Chapter XXX

5.9K 834 48
                                    

Chapter XXX: It’s time for one on one

Sa isang napakagandang silid, sa palasyo ng imperyo isang lalaking nasa katanghaliang gulang ang malumanay na nakaupo sa isang magara at mataas na upuan. Ang kanyang maitim na mga mata ay bumagay sa kanyang mahabang itim na buhok at maputlang kutis. Ang kanyang maamong mukha ay mukhang inosente at para bang siya ang tipo ng taong hindi gagawa ng kasamaan.

May suot-suot siyang magarang korona na punong-puno ng mga hiyas. Napakaganda rin ng kanyang kabuuang kasuotan at bawat palamuti sa kanyang katawan ay hindi pangkaraniwan. Ang lahat ng kanyang suot ay kayamanan; at hindi lang ordinaryong mga kayamanan.

Sa harapan niya, mayroong apat na kawal ang magalang na nakayukod habang ang kanilang kamao ay nakalapat sa pulang karpet. Isa sa mga ito ay babae habang ang tatlo naman ay lalaking magkakaiba ang pangangatawan.

Mayroong payat, mayroong katamtaman at mayroong napakalaki ng pangangatawan.

Bawat isa sa apat ay malakas—sobrang lakas na para bang malapit na nilang mahigitan ang ranggo na Heaven Rank. Siyempre, natural lamang iyon dahil ang apat na ito ay kilalang-kilala sa buong kontinente.

Sila ang kinatatakutan ng mga ordinaryong 9th Level Heaven Rank dahil sila ang apat na Imperial Guard na sumusunod lamang sa utos ng emperador.

“Mm. Wala na si Hugo at buhay pa si Finn Doria. Nagawa niyang makapasok sa kaharian ng mga Redmark at nagawa niyang makaalis nang hindi nagtatamo ng kahit isang galos,” malumanay na sambit ng lalaking nakaupo sa trono. “Bumalik siya sa lungsod ng Erdives para ilgtas ang dalawang beastman at naglaho siya na para bang bula. Kahanga-hanga. Karapat-dapat lamang para sa pinakatalentadong panday sa henerasyong ito.”

“Ang panday na may potensyal na bumuo ng Heaven Armament,” dagdag pa niya.

Hindi kumibo ang apat habang ang emperador ay nagpapatuloy sa pagsasalita. Nanatili lamang silang tahimik habang hinihintay nila na pagsalitaan sila ng kanilang kamahalan.

“Hindi tumuloy ang Beastman Kingdom sa kanilang binabalak na pagsugod, nananahimik pa rin ang Demon Mountain, naglaho bigla ang isa sa apat na Forbidden Place at binabalak ng mga merfolk na palayain ang limang nilalang sa Dark Sea,” muling paglalahad ng emperador sa mga ulat na kanyang natanggap. “Interesante. Interesante ang mga nangyayari ngayon. Nagsisimula na akong mag-isip na may mangyayaring napakalaki sa panahon ko bilang emperador. Hindi na tuloy ako makapaghintay.”

Bumaling ang emperador sa apat na Imperial Guard at bahagyang ngumiti, “Kayo… interesado ba kayo sa mga susunod na mangyayari sa kontinenteng ito? Handa na ba kayong apat sa malaking kaguluhan na magaganap sa kontinenteng ito?”

Agad na iniangat ng babang Imperial Guard ang kanyang ulo at determinadong tumugon, “Para sa Kamahalan, kami ay laging handa.”

Tumango-tango ang emperador at matamis na ngumiti sa babaeng Imperial Guard. Muli siyang tumingin sa kawalan at nagwika, “Mayroon ba kayong i-uulat sa akin na hindi ko alam?”

Iniangat ng lalaking may matipunong pangangatawan ang kanyang ulo at magalang na nagsalita, “Kamahalan, ang inyong traydor na kapatid ay bihag ng merfolk.”

“Nais n’yo bang magtungo ako sa kanilang kaharian upang makipagnegosasyon sa kanila? Ihaharap ko sa inyo, Kamahalan, ang inyong traydor na kapatid upang siya ay maparuhasan ng kamatayan sa harap ng publiko,” magalang na dagdag pa ng lalaking Imperial Guard.

Nanatiling nakangiti ang emperador, pero, ilang segundo pa ay umiling ito at nagwika, “Alam ko na ang tungkol sa bagay na iyan—pero, wala akong pakialam sa kanya. Hayaan n’yo ang mga merfolk na magparusa sa kanya.”

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon