Chapter XI

6.6K 943 76
                                    

Chapter XI: You think.. I care?

“Isa ka lamang 5th Level Heaven Rank… pero ako… pero isa akong 8th Level Heaven Rank!” nagpupumilit na sigaw ni Moromon. Hindi niya matanggap na sa dalawang palitan lamang ng atake, natalo siya. At sa isang suntok lamang ng isang 5th Level Heaven Rank, hindi na siya halos makagalaw. Isa siyang malakas at beteranong kawal na nagsisilbi kay Servero. Hindi niya maintindihan kung bakit siya natalo ganoong mas mataas ang antas niya kaysa sa binata.

Suminghal si Finn. Nanghahamak niyang tiningnan si Moromon bago niya idiin ang kanyang paa sa balikat nito. “Hindi mo ba naintindihan ang ibig kong sabihin? Hmph. Hayaan mong ipaintindi ko sa’yo.”

Pinatindi ni Finn ang kanyang aura. Ipinaramdam niya ito kay Moromon na naging dahilan ng pagkatulala nito. Natatakot si Moromon, at makikita iyon sa kanyang mga mata.

“Hindi ako ordinaryong adventurer lamang. Kahit 9th Level Heaven Rank ay mangangamba sa aking presensya, ano pa kaya ang katulad mong 8th Level Heaven Rank lamang? H’wag n’yo akong igaya sa inyo dahil sa aking mga mata, ang gaya n’yo ay mga basura,” pagpapatuloy ni Finn. Inalis niya na ang kanyang pag-apak kay Moromon. “Kapag nakaligtas ka sa lugar na ito, siguraduhin mong mamimili ka na ng amo na paglilingkuran.”

Tumalikod si Finn at tumingin siya sa bagong dating na si Crome, “Tama ba, Duke Crome?”

Hindi makapaniwala ang ekspresyon sa mukha ni Crome habang nakatitig sa sugatang si Moromon. Nanlalaki ang kanyang mga mata at para bang gusto niya nang tumakbo paalis sa lugar na iyon dahil sa sobrang takot at pangamba.

“M-Moromon… Paanong..!” bulalas ni Crome.

“Bakit ganyan ang iyong ekspresyon, Duke Crome? Hindi ka ba masaya na nagkita tayong muli? Tingnan mo ang mukha mo, para kang nakakita ng multo sa iyong hitsura,” sabi ng binata. Iniabante niya ang kanyang paa at humakbang ng isa habang makahulugang nakangisi kay Crome.

Napaatras naman si Crome dahil sa kaba. Pinagpapawisan na siya ng sobra at hindi siya makapagsalita dahil pa rin sa matinding takot. Ang isa sa kanyang mga inaasahan ay hindi na makakalaban—hindi na siya mapoprotektahan kaya naman sobra siyang natatakot para sa kanyang buhay.

Pinilit ni Crome na humugot ng lakas at pagkatapos, buong lakas siyang sumigaw.

“Albos! Crypt!” sigaw ni Crome na siya namang naging dahilan ng pagbaba ng dalawang pigura mula sa kalangitan.

Napahinto si Finn sa paghakbang. Nagulat siya nang makita niya si Crypt, pero mas nagulat siya nang makita niya pa ang isa pang beastman na kahawig ni Crypt.

“Albos..? Ang kapatid ni Crypt?! Pero…” pabulong na sambit ni Finn.

Pinagmasdan niyang mabuti ang magkapatid. Tatawagin niya sana ang mga ito pero mayroon siyang napansin na kakaiba. Ang mga mata ng dalawa ay para bang walang buhay. Nagmistulang mga manika ang ito habang nakatingin sa kanya gamit ang kanilang blankong ekspresyon.

‘May mali sa kanilang dalawa…’ sa isip ni Finn.

Nang makita ni Crome ang paghinto ng binata sa paghakbang, napanatag siya. Nawala na rin ang kanyang takot at napalitan agad ito ng masayang ekspresyon nang masaksihan niya ang pagbabago ng reaksyon ng binata.

“Sabi ko na nga ba! HA HA HA!” humahalakhak na sambit ni Crome. Ngumisi siya kay Finn at nagpatuloy, “Kaibigan mo si Crypt, hindi ba? Isa na siya sa aking protektor at gagawin niya anuman ang i-utos ko kahit kapalit pa ‘yon ng kanyang buhay.”

“Kaya mo bang saktan o paslangin ang iyong kaibigan para lang mapatay ako?” nakangising tanong ni Crome kay Finn.

Nang marinig ng binata ang mga sinabi ni Crome, biglang bumalik ang ngiti niya. Bigla rin siyang humalakhak nang pagkalakas-lakas na gumulat kay Crome.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon