Chapter XXVI

5.7K 869 57
                                    

Chapter XXVI: Secret of the Dark Sea

Nang makabawi si Finn mula sa matinding gulat, agad siyang napailing at nagsalita, “Kamahalan, gusto ko kayong makausap ng masinsinan. Pakiusap, tumayo kayo at harapin ako dahil hindi ako komportable sa inyong biglaang pagluhod at pagmamakaawa…” huminto si Finn sa pagsasalita at huminga ng malalim, “Naghahabol ako sa oras kaya kailangan ko ang kooperasyon n’yo, Kamahalan. Kailangan kong malaman ang katotohanan at mahahalagang impormasyon tungkol sa Dark Sea at kung ano ang kaugnayan ni Melissa sa pagpapalaya ng mga nilalang na nakakulong doon.”

Napa-angat ang ulo ni Marayon at napatitig siya sa binata. May pag-aalinlangan sa kanyang mga mata habang dahan-dahan siyang umaayos ng tayo.

Naisalaysay na sa kanya nina Emilia at Monroe ang lahat ng himalang nagawa ni Finn sa nakaraang labanan. Kahit siya ay hindi makapaniwala na ang isang binatang nasa 5th Level Heaven Rank ay kayang pumaslang ng 9th Level Heaven Rank na para bang madali lang. Higit pa roon, isang Sea General ang pinaslang ng binata, hindi isang ordinaryong 9th Level Heaven Rank lamang.

Katanggap-tanggap naman ito dahil gumamit ang binata ng Heaven Armament. Pero, sa kanyang kasalukuyang antas, kamangha-mangha pa rin na mapaslang niya ang isang adventurer na hindi hanak na mas mataas ang antas sa kanya ng maraming beses.

Winasak pa ni Finn ang barrier na nakapalibot sa kapitolyo gamit ang puwersa, at bukod pa roon, wala siyang idinamay na gusali at naging mabuti siyang kalaban sa mga miyembro ng Sharkman Clan at sa mga ka-alyado nitong angkan.

Isa pang hindi mapaniwalaan ng lubos ni Marayon ay ang katauhan ni Finn. Isa siyang binatang nagmula sa Ancestral Continent at siya ang pinakabatang Grandmaster Blacksmith. Nagtataglay pa siya ng dalawang elemento at isang Heaven Armament.

Dahil sa katauhan niya, sigurado si Marayon na hindi pangkaraniwang adventurer si Finn. Ang binatang ito na lang ang inaasahan niyang makatutulong sa kanila kaya hindi niya napigilan ang kanyang sarili na lumuhod upang magmakaawa.

“Patawarin mo ako, Finn Doria… hindi ko lang napigilan ang aking sarili. Masyado akong nadala ng aking emosyon sapagkat sobra akong nag-aalala sa aking nasasakupan at sa aking anak na si Melissa,” paghingi ng paumanhin ni Marayon.

Matamis na ngumiti si Finn at tumugon, “Naiintindihan ko kayo, Kamahalan. Kaya ako naparito at nais kayong makausap ng masinsindan dahil gusto kong malinawan sa mga nangyayari.”

Tumango si Marayon at bumuntong hininga, “Wala nang kuwenta kung maglilihim pa ako sa’yo…” huminto si Marayon sa pagsasalita at mapapansin ang labis na kalungkutan sa kanyang mga mata noong siya ay muling magsalita, “Si Melissa, ang aking nag-iisang anak… siya lang ang susi para mapalaya ang mga halimaw na iyon sa kasumpa-sumpang lugar na ‘yun,” nag-aalinlangang pagbubunyag ni Marayon.

Napakunot ang noo ni Finn at hindi niya napigilang magtanong, “Susi? Ano’ng ibig n’yong sabihin, Kamahalan?”

Huminga ng malalim si Marayon at naging taimtim ang kanyang ekspresyon. Naglabas siya ng isang animo’y lumang papel na naka-rolyo at maingat niya itong ini-abot sa binata.

Kahit na nagtataka, inabit ni Finn ang naka-rolyong papel at binuksan ito. Binasa niya ang nakasulat sa papel at habang siya ay nagbabasa, si Marayon naman ay nagsimula sa kanyang pagsasalaysay.

“Libo-libong taon nang nakakulong ang mga nilalang na iyon sa Dark Sea… Ayon sa aming mga ninuno, ang mga nilalang na iyon ay may kapangyarihan at lakas na maikukumpara sa mga diyos. Makapangyarihan ang mga nilalang na iyon at masasama kaya naman mayroong diyos ang nagkulong sa kanila sa Dark Sea. Ang bawat henerasyon lang ng hari ang nakakaalam sa sikretong ito. Hindi alak ng ibang angkan ang tungkol sa impormasyong ito,” pagsasabi ni Marayon ng katotohanan.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now