♕CHAPTER 11♕

3.3K 112 1
                                    

LUCIA's POV

♕♕♕

Dalawang linggo na ang lumipas simula ng aksidenteng nagdulot samin dalawa ni Sevius na maging malapit sa isa't isa.

Araw-araw niya kong dinadalaw sa lumipas na mga linggo na 'yun, kahit na sisilipin niya lang ako o hindi kaya dadalhan ako ng panibagong libro mababasa at maryenda.

Hindi niya man sabihin sa'kin na nag-aalala siya ay halata naman sa mga kinikilos niya. Madalas na rin kami magkwentuhan at kahit papano nababawasan na ang pagtataray sa'kin ng batang 'yun.

Lagi niya kong binabantayan at dinaig pa sila Sasha kung mag-alaga sa'kin, madalas nga lang may kasamang sermon pero masaya na rin ako dahil pakiramdam ko importante ako sa kaniya.

"Sa wakas pwede na ko tumakbo," banggit ko sa kanila habang inuunat ko ang binti ko.

"Mabuti nga raw madam na iensayo niyo ang paa niyo sa labas sabi ng doktor," sagot naman ni Sasha at inabutan ako ng slice ng cake na nakalagay sa isang puti at gintong platito.

"Salamat Sasha," banggit ko sa kaniya.

"Bakit hindi ka maglakad sa labas? Kung gusto mo sasamahan kita," sabi naman ni Sevius at napangisi ako sabay tingin sa kaniya.

"Bakit hindi mo ko tawagin ng mom? Katulad nang pagtawag mo sa'kin nung nakaraan?" Pang-aasar ko sa kaniya at hindi maiwasan nung tatlo na humagikhik sa namumulang mukha ni Sevius.

"Asa ka naman! Hindi na mauulit 'yun, saka magkaaway nga kayo ng tatay ko tapos gusto mo tawagin kitang mom?" Tanong niya at napanguso ako.

Tama siya, hanggang ngayon hindi ko pinapansin ang Duke dahil sa ginawa niyang aksyon kay Sevius, sabi naman ni Sevius ay hindi raw sinasadya ng Duke na masampal siya at unang beses lang daw siyang masaktan ng kaniyang ama ngunit hindi pa rin ako ayos sa ideya na 'yun, kaya bahala siya d'yan hindi rin naman ako kawalan.

"Naku madam, na saan na 'yung plano mo maging buo kayong pamilya?" Tanong ni Melinda at halos tignan namin siya nang masama nina Sasha at Rosana dahil sa maririnig ni Sevius ang plano ko.

"Hu? May plano kang ganun?" Tanong naman ni Sevius at parang wala lang pakialam sa narinig niya sabay higop ng tsaa.

Minsan iniisip ko kung bata ba itong nasa harap ko o isang matanda na nag-aanyong bata.

"Si Melinda kasi ang ingay," saway naman ni Rosana at napabuntong hininga na lang ako.

"Ano naman ngayon kung pangarapin ko na maging pamilya kayo? Gusto ko lang maging normal tayong pamilya katulad ng iba," sagot ko kay Sevius at sinuot na ang sandalyas ko.

"Kaya bilang nanay mo, samahan mo ko maglakad sa hardin," sabi ko sa kaniya sabay ngiti sa harap niya at nagbuntong hininga na lang siya sabay bitaw sa tsaa hawak niya.

"Osige, tutal ayaw ko rin naman pumasok sa susunod kong leksyon," sagot niya at napatawa ako.

"Hahaha gagawin mo lang pala akong dahilan para hindi pumasok sa leksyon mo ngayon?" Tanong ko at nagbikit-balikat siya sabay lahad ng kamay niya sa harap ko.

Parang tunay na ginoo niyang pinuwesto ang kaniyang kamay sa harap ko habang nakayuko at nakalagay naman ang isa niya pang kamay sa tapat ng kaniyang dibdib.

Duchess Lucia [The Third Wife of the Tyrant Duke]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon