mapanghamak na tingin.

‘Paano n’yo mabubuksan ang selyo ng dalawa kong interspatial ring? Kahit na hindi gaanong matibay ang selyo noon, hindi iyon mabubuksan ng mga katulad n’yo,’ sa isip ni Finn. ‘Kung hindi lang talaga ako nanghihinayang sa mga lamang armaments ng mga singsing na iyon, hindi na sana ako magsasayang ng panahon para magtanong pa sa inyo.’

Napataas ang kilay ni Razaan nang makita niya ang mapanghamak na tingin ni Finn. Nakaramdam siya ng inis pero pinilit niya pa rin na itago ito mula sa binata.

Bumuntong-hininga si Razaan at mababakas na sa kanyang mukha ang mapagkunwaring panghihinayang na ekspresyon.

“Pero, dapat mong malaman Finn Doria na gustuhin ko mang ibalik sa iyo ang iyong dalawang intersparial ring, hindi ko pa magagawa iyon sa ngayon,” pailing-iling na sambit ni Razaan.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now