Nahihiya ako sa mga kaibigan ko. I promised them na mag-aaral ako sa library kasama nila pero hindi ko naman inasahang biglang dadalaw sa akin ang nanay ko. Minsan na lang kami magkita kaya ayaw ko namang iwan siya ngayon hangga't hindi ko pa klase.
"Kumusta naman 'yung pakikitungo sa 'yo ng volleyball team?" Usisa nito habang nagpapahinga sa tapat ng electric fan.
"Okay naman, ma. Mababait naman. Mabuti na lang din talaga na may kakilala na ako doon galing sa org so hindi ako mahihirapan mag-adjust." I assured her.
"Sinasabi ko sa 'yo, ah. Kapag bumagsak ka dahil sa org org na 'yan tapos sinabay mo pa sa volleyball." Pagbabanta nito. Naiintindihan ko naman. Natatakot lang din siyang baka mapabayaan ko pag-aaral ko para lang sa org.
"Hindi 'yan, ma. Akong bahala." Pagsisiguro ko rito. "Kumain ka na?" Tanong ko.
"Hindi pa nga, eh." Sagot nito.
"Kain tayo sa loob ng school. Ipasyal na rin kita." Pagprisinta ko sa kanya. Wala rin naman kaming gagawin dito sa dorm ko kaya mas maganda nang nakikita naman nya 'yung kadalasang nakikita ko.
"Ay sige nga nang maranasan ko namang makapasok din dyan."
Mabuti na lang at naligo na ako kanina dahil akala ko'y magpupunta nga ako sa library. Nagbihis na lang ako ng uniform ko para tuloy-tuloy na mamaya hanggang sa klase ko at pagkatapos ay umalis na kami ng dorm.
Habang naglalakad ay nadadaanan na din namin ang ibang mga building sa loob ng university at manghang-mangha siya sa nakikita niya. Masaya akong nakikitang ganito ang nanay ko. Nagpapakuha siya ng litrato sa bawat building na madadaanan namin - maging sa field at kahit saang maganda ang view.
Nasa kalagitnaan ako ng pagkuha ng picture ni mama nang biglang may kumalabit sa akin. Pagkalingon ko ay isang napakalawak na ngiting Tristan ang bumungad sa akin.
"Hello." Bati nito sa akin.
"Uy, Tristan! Mama ko pala." Pagpapakilala ko rito sa nanay ko.
"Ay! Hello po! Ako po si Tristan." Pagpapakilala nito sa sarili niya.
Kinawayan lang ito ng nanay ko - marahil ay hindi alam kung ano ang sasabihin.
"Akin na 'yang phone, Sam. Picture-an ko kayo together." Pagpiprisinta nito.
"Hala salamat." Sagot ko rito at hindi na tumanggi pa dahil gusto ko rin talagang magkapicture kami ng nanay ko nang magkasama.
"One... Two... Three!" Bilang nito. "Isa pa!" Sunod na sabi nito. "Wacky naman!"
Ramdam kong natuwa ang nanay ko kay Tristan dahil pagkatapos ng picture taking namin ay niyaya niya itong kumain. Sakto namang hindi pa siya kumakain kaya't pumayag siyang sumabay sa amin.
Mas kinilala ng nanay ko si Tristan. Nalaman niyang kaorg ko siya at kateam na rin sa volleyball kung papalaring makapasok kaya't natuwa siya dahil nakilala niya ang taong madalas kong makakasama.
Maya-maya pa ay dumating naman sila Del kasama ang mga kaibigan ko at lahat sila'y lumapit sa table namin upang batiin si mama. Masaya ako kasi nakilala niya ang mga kaibigan ko. Sayang lang talaga dahil hindi niya nakita sila Justin pero at least ay nakilala niya ang karamihan sa mga ito.
Hindi kami kasya kaya't pumwesto sila sa may malawak na table malayo sa pwesto namin. Naiwan muli kaming tatlo at mas kinilala pa ni mama si Tristan.
Pagkatapos naming kumain ay nagpaalam na si mama dahil dadaan pa daw siya sa tita ko. Naiwan kami ni Tristan na humiwalay na rin sa akin nang sabihin kong sasama na ako sa mga kaibigan ko upang mag-aral sa natitirang oras na meron ako. Naintindihan niya naman iyon kaya't humiwalay na rin siya.