Chapter 28: Panaginip.

18 4 2
                                    

"TAMA NA!!" Sigaw ko habang hinihingal at basang-basa ng pawis ang aking likuran. 'Yung panaginip nanaman na 'yon! Ilang araw ko nang paulit-ulit na napapanagipan 'yon. Hindi masyadong malinaw pero naaalala ko na nasa isang madilim ako na lugar, as in sa sobrang dilim ay halos wala na kong makita. Ang nakakapagtaka pa ay kahit sobra na ang dilim ay malinaw ko paring nakita ang mga naglalakihang mata na nakapaligid sakin. 'Di lang 'yon, may maririnig ka ring mga nagbubulungan at nagtatawanan na hindi mo mapagtanto kung saan nanggagaling.

Nakakapag-alala dahil palagi ko nalang 'yon napapanaginipan pero wala na 'kong oras para intindihin 'yang panaginip na 'yan. Lunes na kase at kailangan kong pumasok, pero higit pa don ay mas kailangan ko na makausap si Jake. Ilang beses ko siyang sinubukang tawagan pero hindi siya sumasagot, kaya kung gusto ko man siyang makausap ay sa eskwelahan ko lang magagawa 'yon.

Kailangan kong linawin kay Jake ang lahat. Bakit ba kase ginawa ni Kyler 'yon? Gulong-gulo na tuloy 'tong isip ko. Totoo ba yung sinabi niya na may gusto siya sakin? Parang anlabo naman kasi.

.......

Mag-aalas-syete na  nang makarating ako sa gate ng school namin. Ang aga kong nagising pero muntik parin akong ma-late. Inuna pa kasi ang pag e-emote sa banyo!

Habang naglalakad ako sa hallway ay palinga-linga ako sa kaliwa't kanan, nagbabakasakali na makita ko si Jake. Pero habang tumatagal ay may napapansin akong kakaiba. Sa bawat estudyante kase na madadaanan ko ay bigla nalang mapapatingin sakin at matapos ay magbubulungan. Ano nanaman bang problema ng mga 'to? Nakaka-bother siya, to be honest. Pero mas may importante akong kailangang gawin kaya hindi ko nalang pinansin ang mga bubuyog na nadadaanan ko.

Abala parin ako sa paghahanap kay Jake pero napahinto ako nang may nakita akong mga estudyante na nagkukumpulan sa harap ng bulletin board na ginagamit para sa school announcements. Mukhang may pasabog nanaman yung school sa darating na Valentine's day ah, dahil announcement palang ay napukaw na agad ang atensyon ng mga estudyante, to the point na nagkakatulakan na para lang makasingit ng tingin. Now, I'm curios.

Huminga ako ng nalalim bago makisali sa gerang nagaganap sa harapan ko. Handa na 'kong makipagtulakan at sumingit, pero mukhang 'di ko na kailangan 'yon. Nang may makapansin kase sa presensya ko ay may bigla nalang sumigaw sa pangalan ko, matapos non ay 'di inaasahang natigilan ang lahat na naririto.

Ang kaninang maingay at magulong hallway ay nabalot ng katahimikan. Natigil narin sa pagtutulakan yung iba at nalipat ang kanilang atensyon sakin.

Nang mapansin ko 'yon ay kinutuban nalang ako ng masama. Bigla nalang pumasok sa isip ko ang panaginip na nakikita ko gabi-gabi. Mga naglalakihang mata na nakapaligid sakin at mga bulong na hindi matapos-tapos. Ngayon alam ko na kung ano ang ibig sabihin ng panaginip na 'yon.

Dahan-dahan akong humakbang patungo sa harap ng bulletin board, habang ang mga taong nakapalibot don kanina ay agad nagsiiwas sa daraanan ko. Nang makalapit ako sa bulletin board ay bumungad sakin ang isang litrato. Ramdam ko ang paglaglag ng aking puso ng makita ko 'yon at napahiling na, sana ay panaginip lang lahat 'to. Sa litrato na nakadikit sa may bulletin board ay may makikita kang dalawang lalaki na magkadikit ang labi sa isa't isa. Hindi ko na siguro kailangang sabihin pa kung sino yung dalawang 'yon, pero sasabihin ko parin. Ako lang naman 'yon at si Kyler.

Makikita sa larawan ang madilim na kalangitan at ang duyan sa likod naming dalawa ni Kyler. Sigurado ko na nakuha 'yon sa gabi ng kaarawan ni Jake, bago— bago dumating si....... Jake? H-hindi! Imposible naman 'yon. Agad kong tiningnan muli ang litrato at inalala kung saang angulo nanggaling si Jake nung gabing 'yon. Matapos kong mag-isip ay walang kamalay-malay na tumulo ang aking mga luha na nanggaling sa hindi makapaniwalang mga mata, kasabay non ang dahan-dahang pagdilim ng aking paningin. Pero malinaw ko paring nakikita ang mga mapang-asar at nandidiring mga mata ng mga taong nasa paligid. Kaya pala nagtataka ako kung bakit ang lalaki ng nga mata sa panaginip ko. Hindi naman pala talaga malaki ang mga matang 'yon, sadyang nanliliit lang ako dahil pakiramdam ko, ako na ang pinaka kasuklam-suklam at ang pinaka maruming tao sa mundo. Ayon ang nararamdaman ko habang pinagtitinginan ng mga tao dito.

Matapos ang ilang sandali ay tumunog ang school bell, naghuhudyat na simula na ng klase. Agad namang nagsilisan ang mga estudyante, pero bago 'yon ay may mga narinig akong nagbubulungan, nagtatawanan, at sarkastikong nagsasalita na tila ba'y natatakot na baka hindi ko marinig ang sinasabi nila dahil sa lakas ng kanilang boses.

"Kawawa naman, napagtripan ng mag to-tropa.

"Diba? Pero deserve niya naman 'yan. Haliparot kase!"

"Kaya pala sumali siya sa basketball team bilang isang manager, pinagnanasahan yata yung mga player natin. Hahahahaha."

"Wala kayo, naka-isang halik siya kay Kyler. Ano kayo ngayon girls? Daig pa kayo ng isang shokla, Hahahahaha."

"HAHAHAHAHAHAHA."

"Humph! Swerte na 'yang bakla na 'yan na ganyan lang ang inabot niya. Mamaya 'yan sakin!"

"Oo nga, kawawa naman si Kyler. Kelangan pa niyang tiisin ang pandidiri habang hinahalikan 'yang malandi na 'yan! Pero ayus lang~ Rinig ko malaki naman ang pinanalo nila sa bet nilang mag to-tropa. Makapag palibre nga kila Kyler at France~"

"Totoo pala yung bet na 'yon? Da't pala nakisali ako, sayang!"

"Uy, uy! Anong bet?"

"Alam ko dalawa 'yon eh. Yung una, kung bakla ba talaga yung manager nila o hindi. Tas yung pangalawa, kung totoo ba na may gusto 'yang si beks kay Jake o mas pipiliin niya si Kyler. 'Di ako sure eh~ pero something like that."

"Jake!? Ang kapal naman ng mukha niya na pagnasahan pati si Jake! Ba't ba hindi alam ng mga baklang 'yan ang lugar nila?"

"True, nakakasuka sila!"

My Ex-BestfriendWhere stories live. Discover now