Chapter 20 (Part 2)

3 1 0
                                    

"Blythe, maari ba na malaman ko kung anong dahilan mo bakit ayaw mong sumama sa bakasyon ng Auntie mo?" mahinahong tanong ni Matthew. Nakaupo siya sa upuan ng study table ni Blythe. Hindi naman umimik si Blythe. "Kung inaalala mo ang iyong trabaho baka maintindihan ito ni Mrs. Larrazabal. Mabait naman siya at kaibigan pa siya ng mama mo. Kung inaalala mo na walang tao dito sa bahay. Nandito naman ako eh. Gusto ko sanang magsaya ka sa bakasyon na iyon kasama ang pamilya mo. Kamakailan lang ay humarap ka ng mga problema. Gusto kong mag-unwind ka muna sandali," saad ni Matthew.

"Ayokong pumunta roon. May atraso ako kay Auntie eh," nakayukong sabi ni Blythe. Nakaupo na rin siya sa kama niya habang nakatapak pa rin sa sahig ang kanyang mga paa.

"Ano namang atraso mo sa kanya?" tanong ni Matthew.

"Bago ka dumating ay sinermonan niya ako. Masyado raw akong pihikan sa mga lalaki kahit pangit ako. Ang mga katulad ko raw na hindi maganda at mayaman ay dapat praktikal sa buhay. May inireto siya sa akin na pinsan ni Tito Dave, ang asawa niya. Naghahanap raw ang pinsan ni Tito Dave ng mapapangasawa. Divorce na raw ito at setenta y otso na ang edad," malungkot na sumbong ni Blythe.

"Setenta y otso? Sobrang tanda naman para sayo," bulalas ni Matthew.

"Oo eh. Sabi ni Auntie, kapag mas matanda ang magiging asawa ko ay mas mabuti raw para madaling mamatay. 'Pag namatay ay mapunta sa akin ang lahat ng yaman at pwede pa akong magkaasawa ulit ng taong gusto ko. Kapag magkaasawa ako ulit ay mayaman na ako. Ang paraang ito ay tinatawag ni Auntie na "maparaan at praktikal sa buhay"," sabi pa ni Blythe.

Hindi naman makapagsalita si Matthew at hindi niya mapigilang maawa sa babaeng mahal niya. Nilapitan niya si Blythe at hinawakan ang kamay niya. "Para sa akin hindi ako sang-ayon sa tinatawag ng Auntie mo na "maparaan at praktikal sa buhay". Para sa akin kapag magpakasal ang dalawang tao ay hindi dahil sa personal na interes o yaman kundi dahil sa pag-ibig. Kapag pag-ibig ang umiiral sa mag-asawa ay magkasama nilang dalawa na harapin ang unos at bahaghari ng buhay. Tama! Masasabi natin na baka matutunan lang natin na mahalin ang isang tao sa paglipas ng panahon. Ngunit paano kung hindi. Kapag kasal na kayo ay wala talagang atrasan kaya kawawa na lang ang isang tao na nagpakasal hindi dahil sa pag-ibig kundi sa sariling interes lamang," saad ni Matthew.

"Tama ka Matthew. Gusto ko kasi na kapag ikasal ako ay panghabambuhay na asawa ang makasama ko. Sa tingin ko rin na mangyayari lang iyon kapag mahal namin ang isa't isa. Hindi ko maisip na makasama ko panghabambuhay ang taong hindi ko gusto o mahal," pagsang-ayon ni Blythe sa sinabi ni Matthew.

Nagniningning naman ang mga mata ni Matthew. "So ibig sabihin ay ako na ba ang hinahanap mo na magiging asawa mo? Nakasama mo na ako ng ilang buwan at makasama mo na ako panghabambuhay na," nakangiting wika ni Matthew.

Buong akala ni Matthew ay magkasalubong na naman ang kilay ni Blythe na nakagawian na nito kapag magsasabi siya ng ganoon o aasarin niya. Ngunit ngumiti lang si Blythe nang matamis at nagwika,"Tinatanong pa ba 'yan? Syempre ikaw na. Wala na mang ibang lalaki na mahal ko. Ikaw lang."

Mas kumislap naman ang mga mata ni Matthew nang marinig niya ang sinabi ni Blythe. "I love you Blythe," malambing na sabi ni Matthew.

"Thank you," sagot naman ni Blythe at pilyong ngumiti. Napakunot naman ang noo ni Matthew sa sagot ni Blythe. "Thank you kasi dumating ka sa buhay ko. Thank you kasi pinili mong lumabas sa mundo mo para makasama ako. Thank you kasi minahal mo ako kung sino at ano ako kaya ramdam ko na napakaespesyal at napakaswerte kong babae dahil sayo. Nagkatotoo lahat ng inaasam ko mula noon na prince charming dahil dumating ka. I love you Matthew," sincere na wika ni Blythe. Napangiti naman si Matthew at dahan-dahan niyang hinalikan si Blythe sa noo.

***

"Anak talaga bang ayaw mong sumama sa amin sa bakasyon?" tanong ng mama ni Blythe. Kasalukuyang nag-aayos ng gamit ang kanyang mama kaya tinulungan siya ni Blythe.

Unleash (COMPLETED)Where stories live. Discover now