Chapter XVIII

6.1K 887 69
                                    

Chapter XVIII: Unwelcome

Para kay Monroe, kung potensyal lang ang pag-uusapan, ang binatang nasa harapan niya ang may pinakamalaking potensyal bilang adventurer sa buong Dark Continent. Isa itong Five Star Grandmaster Blacksmith, at ang binatang ito ang pinakabatang panday na nasa ganitong ranggo; dito pa lang ay makikita na kung gaano ka-pambihira ang talento ng binatang si Finn.

Ganoon pa man, bukod sa pagiging panday, hindi rin siya papahuli bilang adventurer na nagtataglay ng dalawang elemento. At ayon sa impormasyong natanggap ni Monroe, nagawa rin ng binata na labanan si Hugo ng sandali.

Kung ibang adventurer iyon, siguradong hindi sila magtatagal ng ganoon katagal.

Kung kaya ni Finn na labanan si Hugo kahit mas mababa ang kanyang antas, isa lang ang ibig sabihin noon; mayroon siyang kakayahan na wala ang ibang ordinaryong adventurer.

Sandaling nag-isip muna si Monroe bago siya huminga ng malalim at tumugon, “Wala akong nakikitang problema sa inyong pagsama sa amin dahil kaibigan kayo ni Binibining Emilia at ni Prinsesa Melissa. Ganoon pa man, hindi kami iisang angkan lamang; maraming angkan ang makikilahok at sasama sa pagbuo ng alyansa para pigilan ang Sharkman Clan at ang mga ka-alyado nila sa kanilang masasamang plano.”

“Dapat mong malaman na hindi kami pare-pareho ng pag-iisip at pananaw. Makakaya naming kumbinsihin ang iba na hayaan kayong sumali, ganoon pa man, hindi ang iba—lalong-lalo na ang Jawfish Clan,” seryosong dagdag ni Monroe.

“Bakit? Dahil ba iba ang lahi namin sa inyo?” tanong ni Crypt. Naging seryoso na siya, at pilit niyang inalis ang kanyang mayabang na tono upang hindi na maging komplikado ang lahat para sa kanilang grupo.

Tumango si Monroe at direktang tumugon, “Oo. Dahil kayo ay tao at beastman.”

“Sa aming lahi, mayroong pinapatupad na batas na kailanman ay hindi kami maaaring makipagtulungan o makipagsabwatan sa ibang lahi, lalong-lalo na sa mga tao at demonyo. Isa itong batas na dati pang umiiral sa aming kaharian, at ang lahat ng lalabag ay mapaparusahan,” huminto si Monroe sa pagpapaliwanag at tumingin muna siya kina Finn bago magpatuloy, “At ang parusa ay walang iba kung hindi ang agarang pagkawasak ng angkan.”

Natigilan sina Finn sa mga salitang binitawan ni Monroe.

‘Ganoon ba talaga ka-ayaw makisalamuha ng merfolk sa ibang lahi? O mayroong dahilan kung bakit?’ tanong ni Finn sa kanyang sarili.

“Kung gano’n ka-komplikado ang sitwasyon—”

Hindi pa man natatapos si Finn sa pagsasalita, nagsalita na agad ang kanina pa tahimik na si Emilia.

“Kung gusto n’yong tulungan si Melissa at ang inyong mga kaibigan, tutulungan ko kayo,” mahinang sambit ni Emilia. “Kahit na hindi ako malakas o aktwal na miyembro ng Mercrown Clan, marami pa ring sumusuportang pinuno ng angkan sa akin. Marami rin akong kaibigan na halimaw kaya… kailangang-kailangan pa rin ako ng mga hambog na ibang pinuno ng angkan.”

Ngumiti si Monroe sa binitawang salita ni Emilia at tumango, “Tama. Buo ang suporta ng aking angkan kay Binibining Emilia. At dahil tutulungan niya kayo, tutulong din kami sa inyo. Susuportahan namin kayo mula sa iba, at marahil ‘yun din ang gagawin ng ibang angkan na buo ang tiwala kay Binibining Emilia.”

Napahanga si Finn sa kanyang mga narinig. Pareho niyang hinahangaan si Emilia at Monroe dahil sa kani-kanilang personalidad. Kahit si Emilia ay isang Eighth Grade Vicious Beast lang, malawak pa rin ang koneksyon niya. Si Monroe naman ay labis na tiwala at katapatan ang ibinibigay kay Emilia na siya ring naging dahilan kung bakit lubos na natuwa si Finn.

“Maraming salamat sa inyo. Ipinapangako naming tatlo na hindi kami magiging pabigat sa inyo,” masayang sabi ni Finn.

Tumango sina Emilia at Monroe. Si Luyan naman ay kalmado na rin habang pinagmamasdan sina Finn.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon