Chapter XXVIII

5.7K 841 77
                                    

Chapter XXVIII: Saved! I kill whoever I want to kill!

Makalipas ang ilang oras na paglalakbay, narating na ng grupo ni Sharkim ang bukana ng Dark Sea. Ramdam na ramdam na ang kakila-kilabot na aura sa paligid. Naririnig na rin nila ang malalakas na pagkulog at pagkidlat, at ramdam na rin nila ang panginginig ng kanilang mga sinasakyang Gigantic Whale Shark. Hindi pa sila lubusang nakakarating sa Dark Sea pero ang pakiramdam ng bawat isa sa kanila ay hindi na komportable.

Nasa bunganga na ng dambuhalang pating sina Sharkim at Serpentos, at mapapansin sa kanilang likuran si Melissa na nakaposas at binabantayan ng dalawang kawal.

"Nakarating na tayo sa ating destinasyon," seryosong sambit ni Sharkim. "Nararamdaman ko na ang aking tagumpay. Malapit na, malapit ko nang makuha ang kapangyarihan at pamumunong aking tinatamasa noon pa man!"

Suminghal si Melissa at nanghahamak na nagsalita, "Hindi mo alam ang ginagawa mo. Ilalagay mo lang sa panganib ang buong karagatan dahil sa iyong kahangalan. Natalo ka na. Wala na sa iyo ang trono. Uulitin mo lang ang nangyari ilang libong taon na ang nakararaan dahil lang sa iyong walang kuwentang paghahangad sa kapangyarihan."

Suminghal din si Sharkim at lumitaw siya sa harapan ni Melissa.

PAK!

Napabaling si Melissa sa kaliwa dahil sinampal siya ni Sharkim. Nakaramdam siya ng pamamanhid ng pisnge at pagkahilo dahil sa puwersang pinakawalan ni Sharkim. Naramdaman niya rin ang kamay ni Sharkim sa kanyang baba at ang matitilos nitong kuko ay bumaon na nagdahilan ng pagtulo ng kanyang dugo.

Inilapit ni Sharkim ang kanyang mukha kay Melissa at malalim na nagsalita, "Natalo lang nila ang walang kuwenta kong mga tauhan pero hindi ako! Sa tingin ba nila ay matatalo nila ako, si Haring Sharkim?!"

"Hindi!" pasigaw na dagdag pa ni Sharkim at marahas niyang binitawan ang baba ni Melissa na naging dahilan ng pagbagsak nito.

Agad siyang itinayo ng dalawang kawal at hinawakan sa magkabilang braso. Makikita ang sobrang pagkamuhi sa mga mata ni Melissa habang tinitingnan niya si Sharkim.

"Wala ka nang magagawa, Prinsesa Melissa," nakangising sambit ni Sharkim. "Ang iyong tadhana ay nakaukit na. Ang iyong misyon lang sa mundong ito ay maging susi upang ako ay magtagumpay sa aking mga hinahangad! Ikaw ang magiging sakripisyo at pakakawalan mo ang mga nilalang na iyon upang ako ay pagsilbihan!"

Nanghihinang humalakhak naman si Melissa at nagsalita, "Kahit pa magtagumpay ka... kahit pa mapakawalan mo ang mga nilalang na iyon, mayroon at mayroon pa ring pipigil sa'yo! At maniwala ka sa akin, narinig ko na ang tungkol sa sinasabi n'yong mga diyos. At kapag mayroon kang kinalaban na hindi mo dapat kinalaban, ang iyong buhay ay siguradong magwawakas nang hindi mo nalalaman!"

Nabigla si Sharkim sa mga sinabi ni Melissa. At noong nakabawi siya, muling bumakas ang matinding inis sa kanyang mukha. Iniangat niya muli ang kanyang kamay, pero, bago pa man niya muling pagbuhatan ng kamay si Melissa, narinig niya ang boses ni Serpentos.

"Mahal na Hari, huminahon muna kayo. Hindi maganda kung aksidente n'yong mapapatay ang inyong susi," paalala ni Serpentos kay Sharkim.

Suminghal si Sharkim at kinuyom ang kanyang kamao. Sinamaan niya ng tingin si Melissa at marahas na nagsalita, "Sa tingin mo ba ay ang mga diyos ay nasa paligid lamang?! Sa mundong ito, tanging mga nilalang lang sa Dark Sea ang may kapangyarihan at lakas na maikukumpara sa mga diyos!"

"Nasasabi mo lang ang mga salitang 'yan dahil hindi mo pa nalilibot ang buong mundo; hindi mo pa nakikilala ang taong gumawa ng maraming himala," malamig na sabj ni Melissa.

Napakunot ang noo ni Sharkim, pero, agad din siyang napangiti. Lumapit pa siya kay Melissa at hinaplos niya ang pisnge nito.

Sumagi sa isipan ni Sharkim ang pigura ni Finn nang banggitin ni Melissa ang tungkol sa taong gumawa ng maraming himala. Naging interesado siya dahil mukhang kilala ni Melissa ang pagkatao ng binata.

Legend of Divine God [Vol 6: Kingdom Under the Water]Where stories live. Discover now