Chapter 3

170K 9.1K 13.9K
                                    

HINDING-HINDI magkakagusto sa isang katulad ko?


Inulit-ulit ko sa isip ang mga binitiwan niyang salita, nakakapikon. Anong ibig sabihin niya roon? Porket ba hindi ako matalino, wala sa highest section, hindi niya na ako posibleng magustuhan? Like ever?


Pinilit kong hilain ang palda ko na nasabit sa sirang bahagi ng upuang kahoy. Sumabit ang sinulid kaya hindi maalis-alis, sa inis ay basta ko na lang itong hinaltak.


Nagmamartsa akong lumakad papunta sa gate. Wala na masyadong mga estudyante dahil papadilim na. Kanina pa nag-uwian ang lahat. Nakasimangot ako sa isip ay minumura sina Isaiah. Mantak ba namang iwan ako? Mga walanghiya.


Mga walang kwentang tropa, nang-iiwan sa gitna ng kagipitan. Wala silang kamalay-malay na hinamak ng Jordan Moises Herrera na 'yan ang pagkatao ko.


Malapit na ako sa gate nang maparaan ako sa mga nakatambay na lalaking estudyante sa tapat ng faculty. Nakangisi silang lahat sa akin, partikular sa gawing likuran ng aking palda. Mga mukhang tanga, real talk lang, mga mukha namang kulang sa ligo.


Nilampasan ko sila hanggang sa makalabas ng gate. Marami pang tambay sa labas ng school, hanggang sa patungo sa highway kung saan sakayan ng jeep at tricycle.


Naglalakad ako nang matanaw ko si Jordan sa tapat ng tindahan. Nandoon na naman siya na parang may hinihintay. Sa balikat niya ay may nakasampay na color black varsity jacket. Ang mukha niya ay hindi nakasimangot at hindi rin nakangiti. Basta seryoso lang.


So hindi pa pala umuuwi ang hari ng mga suplado. Akala mo kung sinong guwapo na nakatayo habang nakapamulsa. Duh! Mas guwapo pa si Isaiah sa kanya, no!


Hindi ko namalayang bumabagal na pala ang aking bawat hakbang. Nakatingin lang ako sa kanya at hindi ko maiwasang magtaas ng kilay habang papalapit sa kanyang kinatatayuan. Guwapo naman talaga ang supladong ito.


Napansin niya yata na may nakatingin sa kanya kaya napalingon siya sa gawi ko. Nagsalubong ang makakapal niyang kilay nang makita ako.


Sinamantala ko na nagtama ang aming mga mata, inirapan ko siya at inismiran. Tila nagulat siya dahil napaawang ang mapula niyang mga labi.


Nagpatuloy ako sa paglalakad hanggang makalampas sa kanya. Tulala pa rin siya sa akin. Hindi yata sanay na tinatarayan.


Nakalayo na ako, nasa tapat na ng hintuan ng jeep, nang maisipan ko siyang lingunin. Nakayuko siya at parang may pinag-iisipan nang malalim.


Aalisin ko na ang aking paningin sa kanya nang mag-angat siya ng mukha. Sa akin siya nakatingin nang magsimula siyang maglakad.


Wait, sa akin ba siya papapunta? Nahugot ko ang aking paghinga habang papalapit siya. 


Aawayin niya ba ako? Pagsasabihan? Ano? Huminto siya sa aking harapan na hindi ko alam ang kanyang sadya. Nakatingin lang siya sa akin at parang pinag-iisipan pa kung magsasalita ba siya o hindi.

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon