Chapter 69

146K 9.1K 5.1K
                                    

"CHOOSE ME."


Umuukilkil sa blangkong isip ko ang sinabi ni Charles. Hindi ko iyon nagawang sagutin. Kinuha niya ang phone ko at pinatay ito bago ibinalik sa akin. Hindi naman ako nagreklamo dahil wala akong lakas na magbitiw ng kahit anong salita.


Wala kaming pag-uusap at kapwa tahimik lang habang siya ay nakapikit na nakasandal sa sandalan ng upuan at ako naman ay nakatingin sa katabing bintana.


Katabi ko siya sa likuran ng bus at malayo kami sa kaunting pasahero na kasama namin. Palamig nang palamig ang simoy ng hangin at pabilis din nang pabilis ang andar ng bus patungong Batangas.


Dumilat siya nang nasa Laiya na. Nauna siyang tumayo at inilahad ang palad sa akin. Ilang saglit din akong napatitig doon bago ko tinanggap.


Sa isang resort kami sa Laiya pumunta. Malamig ang hangin at hindi mainit ang araw kahit anong oras na. 



Nang mapatingin ako sa gawing leeg ni Charles ay ngayon ko lang napansin ang namumulang mga tila kalmot ng kuko roon. Kumuyom nang mariin ang aking mga palad. "Bumalik ka sa tita mo?"


Hindi siya sumagot.


"Bumalik ka o pinuntahan ka niya?!" Tumaas na ang boses ko.


"Kain muna tayo." Nakangiti siya nang lingunin ako. Ngiti na hindi ko maramdaman kung totoo dahil malamam ang mga mata niya. "Tara."


Matalim ang mga mata na tiningnan ko siya. "Kung hindi mo sasabihin sa akin, tatanungin ko na lang si Charlotte!"


Doon nabura ang ngiti niya. "You don't have to ask her. I will tell you."


Mula nang ipagsiksikan niya ang kanyang sarili sa akin at maging kaibigan ko siya ay binigyan niya na ako ng karapatan na um-epal sa buhay niya. Ang ayaw ko sa lahat ay naaapi ang mga taong mahalaga sa akin. Mas gusto ko pa na ako lang ang umaapi sa kanila.


"Sumusugod palagi si tita kina nanay sa Buenavista. Naniningil ng utang na loob namin sa kanya," maliit ang boses na kwento ni Charles. "Nag-eeskandalo siya. May sakit sa puso ang tatay ko kaya para magtigil si tita, nagpakita na ako."


"Sinaktan ka na naman niya?"


Napahagod siya ng buhok gamit ang kanyang mahahabang daliri. Nagpakawala siya ng paghinga bago magsalita. "Nag-usap lang kami. Alam niya ng sa Taguig ako nagta-trabaho."


Hindi ako umimik. Sa pag-iwas ng mga mata ni Charles sa akin ay alam ko nang hindi buo ang kwento niya. Alam ko na may ayaw siyang sabihin. Hindi ko na siya pinilit dahil nararamdaman ko na hindi niya pa kayang tuluyang mag-open.


"Happy birthday, Carlyn," bati niya sa akin. "Sorry wala pa kasi akong sweldo kaya hindi kita madala sa magandang hotel dito."


"Gago ka ba? Asa ka namang sumama ako sa hotel sa 'yo."


South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon