Chapter XXIX

5.7K 875 96
                                    

Chapter XXIX: One versus a Hundred 9th Level Heaven Rank

Tahimik ang lahat nang marinig nila ang pahayag ni Finn. Tanging dagundungan lamang ng kulog at kidlat ang maririnig sa lugar na iyon dahil walang sinuman sa magkabilang panig ang nagsasalita. Mayroong natakot at nangamba sa mga sinabi ng binata, habang mayroon din namang isa na binalewala lamang ito na para bang wala siyang pakialam sa pagbabanta ni Finn.

At ang nag-iisang ito ay walang iba kung hindi si Sharkim-ang kasalukuyang hari ng Underwater Kingdom.

Bumaling si Sharkim sa kinaroroonan ni Reden. Mabusisi niyang pinakiramdaman si Reden at nang maramdaman niyang hindi soulforce ang tinataglay nito kung hindi death energy, humalakhak si Sharkim nang pagkalakas-lakas.

"Isang manika! Akala ko ay ang nilalang na iyan na ang tinutukoy ni Melissa na isang diyos! Subalit isa pala iyang manika na may antas na maikukumpara sa 5th Level Heaven Rank!" humahalakhak na sigaw ni Sharkim. "At sa iyong iyong antas, taong nagngangalang Finn Doria; sa tingin mo ba ay matatakot mo ako at ang aking mga tauhan?! Marahil hindi pangkaraniwan ang iyong lakas at mayroon kang Heaven Armament... pero, kaya mo bang labanan ang aking mga tauhan?!"

"Isa laban sa isang daang 9th Level Heaven Rank?! Ang tingin mo ba sa iyong sarili ay isang diyos?!" humalakhak nang humalakhak si Sharkim habang wala siyang tigil sa panghahamak kay Finn.

Ang kanyang mga tauhan naman ay nakararamdam pa rin ng pangamba at kaunting takot. Maging si Serpentos na pinakamalakas na tauhan ni Sharkim ay nakararamdam din ng bahagyang pangamba.

'Hindi natatakot si Haring Sharkim sa taong nagtataglay ng Heaven Armament dahil mayroon siyang dalawang Heaven Armament... pero, paano naman kaming mga wala kahit isang Pseudo-Heaven Armament?' sa isip ng mga ordinaryong kawal ni Sharkim.

Lumipas ang isang minuto nang magsimulang magbilang si Finn sa kanyang isip. Wala kahit isa sa mga tauhan ni Sharkim ang umatras at nakinig sa payo ni Finn.

Ibinaba ni Finn ang kanyang espada at malamig na nagsalita, "Kung gano'n, lahat kayo ay pinili ang kamatayan. Binigyan ko na kayo ng pagkakataon para umatras pero hindi n'yo ako pinakinggan. Kung gano'n, h'wag n'yo akong sisihin sa aking pagiging bayolente't kawalan ng awa."

Suminghal si Sharkim at sumigaw, "Ang tanging alam mo lang ay magyabang!"

Inilabas ni Sharkim ang kanyang kulay-pilak na sibat na may tatlong talim at iba't ibang kulay ng hiyas. Isa rin itong Heaven Armament gaya ng malaking espada ni Finn.

Napatingin si Finn sa sibat ni Sharkim at napaisip, 'Iyon na marahil ang Trident of the Sea na tinutukoy ni Haring Marayon. Mas mataas ang kaliadad noon kaysa sa aking gamit na espada...'

Itinaas ni Sharkim ang kanyang Heaven Armament, itinutok kay Finn at malakas na sumigaw, "Aking mga kawal, sugurin n'yo ang taong iyan at pagpira-pirasuhin!!"

Agad na may kumilos sa panig ng mga kawal nang marinig nila ang utos ng kanilang hari. Pito ang naglakas-loob na sumugod kay Finn dala-dala ang kanilang mga sandata habang ang kanilang mga katawan ay nababalutan ng iba't ibang uri ng enerhiya.

Mayroong direktang sumugod sa binata habang mayroon namang pumuwesto at nag-ipon ng enerhiya. Tatlo ang aatake mula sa malayo habang apat naman ang susugod sa binata para abalahin ito habang naghahanda pa sa malakas na pag-atake ang tatlong kawal.

Makahulugang ngumiti si Finn habang nakatingin sa mga pasugod sa kanya. Bumwelo siya at mabilis na naglaho bago siya lumitaw sa harap ng isa sa tatlong nag-iipon ng enerhiya.

Nagulat ang apat na pasugod pa lamang sa kaninang kinatatayuan ng binata. Hindi nila nasundan ang pagkilos ni Finn kaya naman gulat na gulat silang lumingon sa kanilang paligid at natigilan sila nang makita nila ang binata na nasa harapan na ng isa nilang kasama.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon