Chapter V

6.8K 963 248
                                    

Chapter V: Gratitude, Confused

“Ikaw…” nagulat si Hugo sa kanyang narinig. Nanlilisik na mata niyang tiningnan si Finn. Hindi niya alam kung paano nalaman ng binata ang tungkol sa kanyang pinaplano. Hindi niya rin maintindihan kung bakit bigla na lamang nitong naibulalas ang tungkol sa kanyang mga alaala. Kakaunting adventurer lamang ang nakakaalam tungkol sa kanyang nakaraan, ganoon pa man, bukod sa kanya, walang sinuman ang nakakaalam tungkol sa nararamdaman niya at sa kanyang pagsisising dinaranas daan-daan taon na ang nakararaan.

Totoong sinisisi niya ang kanyang sarili sa pagkamatay ng mga taong malalapit sa kanya. Ito ang katotohanang nagmumulto sa kanya matagal na panahon na.

Namulat siyang ipinapamukha sa kanya ng kanyang ama na siya ay salot at malas, at noong mamatay ang kanyang ama dahil sa takot sa kanya, doon niya na napaniwala ang kanyang sarili na siya ang may kasalanan ng lahat ng kamalasang nangyayari sa kanya at sa paligid niya.

Nanginig ang katawan ni Hugo nang maalala niya ang lahat noong bata pa siya. Ang pagpanaw ng kanyang lolo, ang pangungutyang natanggap niya mula sa mga tao, ang pananakit na natanggap niya sa kanyang ama at ang pagkamatay nito. Napataklob si Hugo sa kanyang mukha at hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Napahagulgol si Hugo na para bang bata.

Kung titingnan, hindi na siya ang Hugo na masama at parang baliw. Para na lang siyang bata ngayon na nahihirapan at nasasaktan.

Tahimik na pinagmasdan ni Finn si Hugo. Hinayaan niya ito na humagulgol na parang bata.

‘Buong buhay niya, halos nabuhay siya sa kalungkutan at pag-iisa. Sinalo niya ang kalungkutan ng mag-isa… Wala siyang naging pamilya at wala siyang naging katuwang sa buhay… Hindi siya nagkaroon ng totoong mga kaibigan.’

‘Walang dumamay sa kanya sa daan-daang taon niyang kalungkutan dahil lahat ng lumalapit sa kanya, itinataboy niya…’ sa isip ni Finn.

Hindi likas na masama si Hugo. Hindi siya pumapatay dahil gusto niya lang. Pumapatay siya dahil mayroong kasalanan sa kanya ang isang tao o nilalang.

Huminto si Hugo sa paghagulgol. Inalis niya ang kanyang kamay sa kanyang mukha at muling lumitaw ang napakadungis at nakakakilabot niyang hitsura. Napakagulo ng kanyang buhok at kakaunti na rin ito. Wala na siyang kilay habang ang kanyang mukha ay naaagnas na.

“Sabihin mo, Finn Doria. Paano mo nalaman?” tanong ni Hugo habang nakatulala sa kaulapan.

Hindi na nag-alinlangan pa si Finn. Tumingin siya sa mga mata ni Hugo at kalmadong tumugon, “Binasa ko ang isip mo… at nakita ko ang mga alaala sa iyong isipan.”

Napatitig si Hugo sa binata. Ibinuka niya ang kanyang bibig pero sa huli, nagdesisyon siya na hindi na ituloy ang kanyang sasabihin. “Sino ka bang talaga, Finn Doria? Hindi ako naniniwalang naitago mo ang iyong katauhan ng ganito katagal sa imperyong ito. Kahit nasa kasuluksulukan ka ng kontinente, mahahanap ka pa rin ng mga Rowan at ng Banal na Simbahan.”

Wala nang rason para itago ni Finn ang kanyang sikreto. Bumuntong hininga siya at muling tumugon, “Hindi ako mamamayan ng kontinenteng ito. Nagmula ako sa kabilang kontinente.”

Sandaling natigilan si Hugo bago muling magsalita, “Ganoon pala…”

“Pero, ayon sa impormasyon, mas nahuhuli ang kontinenteng iyon kaysa sa kontinenteng ito. Paanong nagkaroon ka ng napakaraming Heaven Armaments? Maaari kayang…” natigilan si Hugo at napasulyap muli siya sa binata. May sumagi sa kanyang alaala na balita. Narinig niya ang haka-haka sa mga maiimpluwensiyang adventurer sa kontinenteng ito. At ang haka-hakang iyon ay tungkol sa kakayahan ni Finn na bumuo ng Heaven Armaments.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Onde histórias criam vida. Descubra agora