Chapter 54

162K 9.5K 4.5K
                                    

WALA NAMAN TALAGA.

Bakit kailangan pang itanong iyon ni Isaiah?

No one had the right to interfere in my life. Walang nagmamay-ari sa akin maliban sa mismong sarili ko. Kung may magiging proud man o madi-disappoint sa mga ginagawa at gagawin ko sa buhay, ako at ako lang iyon. And I wanted to keep my life that way.

Walang reaksyon si Jordan maliban sa seryoso niyang ekspresyon. 

Sumipol si Isaiah pero hindi nabuwag ang paghuhugpong ng mga mata namin ni Jordan sa isa't isa. Hindi masasabing may laman ang mga tingin dahil walang makakapa roon na kahit anong emosyon.

Naalala ko ang kagabi, iniwan ko siyang mag-isa at hindi binalikan. Hindi ko inaalala kung paano siya nakaraos sa magdamag dahil alam ko naman na maparaan siya.

Ang akala ko lang talaga na pagkatapos niyon ay mapipikon siya at hindi na babalik. Nakakagulat na bumalik pa rin siya na parang walang nangyari. Mahirap pa rin talagang intindihin ang totoong tumatakbo sa isipan niya. Walang makakapagsabi.

Ako na ang naunang nagbawi ng tingin. Nagkibit ako ng balikat at nauna nang pumunta sa hagdan.

Pagdating sa second floor ay lumingon ako. Nasa likod ko si Isaiah at nakasunod sa akin. Nasa mapulang mga labi niya pa rin ang nakakalokong ngisi.

Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. "Umuwi ka na nga. Nakakabanas iyong mukha mo."

Tumawa siya. "Dito muna ako. Mukhang masaya rito."

Itinuro ko sa kanya kung nasaan ang kwarto ko pero hindi ko siya niyayang pumasok doon. Tumuloy kami sa rooftop. Sa itaas ay may maliit na lounge at isang maliit na kwarto na nagsisilbing guestroom. Iyon ang gamit na kwarto ni Nanette ngayon.

Sa leather sofa na nasa lounge ko pina
upo si Isaiah. Nagpatugtog siya sa phone niya. Tamang sound trip habang sinasabayan niya ang kanta. Hindi pa kami nagtatagal dito nang sumunod sa amin si Nanette.

Napakamot ng ulo ang babae at urong-sulong na nagsalita. "E Ate, inutusan po ako ni Architect na maglinis dito kasi may nawawala raw siyang cufflinks. Dito raw niya yata nahulog."

Nagsalubong ang mga kilay ko. Ngayon kung kailan may bisita ako?

"Ate, okay lang ba maglinis ako rito? Kailangan daw kasing hanapin iyong cufflinks ni Architect e. Promise, hindi ako makakaistorbo sa inyo. Isipin niyo na lang na wala ako—"

"Pwede bang mamaya mo na hanapin?" sabat ko sa sinasabi niya. "I have a visitor at dito kami nakapwesto. Makakapaghintay naman siguro iyang cufflinks na 'yan."

Napakamot muli ng batok ang babae. "Ngayon daw po kailangan ni Architect e."

"Basta mamaya mo na hanapin," mariing sabi ko. Uminit na ang ulo ko kaya pati tuloy kay Nanette ay nagsimula na akong mairita.

Lulugo-lugong umalis naman si Nanette. Paglingon ko kay Isaiah ay para siyang dinaanan ng masamang hangin dahil sa lawak ng pagkakangiti niya.

Bumilang siya. "In 3, 2, 1..."

Saktong pagbanggit niya ng 1 ay nariyan na naman si Nanette. Tabingi ang ngiti nang lumapit sa akin. "Ate."

"What is it this time?" inis na tanong ko.

"Pahiram daw ng charger ng iPhone."

Kumibot ang aking sentido bagaman sinubukan ko pa ring magtimpi. "May charger na naiwan si Ninong Luis sa sala. Nasa ibaba ng center table, iyon ang ibigay mo."

Pagkaalis ni Nanette ay sumandal ako sa sandalan ng sofa. Si Isaiah ay hu-humm ng kanta sa tabi ko habang nagsa-soundtrip.

Ilang minuto pa lang ang lumilipas nang ayan na naman si Nanette. May bitbit siyang tray na may lamang cookies. "Ate, meryenda muna kayo."

South Boys #2: HeartbreakerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon