Chapter XXI

6.5K 882 64
                                    

Chapter XXI: Heading out

Natalo sa kasunduan si Qinro. Nakaramdam ng panlulumo ang pamunuan ng Jawfish Clan dahil nawalan sila ng malaking oportunidad na pamunuan ang isang alyansang maaaring magbago sa kanilang katayuan. Mayroon na sana silang pag-asa na mamuno sa Underwater Kingdom na matagal nang minimithi ng kanilang mga ninuno, ganoon man, nawala ang oportunidad na ito dahil sa isang kasunduan.

Dahil pumayag si Qinro sa kasunduan, wala na siyang karapatan na mamuno at maging tagapasiya sa gagawin nilang pakikipaglaban sa Sharkman Clan. Ang posisyon na lang nila ay pangkaraniwang miyembro ng alyansa at wala silang magagawa kung hindi sumunod sa desisyon ng mamumuno sa alyansa na kanilang bubuuin.

Ilang minuto ang itinagal ng katahimikan. Nakatitig pa rin sina Finn at Qinro sa mga mata ng isa’t isa. Magkaiba ang ekspresyong mababakas sa kanilang mga mukha, ang isa ay malinaw na makikitaan ng mapaglarong ekspresyon habang ang isa naman ay taimtim ang ekspresyon.

Hindi nagtagal, ibinuka muli ni Finn ang kanyang bibig at nagwika, “May pagtutol ka pa ba sa resulta ng laban, Pinunong Qinro? Handa ka bang tanggapin ang kasunduan ng buong puso… o gusto mong tumutol sa resulta?”

Ang tanong ito ng binata ang nagbigay sa karamihan ng interes. Interesado silang tumingin kay Qinro dahil nais nilang malaman kung ano ang reaksyon at itutugon nito.

Seryosong tumingin sina Monroe at Emilia kay Qinro habang si Luyan naman ay seryosong nakatingin kay Finn.

‘Ang kanyang lakas ay talagang… kahanga-hanga..’ sa isip ni Luyan.

Ito rin ang nasa isip ng iba, kabilang na roon sina Zed at Crypt na pinupuri si Finn sa kanilang isip.

‘Talagang napakatalentado niya sa napakaraming larangan… Kailangan kong magpursigi dahil darating ang araw na mapapantayan ko siya—kahit man lamang sa pagiging adventurer!’ determinado sa isip ni Zed.

‘Noon, hindi ako naniniwalang talentado si Finn… pero ngayong nakikita na mismo ng aking mga mata ang kanyang kakayahan, aaminin kong siya na ang pinakahinahangaan kong adventurer sa lahat ng aking nakilala.’ Nakangiti si Crypt habang nakatitig kay Finn. Payapa ang kanyang ekspresyon at ang kanyang tingin ay para bang walang tigil niyang pinupuri ang binata.

Nanatiling taimtim ang ekspresyon ni Qinro. Tinalikuran niya si Finn at naglakad siya palayo habang nagsasalita, “Tinatanggap ko ang aking pagkatalo. Wala akong pagtutol sa ating kasunduan at wala rin akong sasabihin o ipapayo na kahit ano sa alyansang ito.”

“Pagkatapos n’yong buuin ang alyansa at plano, maaari n’yo akong bisitahin sa aking mansyon upang ipaliwanag ang inyong desisyon at plano.”

Naging madali ang lahat at walang naganap na komplikasyon sa pagitan ng dalawang nagkasundo. Tinanggap ni Qinro ang kanyang pagkatalo ng matiwasay at wala nang pagtutol ang naganap kaya naman naging masaya ang mga ka-alyado ni Emilia.

Dahil dito, malaki ang posibilidad na ang Monster Lobster Clan ang mamuno sa mangyayaring rebelyon.

Naglakad patungo si Finn sa kinaroroonan ni Emilia. Nakangiti siya sa nakalutang na munting balyena at noong huminto siya, mas lalo pang naging matamis ang kanyang ngiti.

“Mukhang wala nang tumututol sa aming pagsali sa alyansa. Ipapaubaya ko na sa inyo ang pagbuo ng plano dahil kayo ang pamilyar kung ano ang mayroon sa karagatang ito,” sambit ni Finn. “Manonood na lang ako sa tabi at makikinig sa inyong pagpapalitan ng mga ideya.”

Nakabawi si Emilia sa matagal niyang pagkakatitig sa binata. Tumingin siya sa ibang direksyon at pabulong na nagsalita, “Sa iyong aktwal na lakas… sinong mangangahas na tumutol sa iyong pagsali?”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon