Lascivious Casanova 31

34.7K 828 238
                                    

(LC) Chapter 31




"Hindi na ako sumasali sa mga ganyan."

Nakatulog ako pagkatapos namin. Pagkagising, tuluyang nawala ang lagnat ko. Marahil dahil pinagpawisan ako ng husto. Dadaan kami sa drugstore ngayon bago niya ako ihatid.

Tumigil na ang ulan at humupa na rin ang baha. Mayroon pa rin kaonti ngunit kaya nang dumaan ng sasakyan. Makulimlim pa rin ang langit subalit mahina na ang ulan. Walang kaemo-emosyon ang mukha niya habang nagsasalita siya at nagmamaneho na para bang walang kaintere-interesante sa pinag-uusapan naming dalawa.

Kasalukuyan ko siyang kinukumbinsi na sumali sa parating na multi sports event. Soccer lang kasi ang hindi maisasali. Nanghihinayang ako kung palalampasin. Kung hindi ngayon, baka matagalan pa ang susunod na patimpalak sa soccer o maaaring wala nang susunod at ito lang ang una at huling beses.

"Hindi ka na sumasali? Ibig sabihin nakasali ka na dati? Saan? Sa Ireland ba? O sa ibang bansa?"

"Ireland, England, Spain. Maraming beses na. Taon taon at iba't ibang bansa..." Matagal siya bago sumagot. Walang kabuhay buhay ang mata.

"Maraming beses? Bata pa lang sumasali ka na? Kung sumasali ka pala sa ibang bansa, bakit hindi pwede ngayon?"

"Noon iyon. Hindi na ngayon. Huwag mo nang subukan. Hindi niyo ako mapipilit na maglaro..."

"Wala nang makakapag-pabago sa isip mo?"

Inalis ko ang likod sa pagkakasandal sa upuan ng sasakyan, sinisilip ko ang ekspresyon niya. Gumalaw ang panga niya. Nag-alangan ako at naisip na baka magalit na siya kung magpapatuloy ako. Walang nagbago sa mga mata niya. Wala akong mabasa roon. Hindi ko tuloy alam kung naiirita ba siya sa pagpipilit ko. Diretso lang ang tingin niya sa kalsada at hindi na ako kinibo. Bumuntong hininga ako at tumigil na sa kapipilit sa kanya.

Sinubukan ko lang siyang kumbinsihin. Pero kung ayaw niyang gawin hindi ko siya pipilitin. Maaaring may personal na rason siya na hindi niya masabi at hindi ko pwedeng pang-himasukan. Tumigil na ako at nakatanaw lang sa maputik na dinaraanan namin.

Nakaka-antok sa tuwing basa ang kalsada at maulan ang panahon. Matagal akong nakatulala sa labas. Napabaling lang ako kay Jax nang hawakan niya ako sa kamay. Isinalikop niya ang kamay niya sa akin. Bahagya niya akong hinila para makuha ang atensyon ko at mapatingin ako sa kanya. Pagbaling ko, nasalo ko ang mariin na titig niya.

"Hmm? Bakit?" Tanong ko nang pasulyap sulyap siya sa akin at sa kalsada ngunit hindi naman nagsasalita.

"Ang tahimik mo. Nagalit ka?"

"Huh? Nagalit ako?" Wala sa sariling tanong ko. Medyo natawa ako.

Mas hinila niya ang kamay ko. Ipinatong niya iyon sa hita niya. Naka-angat tuloy ako at nahiwalay ang likod ko sa sandalan ng upuan. Salitan pa rin sa akin at sa kalsada ang tingin niya.

"Kapag hindi ko ba sinunod ang gusto mo magagalit ka? Makikipaghiwalay ka?"

Tinitigan ko siya. Napakurap ako nang ma-realize na tungkol sa pagkumbinsi ko sa kanyang sumali sa soccer ang ipinupunto niya. Sinulyapan niya ako at nagpatuloy.

"Kahit sa ibang bansa hindi na ako sumasali sa mga gano'ng palaro. Kung may mga pustahan lang o kung gusto ko maglaro, sa field lang ako ng school."

Medyo nagulat ako na siya na ang nag-open nito. Tumigil na ako at wala na siyang balak na kumbinsihin ulit ngunit nasa isip niya pala iyon buong magdamag. Pinag-iisipan niya siguro kaya pareho kaming tahimik sa sasakyan. Akala niya nagalit ako dahil tahimik ako?

"Hindi ako galit, Jax." Umiling ako dahil iyon ang totoo. Nginitian ko siya upang ipakita na hindi ako galit. Hindi ako makikipaghiwalay dahil lang sa ganyang kababaw na dahilan.

Lascivious Casanova (R-18) (Erotic Island Series #7)Where stories live. Discover now