Chapter XX

6.2K 978 103
                                    

Chapter XX: Submission

Halos lahat ay napatingin kay Finn nang may gulat. Naging tensyonado ang paligid at nagsimula ang bulungan sa paligid habang pinagmamasdan nila ang pamilyar na mukha ng binata. Nakumpirma nila ang katotohanan, na ang isa sa dalawang taong kanilang nakakasalamuha ay buhay at hindi totoong patay gaya ng kumalat na balita.

“Totoo nga… siya nga si Finn Doria na napunta sa Enchanted Mountain!”

“Pero paanong buhay siya?! Hindi ba’t ayon sa mga ulat ay walang sinuman ang nakakaalis ng buhay sa lugar na iyon?!”

“Siya ang binatang nakipaglaban sa isang 9th Level Heaven Rank para sa bangkay ng sinasabi nilang diyos!”

“Siya ang pinakabatang Five Star Grandmaster Blacksmith sa buong kontinente! Ang panday na may potensyal na makabuo ng Pseudo-Heaven Armament—at ang mas kahanga-hanga pa, makabuo ng isang aktwal na Heaven Armament!”

Kahit na nagbubulungan ang mga ito, rinig na rinig pa rin ng iba ang kanilang mga pinag-uusapan. Halos lahat ay nakatingin kay Finn nang may paghanga at pagkalito. Maging si Qinro at Ranko ay naging taimtim ang ekspresyon nang makumpirma nila ang katauhan ng isa sa tatlong taga-labas.

Nang makabawi si Emilia, agad siyang lumapit kay Finn at nagsalita, “Hindi mo kailangang makipagkasundo sa kanila, Finn! Sinabi na namin sa inyong tatlo na makakasama kayo sa alyansang ito dahil suportado namin kayo.”

Ngumiti si Finn kay Emilia at tumugon, “Alam ko—at nagpapasalamat kaming tatlo ng lubos sa inyo. Pero, hindi sapat na suportado n’yo lang kami, Emilia. Kailangan din naming patunayan ang aming sarili sa kanila para naman itigil na nila ang kanilang walang kuwentang panghuhusga.”

Bumaling muli si Finn kay Qinro at nagpatuloy, “Sa mundong ito, hangga’t wala kang napapatunayan, bawat isa ay may masasabi pa rin sa iyo. At kahit may mapatunayan ka man, hindi ka rin nila lubusang matatanggap dahil karamihan ay mayroong inggit na itinatago.”

“Hindi namin mapipilit na gustuhin n’yo kami, papatunayan na lang namin na mali ang inyong mga sinasabi laban sa amin,” nakangiting paliwanag ni Finn. Ibinukas niya ang kanyang mga braso at nagpatuloy, “’Yun ay kung handa kayong makipagkasundo sa akin.”

Dahil sa mga sinabi ni Finn, hindi na nagawa pang magsalita o kumontra ni Emilia. Tama siya. Tama ang sinabi niya na hindi nila mapipilit ang lahat na gustuhin sila. Ganoon pa man, dahil gusto niyang patunayan na may maitutulong sila, kailangan nilang ipakita ang kanilang aktwal na kakayahan sa lahat.

Seryosong tumingin si Qinro kay Finn. Nawala na ang kanyang kalmadong ekspresyon dahil napapaisio pa rin siya sa komplikasyon ng sitwasyon.

Kahit na arogante ang kanilang angkan, tinuruan sila ng kanilang mga ninuno na maging mautak sa pagdedesisyon. Kailangan niyang isipin ang kanyang hatol dahil sa pagkakataong ito, ang nakikipagkasundo sa kanya ay isang pambihirang panday na may malaking potensyal sa larangan ng pagpapanday.

‘Hindi maganda kung kakalabanin namin ang taong ito… ganoon pa man, isang kahihiyan naman kung hindi namin tatanggapin ang kanyang hamon,’ sa isip ni Qinro.

Ngumiti siya sa binata at bahagyang tumawa, “S’yempre naman handa akong makipagkasundo sa iyo. Pero hindi ko mapagbibigyan ang iyong kahilingan. Maaari mong labanan ang isang kasing antas mo o mas mataas ng isang beses sa antas mo pero hindi ang isang 9th Level Heaven Rank.”

Agad na umiling si Finn at nagwika, “Talagang minamaliit n’yo ako.”

Napasimangot si Qinro dahil sa mga sinabi ni Finn. Agad siyang bumaling kay Ranko at nagwika, “Kung gayon, Ranko, tawagin mo ang kawal na sumalubong sa grupo ni Pinunong Monroe. Siya ang ihaharap natin sa binatang ito.”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora