3•5 - She Comes Home

324 21 4
                                    

5 - She Comes Home



"Jing! Jing!"



Dire-diretso nanamang tumulo ang mga luha ko habang nagsisisigaw si Jero. Yakap-yakap siya ni Gia habang hindi niya binibitawan ang kapatid niya.



"Jing, naririnig mo ba si kuya? Jing... Jing!"



Gano'n pala talaga 'yon. Iba pala talaga kapag nakita mong umiyak 'yong taong sanay kang palaging nakangiti.



Gusto ko rin sanang damayan si Jero pero napansin ko ang isa pa naming kasama na nakaupo lang sa sahig at nakatulala sa bangkay ng best friend niya.



"Wynn." Nilapitan ko siya at ihinarang ang sarili ko sa harapan niya para maialis niya ang tingin kay Jing. Habag na habag ako noong tumulo ulit ang mga luha niya.



"A-Ate Kali." Tumingin siya sa 'kin saka humikbi. "Si Jing..."



Niyakap ko si Wynn. Nasa ganoong posisyon pa kaming lahat nang makabalik ang iba.



"Hindi namin mahanap 'yong hagdan—" bungad ni Maco na natigilan din agad nang makita ang hitsura namin. "Ano'ng..." Siya na rin ang pumigil sa tanong niya nang mapunta ang tingin kay Jing na yakap-yakap pa rin ni Jero.



Pati sina Herbert at Yoel, hindi na nakapagsalita at halatang nanlumo. Naghahanap na sila ng daan palabas eh. Gusto na naming umuwi. Tapos, may nawala pa ulit na isa sa 'min.



Huling pumasok sa kwarto si Tyler na napagtanto rin kaagad ang nangyayari. Hindi na rin siya nagtanong, pero inilibot niya ang tingin sa aming lahat at huminto ang mga mata niya sa 'kin. Lalo akong napaiyak. Yakap pa rin ng isang braso ko si Wynn nang itaas ko ang kabila sa direksyon niya, para bang inaabot niya.



Para akong batang napahagulgol noong halos tinakbo ni Tyler ang pagitan namin, at pabagsak na lumuhod para yakapin kami.



Tinulungan nina Tyler si Jero na ihiga ulit si Jing sa kama. Hinayaan nilang ang kuya niya ang magpatong ng kumot sa kaniya. Parang tuwing nagbe-babysit lang kami sa kaniya dati, at pinapanood namin si Jero na patulugin siya ng tanghali. Kaya lang, sa pagkakataong 'to, buong katawan niya na ang tatakpan.



"Jero," rinig kong tawag ni Gia sa kaniya noong napaluhod ulit siya sa tabi ng kama dahil sa sobrang pag-iyak. Hindi na ako lumapit. Alam kong walang magagawa ang pag-comfort sa kaniya sa oras na 'yon dahil nawalan siya ng kapatid.



"The Exorcism of Emily Rose 'yon, Ate Kali." Napalingon ako kay Wynn nang magsalita siya sa tabi ko. Pati si Maco na nakatayo sa kabila niya, napatingin din sa kaniya.



"Huh?"



"'Yon 'yong pinakaayaw na movie ni Jing. Do'n siya pinakatakot." Nabasag ulit ang boses ni Wynn dahil sa pinaghalong iyak at pagkatakot. "Parang 'yong kay Kuya Joaquin lang."



Nagkatinginan kaming lahat dahil sa sinabi ni Wynn, maliban kay Jero na hindi maialis ang tingin sa kapatid niya.



"Isa-isa talaga tayong papatayin?" tanong ni Herbert.



"Saan kayo pinakatakot?" tanong ni Maco sa aming lahat. Tinignan niya si Herbert. "Sa'n ka takot? Bukod sa nanay mo."



"Tangina mo," lang ang nakuha niyang sagot.



"Ikaw, Yoel?"



"Sa multo siyempre."



"Akala ko ba, nakakakita ka?"



Scarper HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon