Chapter X

6.9K 1.1K 132
                                    

Chapter X: Unstoppable

Nakapaikot kay Finn Doria ang mga kawal ng Erdives. Karamihan sa mga ito ay nasa Legend Rank lamang habang ang ilan naman ay nasa Heaven Rank na. Ang pinakamalakas sa mga kawal na ito ay nasa 4th Level Heaven Rank lamang, at iyon ay walang iba kung hindi si Kumandante Keziah. Matatandaang 3rd Level Heaven Rank lamang siya noon, pero ngayon, tumaas na ang kanyang antas makalipas ang mahigit isang taon.

Napangiti si Finn Doria dahil dito. Napangiti siya dahil humahanga siya sa maayos na pagdaloy ng soulforce coil sa katawan ng babaeng kumandante. Ibig lang sabihin nito, hindi siya kagaya ng mga ordinaryong kawal na nakaasa lang sa mga kayamanan para magpalakas.

Mababakas ang gulat sa mukha ni Keziah, sa ibang mga kawal at ibang naroroon. Malinaw nilang napagmamasdan ang mukha ni Finn ngayon, at hindi sila makapaniwala dahil sa pagkakaalam nila, ang binatang ito, na nagngangalang Finn Doria ay isang taon nang patay!

Nabalitaan nila ang laban sa pagitan ni Hugo at ng binatang ito. Ito ang kumalat sa balita habang isinekreto naman ng Adventurers Guild ang tungkol sa pakikialam ni Drebor at ng Red Dragon Family. Wala rin silang nabasa at narinig na balita tungkol sa mga Heaven Armament ni Finn Doria na malinaw namang itinago ng Imperyo mula sa publiko.

Ang tanging alam lang ng mga mamamayan ng Imperyo ng Rowan, si Finn Doria, ang pinakabatang Five Star Grandmaster Blacksmith ay namatay sa Enchanted Mountain dahil sa kagagawan ni Puppet King Hugo.

Ito lang ang alam ng mga ordinaryong mamamayan, adventurer at maharlika. Tungkol naman sa maiimpluwensya at mga saksi, tikom ang kanilang bibig dahil hindi nila gustong salungatin ang imperial family at ang banal na simbahan.

Nang makabawi si Keziah sa matinding gulat, hindi niya alam kung ano ang angkop na dapat niyang sabihin. Pero, nang maalala niya ang titulo ni Finn Doria na pinakabata at pinakatalentadong Blacksmith, agad siyang nakaisip ng mga salita upang makipag-negosasyon.

"Ginoong Finn Doria! Alam naming ikaw ang pinakatalentadong panday sa buong Imperyo ng Rowan-marahil sa buong kontinente! Ganoon pa man, bakit mo sinaktan at inatake ang mga kawal sa lungsod na ito? Ito ba ay dahil sa aming ginawa mahigit isang taon na ang nakararaan?!" pasigaw na tanong ni Keziah. Seryoso siyang tumingin kay Finn Doria at nagwika, "Kung iyon na nga, para sa aming lahat na pumigil at humabol sa'yo, humihingi ako ng kapatawaran! Hindi ko alam na ikaw ay isang tale-"

Itinaas ng binata ang kanyang palad at sinenyasan niya si Keziah na huminto sa pagsasalita. Hindi agad siya kumilos o nagsalita, tumingin lang siya sa mga kawal, lalong-lalo na kay Keziah.

Hindi pa rin nawawala ang ngiti ni Finn Doria, at ilang sandali pa, suminghal siya at nagwika, "Totoong hindi ko pa nakakalimutan ang ginawa n'yo noon. Pero, hindi ako gano'n kaawa-awa para maghiganti sa gano'n kaliit na bagay. May mas mahalaga akong pakay sa lugar na ito, at kung ayaw n'yong madamay, pinapayuhan ko kayong huwag makialam."

"Imposible ang iyong kagustuhan, Ginoong Finn Doria! Kami ay kawal, ang tungkulin namin ay protektahan ang mga mamamayan na nasasakupan ng lungsod na ito! Hindi namin maaaring ipagsawalang-bahala ang iyong pakay dahil buhay ng mga mamamayan ang nakasalalay sa usaping ito!"

"Kung mayroon kang gagawin sa aming lungsod, ipaalam mo sa amin at hayaan mong tulungan ka namin!" seryosong tugon ni Keziah.

Nang marinig ni Finn Doria ang mga salitang ito, hindi niya napigilan ang kanyang sarili; humalakhak siya ng pagkalakas-lakas at sumigaw, "Kalokohan! Tinatawag n'yo ang sarili n'yo bilang protektor ng lungsod na ito? Ikinokonsidera n'yo bilang mga bayani ang sarili n'yo? Hindi ba kayo nahihiya?"

"Ano ba talagang pinoprotektahan n'yo? Sa pagkakaintindi ko, hindi kaligtasan ng mamamayan ang pinoprotektahan n'yo, Kumandante Keziah! Ang pinoprotektahan n'yo ay ang personal na interes ng inyong poon, ng maharlikang namumuno sa inyo."

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon