Chapter 41

152K 8.9K 6.5K
                                    

"NICE."


Nakakapaso ang lamig ng boses ni Jordan. Hindi na siya nagsalita hanggang sa bumalik sa table ang mommy niya at si Jillian.


Naumid ang dila ko nang taasan ako ng kilay ni Jillian. Para bang alam ng babae na hindi kami okay ngayon ng kuya niya. Yumuko na lang ako kinauupuan habang mariing nakakapit sa aking gown. 


Wala akong nakuhang pagkakataon para makausap nang sarilinan si Jordan. Nang matapos ang prom ay kasama pa rin namin ang mommy niya at si Jillian. Ako na lang ang nagpaalam at kunwari'y babalik sa table namin nina Sussie.


Hindi ako pinigilan ni Jordan kaya tumuloy na ako para umalis. Bagsak ang balikat ko habang naglalakad. Wala na rin pala si Sussie sa table namin.


Nagpasya ako na uuwi na lang tutal nag-uuwian na rin naman na ang lahat.


Ang iba-iba ay grupo-grupo na paalis, ang iba naman partner-partner. Ako lang ang namumukod-tangi na walang kasama.


Tinungo ko na ang exit ng convention. Nakasalubong ko si Miko roon na may kaharutang babae, siya ang nagsabi sa akin na sumama raw si Sussie kay Arkanghel. Walang may alam kung saan nagpunta ang dalawa.


Sa labas ng convention ay nakita ko naman si Hugo na nakasandal sa pader. Lalapitan ko sana ang lalaki nang maunang lumapit sa kanya ang mommy niya na si Mrs. Aguilar. Napanganga ako nang sampalin siya ng mommy niya.


Walang reaksyon si Hugo at nang kumilos siya ay saka ko nabatid na lasing siya. Hinila siya ng mommy niya patungo sa sasakyan nila. Mukhang may ginawa na namang katarantaduhan ang lalaki.


Napabuntong-hininga ako. Malungkot na naglakad na ako para humanap ng sasakyang tricycle. Uuwi na lang ako sa amin tutal wala naman na akong gagawin pa rito.


Pababa ako sa baitang ng lobby nang may biglang humawak sa aking braso. Paglingon ko ay nasalo ko ang malamlam na mga tingin sa akin ni Jordan. 


"Where are you going?"


Umawang ang labi ko dahil hindi ko na inaasahan pa na susundan niya ako.


"Kuya, parating na si Daddy," tawag ni Jillian sa kanya. Nasa likod namin ang babae kasama si Mrs. Herrera.


"Hindi ako sasabay. Ihahatid ko si Carlyn," pagkasabi niya ay hinila niya na ako paalis.


Nabibiglang napatingin na lang ako kay Jillian na nakahabol din ang tingin sa amin. 


Pumara ng tricycle si Jordan at pinasakay ako sa loob. Wala siyang imik nang tumabi sa akin. Sinabi niya sa driver kung saan ako sa Navarro nakatira. Nagpa-special kami papunta roon.  


Pagkarating sa tapat ng bahay namin ay akala ko uuwi na rin si Jordan. Masyado kasi siyang tahimik kaya alam ko na galit siya. Pero hindi pa siya umalis. Nakatayo tuloy kami sa tapat ng gate. 

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon