Chapter II

7.4K 1.1K 139
                                    

Chapter II: Payback time

Mapaglarong nakatitig si Finn kay Hugo habang si Hugo naman ay may hindi makapaniwalang ekspresyon na mababakas sa kanyang mukha. Hindi makapaniwala si Hugo sa nakikita ng kanyang mga mata. Para bang na-estatwa siya dahil hindi niya inaasahang lilitaw sa kanyang mansyon ang binatang akala niya ay patay na isang taon na ang nakararaan.

Pero, hindi nagtagal ang gulat na ito ni Hugo. Bigla siyang humalakhak at napatakip siya sa kanyang mukha. Lumakas ang aura sa kanyang palibot. Naging kapangi-pangilabot ang kanyang inilalabas na aura pero hindi nito naapektuhan ang malapad na ngiti ni Finn.

Pagkatapos ng sandaling paghalakhak, ngumisi si Hugo at nagsalita, “Kung gano’n, nagsinungaling nga ang Red Dragon Family sa lahat! Hindi ka pa patay! Hindi ka nila napatay, Finn Doria!”

“Itinago nila ang lahat ng ito upang makaiwas sa kahihiyan! Hindi totoong napunta ang bangkay mo sa Enchanted Mountain!” humahalakhak na dagdag pa ni Hugo.

Mas lalo siyang naging baliw sa kanyang ekspresyon sa mukha. Nagtatalsikan ang kanyang laway at nababanat ang sinulid na nakatahi sa kanyang labi habang siya ay nagsisigaw at humahalakhak.

Masakit sa tenga ang boses at halakhak ni Hugo, pero, hindi ito pinagtuunan ng pansin ni Finn. Ibinuka niya lang ang kanyang bibig at nagsalita.

“Hindi sila nagsinungaling. Totoong napunta ako sa Enchanted Mountain at muntik-muntikan na akong mamatay dahil sa inyo,” nakangiting giit ni Finn. Lumingon siya at pinagmasdan ang kanyang paligid. “Pero, masyado n’yo akong minaliit. Oh. Nakalimutan kong sabihin na masyadong nakakatakot ang iyong mansyon, Tandang Hugo.”

Naglakad si Finn patungo sa dingding. Pinagmasdan niya ang mga bangkay na nakasabit at marahang nagsalita, “Mukhang hindi ka lang basta-basta isang Puppet Master, gusto mo rin ang pangongolekta ng mga bangkay. Hm?”

Agad na napabaling si Finn kay Hugo dahil naramdaman niya ang kakaibang tingin nito. Nakataas ang kanyang kilay pero hindi nagtagal, napangiti siya nang makita niya ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa mukha ni Hugo.

“Totoong napunta ka sa Enchanted Mountain..?” hindi makapaniwalang tanong ni Hugo. Bumakas ang galit sa kanyang mukha at nagpatuloy siya sa pagsasalita, “Sa tingin mo ba ay maniniwala ako?! Sino’ng maniniwala sa’yo na galing ka sa Enchanted Mountain, at nakaalis ka ng buhay roon?! Walang sinuman ang nakakaalis ng buhay sa lugar na iyon!”

Makahulugang ngumiti si Finn at marahang nagsalita, “Pero narito ako sa iyong harapan—humihinga at buhay na buhay.”

Isang taon na ang lumipas mula nang mapadpad si Finn sa Enchanted Mountain. Natapos na rin siya sa kanyang pagsasanay at ngayon, higit na mas malakas na siya kaysa rati.

Bahagyang umiling si Finn at tumingin sa bangkay ng wingman na nakahiga sa sahig. Ibinuka niya ang kanyang bibig at agad na iniba ang diskusyon. “Isang taon na rin pero hanggang ngayon ay hindi mo pa rin nagagawang kontrolin ang bangkay na iyan? Mas lalong lumiit ang tingin ko sa iyo. Mukhang ang iyong maruming reputasyon ay hindi katanggap-tanggap, Tandang Hugo.”

Mas lalong napasimagot si Hugo. Matalim siyang tumingin sa binata at galit na nagsalita, “Ano’ng karapatan mong maliitin ako, ang Puppet King?! Marahil isa kang talentadong panday pero wala kang alam sa pagiging isang Puppet Master, bata!”

“Huwag kang magsalita ng mga bagay na hindi mo alam!” nakasimangot pa ring dagdag ni Hugo.

Bahagyang napatawa si Finn at napailing. Inilahad niya ang kanyang kamay at tumugon, “Huwag ka namang ganiyan, Tandang Hugo. Hindi mo ba alam na malayo ang nilakbay ko para lamang makita ka? Mabuti na lang talaga dahil hindi mo isinisikreto ang iyong teritoryo. Nakakalungkot lang malaman na nag-iisa ka pala rito.”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon