Chapter 4

5.1K 145 2
                                    


WARNING: I will only post the book 1 of this saga here on wattpad for the purpose of promoting the whole series. Thanks for understanding.

Jemimah Remington

“MATAGAL mo na bang kilala si Paul?” naisipang itanong ni Jemimah kay Ethan na nakaupo sa driver’s side ng kanyang sasakyan. Ilang minuto na rin silang nasa biyahe papunta sa bahay ng biktimang si David Escartin. Ngayon niya lang nagawang basagin ang katahimikang kanina pa nakabalot sa kanila.
“Anak siya ni Antonio kaya imposibleng hindi ko siya makilala,” sagot ni Ethan.
Tumango-tango si Jemimah. “Sinabi sa akin ni Director Morales na parang anak na ang turing niya sa'yo. Pero napansin ko na parang hindi kayo ganoon ka-close ni Paul.”
“Si Antonio lang ang nagtiyagang lumapit sa akin mula nang umalis ako sa Special Forces.” Nakatingin lamang si Ethan sa unahan. “Paul and I don’t see each other eye to eye. Siguro dahil iniisip niya na inaagaw ko ang atensyon ng kanyang ama.”
“Si... Director Morales ba ang nagpalaki sa'yo? Nasaan ang mga magulang mo? Nasa ibang bansa?” magkakasunod na tanong niya pa. Hindi maunawaan ni Jemimah kung bakit nais na makilala pa ng husto ang lalaki. Siguro dahil gusto niyang magkasundo-sundo ang bawat miyembro ng kanyang team.
“Sa California ipinanganak ang ama ko, isa siyang purong Amerikano. Ang ina ko ang purong Filipina,” mahinang sagot ni Ethan.
“Nasaan na sila?” tanong pa niya.
“Matagal na silang patay,” malamig na wika ng lalaki.
Hindi naitago ni Jemimah ang pagkagulat. Sandali siyang sumulyap kay Ethan pero ang tanging nakikita lamang na emosyon sa mukha nito ay kalamigan. “I... I’m sorry...”
Hindi naman nagsalita si Ethan, nanatili lamang itong nakatingin sa unahan.
“W-wala ka bang kapatid o mga kamag-anak? Asawa?”
Humugot ng malalim na hininga si Ethan. “Mag-isa na lamang ako sa buhay at sanay na naman ako doon.” Tumingin ito sa kanya. “Hanggang diyan na lang ang masasabi ko patungkol sa sarili ko.”
Tumango-tango naman si Jemimah. Kahit hindi sabihin ng lalaki, nararamdaman niyang napakahirap para dito ang magkuwento patungkol sa sariling pamilya. Nakakaramdam na siya ngayon ng matinding pagkaawa para sa binata pero pinipilit na huwag maipakita iyon.
“Pagkatapos nating magpunta sa lugar ni David Escartin, sunod nating puntahan ang Medical Examiner’s Office na nag-autopsy sa katawan ng mga biktima,” mayamaya ay wika ni Ethan.
“Sa SCIU?” Hindi naitago ni Jemimah ang pagkamangha. “Akala ko ba hindi mo gustong pumunta doon?”
“Hindi ko gustong magtrabaho doon,” pagtatama ng lalaki. “Ilang beses na akong nakapasok sa headquarters niyo, hindi ko lang gustong magtagal.”
Napalabi siya. Hindi niya alam kung bakit ayaw magtrabaho ng lalaki sa SCIU. Hindi niya rin alam kung kumikita ba ito sa pagiging miyembro ng team niya kahit na hindi naman opisyal na empleyado sa SCIU.
Hindi naman nagtagal ay nakarating na sila sa residence ng pamilya ng biktimang si David Escartin. Napakalaki ng bahay ng mga ito. Lumapit sila sa mataas na metal gate at pinindot ang doorbell.
Ilang sandali lang naman ay may nagsalita na mula sa intercom. “Sino po kayo?” boses iyon ng isang babae.
“Inspector Jemimah Remington, nandito po kami para sa kaso ni David Escartin,” magalang na sagot niya. Si Ethan naman ay nakatayo lamang sa kanyang tabi.
Sabay pa silang napatingin sa gate nang automatic na bumukas iyon. Pumasok sila sa loob at napahanga pa si Jemimah sa napakalawak na lawn. Mukhang malaki talaga ang kita ng isang specialist sa St. Luke’s.
Pagkarating nila sa front door, agad silang sinalubong ng babaeng sa tingin niya ay isa sa mga kasambahay. “Pasok po kayo,” magalang na alok ng babae. “Nasa sala po si Ma’am Connie.”
Sumunod lamang naman sila hanggang sa makarating sa napakalaking sala. Nakita ni Jemimah sa isang couch ang isang babaeng marahil ay nasa fifties na nito. Nakasuot ito ng itim na damit habang pinupunasan ng panyo ang mga luha sa mukha.
“Magandang hapon po,” pagbati ni Jemimah sa ginang. “Ako po si Inspector Remington, at ang kasama ko ay isang private detective. Nandito po kami para sa murder case ni David Escartin.”
Tiningnan sila ni Connie. “Katatapos lamang ng libing ng asawa ko kahapon.” Napahikbi ito. “Hindi katanggap-tanggap ang pagkamatay niya.” Tumayo ito para lumapit sa kanila. “Sabihin niyo sa akin, Inspector. Nahuli niyo na ba ang gumawa ng ganitong kasamaan kay David?”
Napayuko si Jemimah. “Hindi pa po,” sagot niya. “Pero makakaasa po kayong gagawin ng team namin ang lahat para mahuli ang—”
“Police in this country are really incompetent!” putol sa kanya ng ginang. “Kailan pa kayo kikilos? Kapag nakalimutan na ng mga tao ang tungkol dito?”
Akmang magsasalita pa siya nang maunahan na ni Ethan.
“Hindi kami nagpunta rito para makinig sa mga reklamo niyo,” ani lalaki. “Sa bawat minutong tumatakbo, mas higit lamang kaming napapalayo sa serial killer na ito.”
“S-serial killer?” puno ng pagkagulat na ulit ni Connie. “I-isang serial killer ang... ang pumatay sa asawa ko?”
May inilabas si Ethan na isang larawan mula sa suot nitong jacket. “Isa pa ito sa biktima ng pumatay sa asawa mo. Siya si Clark Lumanglas, isang professor sa University of the Philippines. Kilala mo ba siya?”
Tinitigan ni Connie ang larawan bago umiling. “H-hindi ko siya kilala. Hindi ko ganoon kakilala ang mga kaibigan ng asawa ko dahil pareho kaming abala sa kanya-kanyang trabaho, pero ni minsan ay hindi ko pa nakita ang lalaking 'yan.”
Tumango-tango lang naman si Ethan bago ibinalik ang larawan sa loob ng jacket. Lumayo ito sa kanila para sandaling pagmasdan ang paligid.
Ibinalik ni Jemimah ang tingin sa ginang na humihikbi na naman. “May kilala po ba kayong kaaway ng asawa niyo? O kung sinomang may galit sa kanya?” mahinahong tanong niya.
Umiling-iling si Connie. “Wala... wala akong alam na magtatanim ng sama ng loob kay David. Napakabuti niyang tao. Napakarami niyang natulungan. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit... kung bakit may gagawa sa kanya ng ganitong klase ng kasamaan.”
Bumuntong-hininga si Jemimah. “Maaari po ba naming makita ang kuwarto n'yong mag-asawa?”
Tumango naman si Connie at itinuro sa kanya ang kinaroroonan ng kuwarto nito. Lumakad patungo doon si Jemimah, nakasunod lang sa kanya si Ethan. Pagkapasok sa loob ng silid ay agad na silang nag-abala sa pagmamasid sa mga gamit na naroroon. Inilabas niya ang camera sa dalang body bag para kunan ng larawan ang ilan sa mga gamit.
Tiningnan ni Jemimah ang mga picture frames at kinuhanan din ang mga iyon ng larawan. Halos lahat ay mga larawan ni Connie at David. Inabot niya ang isang larawan kung saan kasama doon ang isang batang babae na marahil ay anak ng mga ito.
Napatingin sila sa may pinto nang pumasok doon si Connie. “May anak po pala kayo,” wika ni Jemimah sa ginang. “Nandito ba siya ngayon?”
Umiling si Connie. “Matagal nang hindi tumitira rito si Charlene. Simula pa nang palayasin siya ni David.”
“Palayasin?” ulit ni Jemimah. “May hindi ba sila pagkakaunawaan?”
Bumuntong-hininga ang ginang. “Some private matters.” Ilang sandali itong huminto bago tumingin sa kanila. “Kung wala na kayong itatanong ay gusto ko nang magpahinga.”
Tumango na lamang si Jemimah at nagpaalam dito. Wala namang sinabi si Ethan at sumunod sa kanya.
“Kailangan nating makausap ang anak na 'yon nina David at Connie Escartin,” wika ni Ethan nang makapasok sila sa loob ng sasakyan.
“Tatawagan ko si Douglas para hanapin sa database si Charlene Escartin,” sagot ni Jemimah bago ini-start ang sasakyan. “Pupunta na muna tayo sa headquarters para makausap ang medical examiner.”
Tumango si Ethan at napuno na naman ng katahimikan ang kanilang naging biyahe hanggang sa makarating sa headquarters ng SCIU. Pagkapasok sa loob ay agad silang nagtungo Medical Examiner’s Office kung saan doon pine-perform ang mga emergency autopsies para sa mga kasong hawak ng SCIU.
Agad silang sinalubong ni Barbara Santiago – ang Chief Medical Examiner para sa SCIU. Ito ang pinaka-head ng laboratory. Sa pagkakatanda ni Jemimah ay nasa forties na nito ang babae. She was just a typical-looking woman with her eyeglasses. Medyo may katabaan din ito pero maganda pa rin sa kabila ng edad. Hindi rin nawawala ang magandang ngiti sa mga labi ni Barbara tuwing may kaharap na tao.
“Ethan,” bati ni Barbara nang makita sila. Lumapit ito kay Ethan at niyakap ng mahigpit. “Mabuti naman at naisipan mo uling dumaan dito sa headquarters, hijo.” Ibinaling nito ang tingin sa kanya at inilahad ang isang kamay. “Inspector.”
Malugod na tinanggap ni Jemimah ang pakikipagkamay ng babae. “Chief.”
Ilang sandaling pinaglipat ni Barbara ang tingin sa kanilang dalawa ni Ethan. “Narinig ko nga ang tungkol sa panibagong team dito sa SCIU. You two look perfect together.” Ngumiti pa ang babae bago kumindat.
Pinilit ni Jemimah na huwag pag-ukulan ng pansin ang komento ng babae. “Nagpunta kami rito dahil may gustong malaman si Ethan tungkol sa mga biktimang sina David Escartin at Clark Lumanglas.”
Tumango-tango si Barbara. “Ang naiwan na lamang ditong katawan ay ang kay Clark Lumanglas dahil minadali ng kunin ng pamilya ni David Escartin ang katawan niya. Katatapos lang naming i-analyze ng husto ang katawan ni Lumanglas, lumabas na rin ang mga lab results ng ilang tests na isinagawa namin kaya tamang-tama ang dating niyo. Ipapadala ko na sana ang reports sa office niyo pero dahil nandito na rin naman kayo ay ipapaliwanag ko na.” Lumakad si Barbara patungo sa kinaroroonan ng katawan ni Clark Lumanglas na natatakluban ng puting kumot.
Inalis ni Barbara ang nakataklob na kumot sa bangkay. “Katulad ng nasa una naming report, blood loss ang ikinamatay nilang dalawa. It’s an excruciatingly painful death dahil base sa aming analysis, hindi kaagad-agad silang namatay.” Itinuro nito ang ibabang parte ng katawan ni Clark. “Unang pinutol ang ari nila. Which means, the victims were conscious when it happened.” Inilipat naman nito ang kamay sa leeg. “At saka pa lamang sila ginilitan na siyang dahilan ng kanilang pagkamatay.”
Napailing si Jemimah. Siguradong napakasakit ng pinagdaanan ng mga biktimang ito bago masalubong ang kamatayan. It was obviously a torture. Gustong makita ng pumatay sa mga ito ang sakit na pinagdaraanan ng mga biktima.
“They were slashed like an animal for slaughter,” iiling-iling na wika ni Barbara.
“Lumabas na ba ang analysis sa maaaring ginamit na murder weapon?” tanong naman ni Ethan.
Tumango-tango si Barbara. “Base sa sugat sa leeg, siguradong hunting knife ang ginamit para gilitan ang mga biktima. And for the... the penis? It’s a saw.”
Napahawak sa ulo si Jemimah. Their killer was definitely a psycho.
“And it’s erected, the penis,” dugtong pa ni Barbara. “Base 'yon sa aming analysis. Noong una ay nagtaka pa kami kung bakit ganoon. Nasagot iyon nang lumabas ang blood test results sa dalawang biktima. May components ng drugs na natagpuan sa kanilang dugo. Heroin and Ecstasy. Pero wala naman kaming nakitang marka ng injection sa kanilang mga katawan, so malamang na pinuwersa sila ng killer na i-take ang drugs na iyon sa ibang paraan.”
Tumango si Ethan. “Salamat,” wika nito bago tumalikod.
Akmang tatalikod na rin si Jemimah nang marinig nila ang muling pagsasalita ni Barbara.
“Pinag-aralan ko nga pala ang sugat ng mga biktima,” anito. “At masasabi kong left-handed ang inyong killer.”
Nagpasalamat si Jemimah sa babae bago sumunod kay Ethan nang magpatuloy na ito sa paglalakad. Binilisan niya ang mga hakbang para makahabol sa binata.
Pagkalabas nila sa headquarters, inabot ni Jemimah ang braso ni Ethan para patigilin ito sa paglalakad. “Saan ka pupunta?” tanong niya.
Tumingin sa kanya ang lalaki. “Uuwi na.”
“Hindi mo man lang ba hihintayin sina Paul para alamin kung ano'ng nangyari sa pinuntahan nila?”
Nagkibit-balikat si Ethan. “Puwede naman kayong pumunta sa bahay at sabihin sa akin o 'di kaya ay i-email mo na lang ako.”
Naiinis na napabuntong-hininga si Jemimah. “Isa tayong team, Ethan. Hindi puwedeng palagi kang magsosolo. Share us what you think. At mas maganda ang personal tayong magkakausap para makabuo ng isang bond.”
Tuluyan nang humarap sa kanya ang binata. “Ano ba ang mahalaga sa'yo? Ang magawa ng maayos ang trabahong ito o makabuo ng bond sa isang team?”
“Both,” puno ng katatagang sagot ni Jemimah. “Alam ko na mahusay ka sa ganitong trabaho. Siguro nga ay maso-solve mo ito ng mag-isa. Pero sa team natin ibinigay ang kasong ito, Ethan. There’s nothing wrong with having companions sometimes.”
Ilang sandaling nakatitig sa kanya si Ethan. There was no emotion in his blue eyes. Hindi rin magawang mahulaan ni Jemimah kung ano ang iniisip nito. Pero kahit na naiilang sa pagtitig ng binata ay hindi niya naman inalis ang koneksiyon ng kanilang mga mata.
“It is better to be alone,” mayamaya ay wika ni Ethan, seryoso.
Ini-iling ni Jemimah ang ulo. “No, it’s not. Wala kang mahahanap na kasiyahan kapag mag-isa ka lamang.”
“Wala nang makukuha sa akin kapag mag-isa lamang ako,” malamig na wika ng lalaki.
Nahimigan ni Jemimah ang bumahid na sakit sa tinig ni Ethan nang mga sandaling iyon. May parte ng kanyang puso ang gustong abutin ang binata, itanong kung ano ang pinagmulan o dahilan kung bakit nasasabi nito ang mga ganoong salita. Pero alam niyang wala siyang karapatan. Kahit na kasama ito sa team niya ay wala siyang karapatang usisain ang personal nitong buhay.
Iniyuko niya na lamang ang ulo at ilang beses na humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Hindi niya na gustong makipagtalo rito. Hindi na gustong masaktan pa ang lalaki.
Nang muling iangat ni Jemimah ang mukha ay may isang malawak na ngiti na sa kanyang mga labi. “Let’s have coffee,” yaya niya. “May alam akong coffee shop dito na kaibigan ko ang may-ari. Papupuntahin ko na lang din doon sina Paul para makapag-usap-usap pa tayo bago umuwi.”
Kitang-kita ang pagkagulat na bumahid sa asul na mga mata ni Ethan pero wala na itong nagawa nang hilahin niya patungo sa kinapaparadahan ng kanyang sasakyan.
Hindi naman kalayuan ang coffee shop na tinutukoy niya – ang Coffee Landia na pag-aari ng isa sa mga kaibigan niyang si Alexa Rodriguez. Natawagan niya na rin si Paul para sabihing doon sila maghihintay. Pagkapasok nila sa loob ay agad na siyang um-order para sa kanilang dalawa ni Ethan.
Nagpalinga-linga siya sa paligid para alamin kung naroroon ang kaibigang si Alexa. Napangiti si Jemimah nang makita ang paglabas ng hinahanap mula sa staff room.
“Jem,” masayang bati sa kanya ni Alexa nang makalapit ito. Niyakap siya nito ng mahigpit. “Mabuti naman at naisipan mong dumaan dito.”
“I’m currently working. Dumaan lang kami dito para sandaling magpahinga.”
“May kasama ka?”
Tumango si Jemimah. “Come, ipapakilala ko siya sa'yo.” Kinuha niya muna ang mga in-order bago lumakad patungo sa mesang kinaroroonan ni Ethan.
Inilapag niya sa mesa ang mga dala. “Ethan, ito nga pala ang tinutukoy kong kaibigan, si Alexa Rodriguez. Alexa, siya si Ethan Maxwell, isa sa mga kasama ko sa trabaho.”
Nginitian ni Alexa ang lalaki na ginantihan lang naman ni Ethan ng isang tango. Ibinalik ng kaibigan ang tingin sa kanya. “May gusto rin akong ipakilala sa'yo pero mamaya pa siya darating.”
Kumunot ang noo ni Jemimah. “Boyfriend mo?”
Umiling ang kaibigan pero kitang-kita ang pamumula ng mukha nito. “S-si Kuya Frank, ang adopted brother ko.”
Hindi niya naitago ang pagkagulat at pagkamangha. “Your... adopted brother?” Hindi pa personal na nakikilala ni Jemimah ang adopted brother ni Alexa pero minsan na nitong naikuwento sa kanya ang tungkol doon. Sa pagkakatanda niya, nasa high school pa lamang ang kaibigan nang pag-aralin daw sa ibang bansa ang adopted brother nitong si Frank Rodriguez. “Nasa Pilipinas na pala siya.”
Tumango si Alexa at naupo sa katabi niyang silya. “Actually, two years na kaming nagpapalitan ng messages sa email. Hindi ko na inaasahan na maaalala niya pa ako mula noong umalis siya pa-States.” Her friend’s tone was on story-mode.
Napatingin si Jemimah kay Ethan na abala na sa pag-inom ng sarili nitong kape. Wala naman siyang nakikitang boredom sa mukha ng binata kaya ibinalik ang tingin kay Alexa.
“High school pa ako mula nang umalis siya papuntang States para doon mag-aral.” Lumabi si Alexa. “Ang alam ko lang ay nando'n ang isang kadugo niya na nagpa-aral sa kanya. Nang sabihin ko kay Kuya Frank na matagal nang patay si Daddy John at kasusunod lang ni Mommy Rosalie last year, sinabi niya sa akin sa email na babalik siya dito sa bansa para alagaan ako. And two months ago, he just knocked on our home’s door. Agad ko siyang nakilala dahil hindi naman ganoong nagbago ang itsura niya. He’s just 3 years older than me. Siya pa rin ang mabait kong Kuya Frank.”
“Masaya ako na may makakasama ka na rin sa inyo, Alexa,” nakangiting wika ni Jemimah.
Hindi pa rin nawawala ang kasiyahan sa mukha ng kaibigan. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ang ganoong kasiyahan sa mga mata nito.
“Ipakikilala ko siya sa'yo mamaya,” puno ng pagkasabik na wika ni Alexa. “Sa ngayon, iiwan ko muna kayong dalawa para makapag-date kayo ng ayos.”
Date? “Kasamahan ko lang siya sa trabaho, Alexa,” aniya, hindi makatingin kay Ethan.
Ngumisi lang naman si Alexa bago tuluyan nang lumayo. Napailing si Jemimah, itinuon na lang ang atensyon sa kapeng iniinom. Sumulyap siya sa wristwatch na suot para alamin ang oras. Pasado alas-kuwatro na pala ng hapon.
“Matagal na ba kayong magkaibigan?” mayamaya ay narinig niyang tanong ni Ethan.
Tiningan ni Jemimah ang binata bago tumango. “Mahigit pitong taon na rin kaming magkaibigan ni Alexa. Nakilala ko siya sa party noon para kay papa. My father’s a lawyer.”
Tumango-tango si Ethan. Ilang sandali lang ay sabay pa silang napaangat ng tingin nang dumating na sina Paul at Mitchel.
“Gusto niyo bang um-order muna ng maiinom?” tanong ni Jemimah sa mga bagong dating nang makaupo ang mga ito.
“Ako na ang bahala,” wika ni Paul. Tumayo uli ito para magtungo sa counter.
“Medyo may kalayuan pala ang bahay ng pamilya ni Lumanglas,” naiiling na wika ni Mitchel. “Akala ko ay nasa Quezon City din lang since nagtatrabaho siyang professor sa UP.”
Tiningnan ni Jemimah ang lalaki. “Kumusta naman ang pagbisita niyo doon?”
Sumandal si Mitchel sa sandalan ng kinauupuan. “His whole family are a bunch of fakes. Lalong-lalo na ang asawa niya.”
Kumunot ang noo niya, hinintay na isundo ni Mitchel ang pagkukuwento.
“Pagkarating namin sa bahay ng mga Lumanglas, agad nang umarte ang asawa ni Clark na si Mrs. Divine Lumanglas na para bang pasan niya ang buong mundo dahil sa pagkamatay ng asawa,” pagpapatuloy ng lalaki. “I profiled her and she’s very transparent. Halatang arte lamang ang pagluha ng babaeng iyon. Maging ang pananamit niya ay halatang hindi nagluluksa. She’s even wearing a very seductive perfume. Hanggang sa mayamaya ay dumating ang isang lalaki na sinabi niyang kasamahan daw sa trabaho.” Ngumisi si Mitchel. “Pero base sa pagkilos ng dalawang 'yon, sigurado akong karelasyon ni Mrs. Lumanglas ang kung sinomang lalaking iyon.”
“Ibig sabihin, may affair ang asawa ni Clark Lumanglas?” Napailing si Jemimah. Bakit parang lahat ng mga biktima ay may mga problema sa pamilya?
Tumango-tango si Mitchel. Nang mga oras na iyon ay nakabalik na si Paul dala ang mga in-order na kape. “At mukhang alam ni Clark ang tungkol doon. I did a quick scan on their house. Mukhang hindi na magkasama sa bahay na iyon ang mag-asawa.”
“Tinawagan namin si Douglas kanina para hanapin sa database kung may tinutuluyang ibang lugar si Clark Lumanglas,” singit naman ni Paul. “And yes, may binili siyang isang apartment hindi kalayuan sa UP Diliman.”
“At ang dalawang anak ni Clark Lumanglas na parehong may sarili ng mga pamilya ay mga peke rin,” iiling-iling na wika ni Mitchel. “Surely, they just want the inheritance from Clarks’s Last Will and Testament. Base na rin 'yon sa mga tanong nila kay Paul kanina nang malaman ang trabaho niya.”
Tiningnan ni Jemimah si Ethan na nakikinig lamang habang umiinom ng kape. Gusto niyang malaman kung ano ang iniisip ng lalaki. Natigilan siya nang mayamaya ay salubungin ni Ethan ang kanyang tingin. Ilang sandaling nagtama ang kanilang mga mata bago iniiwas iyon para tumingin kay Paul na kasalukuyang nagsasalita. Hindi niya na gaanong naintindihan ang mga sinasabi nito.
Humugot ng malalim na hininga si Jemimah. Sa pagdaan ng mga oras, pakiramdam niya ay mas higit lamang silang napapalayo sa hinuhuling serial killer. Hindi pa rin nila alam kung ano ang pattern nito. Hindi rin nila alam kung kailan uli ito papatay.
“Tinanong niyo ba sa pamilya ni Lumanglas kung kilala nila si David Escartin?” tanong niya kina Mitchel.
Tumango si Paul. “Hindi raw nila kilala. At ayon kay Mitchel, nagsasabi ng totoo ang mga taong iyon.”
“There must be something,” wala sa sariling usal ni Jemimah. “Something that connects our victims.”
“Kaya kailangan nating makausap ang anak nina David at Connie Escartin,” wika naman ni Ethan. “Kailangan nating malaman kung ano ang dahilan at itinakwil siya ng kanyang sariling ama sa kanilang pamamahay.”
Bumuntong-hininga si Jemimah. “Bukas siguro, masasabi na sa atin ni Douglas ang lahat ng mga ipinahanap natin sa kanya.”
Sabay-sabay silang napatingin sa tabi ng kanilang mesa nang mayamaya ay lumapit doon ang kaibigan niyang si Alexa na may hila-hilang isang lalaki. Nakita pa ni Jemimah nang biglang tumuwid ang pagkakaupo ni Mitchel pagkakita sa kanyang kaibigan.
“Jem,” masayang wika ni Alexa. “Ito na nga pala si Kuya Frank. Kuya, siya ang tinutukoy kong kaibigan na isang Police Inspector, si Jemimah Remington.”
Bahagyang tumango sa kanya si Frank Rodriguez na ginantihan niya naman ng isa ring tango. Ipinakilala niya rin sa lalaki ang mga kasama niyang naroroon.
Ilang sandaling pinagmasdan ni Jemimah ang adopted brother ni Alexa. Frank Rodriguez was also a handsome man. Matangkad din ito. Makapal ang itim na buhok pero maayos naman ang pagkakasuklay, may ilang nakalaylay lamang na hibla sa parteng unahan. He was also well-built. Kitang-kita iyon sa suot na black T-shirt and camouflage pants. May mga tattoos din ito sa magkabilang braso, pababa sa kamay.
Ngumiti sa kanila si Frank. “Pasensiya na kung inabala kayo ng kapatid kong ito sa trabaho niyo,” wika nito sa malalim na boses na puno ng paggalang.
“No, it’s alright,” tugon ni Jemimah. “Masaya akong makilala ka ng personal. Malimit kang ikuwento sa akin ni Alexa noon.”
Tiningnan ni Frank si Alexa at lumawak ang pagkakangiti. “I’ve missed my sister so much kaya naisipan kong bumalik dito. Hindi ko naman gustong hayaan siyang mag-isa lang sa buhay.”
“Are you staying here for good?” tanong pa ni Jemimah. “Wala ka bang trabaho sa States?”
“Nag-resign na ako sa trabaho ko sa States,” sagot ni Frank, ibinalik ang tingin sa kanya. “I’m a computer programmer. Plano kong magtayo na lang ng sariling negosyo dito sa bansa para makasama ang kapatid ko.”
“Puwede mo namang hawakan ang business ni Papa John,” singit naman ni Alexa. “Alam mong hindi ko kakayanin na hawakan mag-isa ang kompanya niya.”
Sa pagkakatanda ni Jemimah ay may sariling business ang pamilya ni Alexa – isang oil company business. Wala naman itong ibang kapatid kaya lahat ng ari-arian ng mga Rodriguez ay napunta sa pangalan ng kaibigan. Alexa was one rich woman, pero hindi naman iyon halata dahil sa pagiging simple.
“Tutulungan kita hanggang sa abot ng makakaya ko,” sagot naman ni Frank. “Pero, siyempre, mag-aasawa ka rin balang-araw at kailangang siya na ang makatulong mo sa bagay na iyon.”
Lumabi si Alexa at ipinulupot ang mga kamay sa braso ni Frank. “Hindi ko pa gustong magpakasal,” ungot nito.
Tumawa naman si Frank bago marahang ginulo ang buhok ng kapatid. Ibinalik nito ang tingin sa kanila. “Masaya akong makilala kayong lahat. We’ll leave you so you can do your work.”
Ibinalik ni Jemimah ang tingin sa mga kasamahan. Hindi niya napalampas na nakasunod pa rin ang tingin ni Mitchel kina Alexa hanggang sa makalayo ang mga ito.
Nang matapos sila sa pag-uusap-usap patungkol sa mga susunod na gagawin para sa kasong hawak ay lumabas na rin sila ng coffee shop para umuwi sa kanya-kanyang tahanan. Hindi na niya naalok na ihatid si Ethan dahil nauna na itong magsabi na magko-commute na lamang.
Bago pumasok sa sariling sasakyan ay tinawagan muna ni Jemimah si Douglas para ipaalala ang lahat ng mga assignment na ibinigay dito.
“Deretso ka na ba pauwi, Jem?” narinig niyang tanong ni Mitchel matapos niyang maibalik sa body bag ang cell phone.
Tumango siya. “Ikaw ba? Wala kang dalang sasakyan?”
“Kay Paul ang sasakyang gamit namin kanina. Nasa headquarters ang sasakyan ko, magpapa-drop sana ako doon.”
“Sure,” nakangiting payag niya. “Get in.”
“Matagal mo na bang kaibigan iyong mga lumapit sa mesa natin kanina?” tanong ni Mitchel habang nasa biyahe na sila.
“Si Alexa? Yes, mahigit pitong taon na kaming magkaibigan.” Sumulyap siya sa lalaki. “Bakit? Type mo ba siya?”
Ngumisi si Mitchel. “She’s pretty and sweet and seems kind.” Tumango-tango pa ito. “Simpleng tao rin lang siya, though, hindi maikakaila na maganda ang estado sa buhay base na rin sa paraan ng pagsasalita at mga gestures.”
“You profiled her, too?” Iiling-iling na wika ni Jemimah.
“Ginagawa ko 'yon sa lahat ng mga taong nakikilala ko,” sagot ng binata. “Wala namang masama doon. Ang napapansin ko lang naman ay ang mga personalities nila base na rin sa kanilang mga salita, pagkilos o facial expressions.”
“So how is she?” tanong niya. “Mabuting tao si Alexa. Napakabait din niya. Though, medyo mahiyain nga lang.”
“She’s not a shy type of person,” ani Mitchel. “Hindi lang siguro siya sanay na mag-express ng nararamdaman at pilit itinatago iyon. But her eyes couldn’t lie. Isa siya sa mga babaeng madaling nakikita ang nararamdaman sa kanilang mga mata.”
“At ano ang nakita mo?” tanong pa ni Jemimah.
“That your friend has a tendency to be incestuous,” nakangising sagot ni Mitchel. “Or entering any kind of relationship.”
“I-incestuous?” Hindi makapaniwalang ulit ni Jemimah.
Bumuntong-hininga si Mitchel. “I think she likes her brother. Nang higit sa nararapat.”
“S-si Frank?” Ipinarada ni Jemimah ang sasakyan sa tapat ng SCIU Headquarters. Tuluyan na siyang tumingin kay Mitchel. “Malambing na tao lang talaga si Alexa.”
“Iba ang kinikilos niya sa isang simpleng malambing na tao lamang, Jem. Iba rin ang klase ng pagtingin niya sa Frank na iyon.”
Humugot ng malalim na hininga si Jemimah. “Kung... kung tama man 'yang ginawa mong profiling sa kanya. I don’t think na matatawag na incest iyon. Hindi sila tunay na magkapatid. Ampon lamang ng mga magulang ni Alexa si Frank at nawala lamang siya noong high school sila para mag-aral sa States.”
Tumango-tango si Mitchel. “Kaya pala wala akong makitang pagkakahawig sa kanila. Well, sa tingin ko, isa ang kaibigan mo sa mga babaeng mabilis na nahuhulog sa isang taong nagpapakita ng concern sa kanila.”
“At si Frank Rodriguez naman? May nakita ka ba sa pagkilos niya towards Alexa?” curious na tanong pa ni Jemimah.
Hinaplos ni Mitchel ang sariling baba, nakakunot na ang noo. “Para rin siyang si Ethan,” bulong nito. “Both of them are acting cool and all that pero siguradong may mga bagay na hindi nila magawang sabihin. But there’s warmth in Frank’s eyes every time he looked at Alexa. Some wanting. Some longing. Some... love. Na para bang pareho lang sila ng nararamdan ni Alexa sa isa’t isa.” Tumingin sa kanya ang lalaki. “Iyon lamang ang pagkakaiba nila ni Ethan. Wala akong nakitang ganoong emosyon kay Ethan simula pa nang una ko siyang makita. It was as if he pushed himself out of this world, out of anyone’s reach.”
Inilipat ni Jemimah ang tingin sa unahan. Muli niya na namang naalala ang malalamig na mga mata ni Ethan Maxwell. Ano ba ang nangyari sa lalaki para lumayo ito sa mga tao, sa mundo?
“Sinubukan kong mag-research ng iba pang bagay tungkol kay Ethan dahil hindi kompleto ang nakalagay sa profile niya na ibinigay ni Director Morales,” pagpapatuloy ni Mitchel. “He’s a very hardworking man since then. Napakahusay ng combat skills niya kaya mabilis na napromote sa Special Forces. He’d been in a lot of missions for the government, even in some wars in Mindanao or out of the country. Kaya nagtaka ako kung bakit siya biglang umalis sa serbisyo.”
Ibinalik ni Jemimah ang tingin kay Mitchel at nakita ang kaseryusohan sa mukha nito.
“Hanggang sa malaman ko na namatay ang buo niyang pamilya limang taon na ang nakararaan.” Bumuntong-hininga si Mitchel bago bumaling sa kanya. “They were killed by a serial killer.”
Ganoon na lang ang pagkagulat ni Jemimah sa narinig. A serial killer? Ngayon naiintindihan niya na kung bakit hindi nais pag-usapan ni Ethan ang pamilya nito.
“Isang serial killer na hindi pa nahuhuli hanggang ngayon,” dugtong ni Mitchel. “The authorities named him ‘Destroyer’. Naging interesado rin ako doon noon. Pero dahil matagal na mula nang huli siyang pumatay kaya natahimik na ang imbestigasyon sa kanya. Ang huling biktima ng serial killer na iyon ay ang buong pamilya ni Ethan. Walang nakakaalam kung buhay pa ba ang ‘Destroyer’ na iyon o hindi na.”
Nakatitig lamang si Jemimah sa manibela sa loob ng mahabang sandali. Minsan niya nang narinig na pinag-uusapan ang tungkol sa serial killer na tinatawag na ‘Destroyer’. Pero dahil nagsisimula pa lamang siya noon sa police force ay hindi na napagtuunan ng pansin. Gusto ng puso niyang puntahan si Ethan ng mga sandaling iyon pero alam na hindi puwede. Hindi iyon gustong pag-usapan ng lalaki at kailangan nilang respetuhin iyon.
“Huwag mo na sanang sabihin kay Ethan ang tungkol dito,” mayamaya ay wika ni Mitchel. “Based on my observation, siya ang taong may mataas na pride at hindi gustong kinaaawaan ng ibang mga tao.”
Tumango-tango siya. “I won’t.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Mitchel. “Pero may pagkakataon pa namang magbago ang mga katulad ni Ethan. He seemed to be an easy going guy back then kahit na nasa militar siya. Sinabi ko nga sa'yo, I did some research on him. Even talking to some of his colleagues. They said he was friendly and he treasured his family so much. Natakluban lang ang lahat ng katangiang iyon mula nang mangyari ang hindi katanggap-tanggap na pagkamatay ng kanyang pamilya.
“Hindi imposibleng maibalik ang mga katangiang iyon ni Ethan. Likas sa mga tao na maging malamig sa pakikitungo sa kapwa, na mawala ang socialization dahil sa isang masamang nakaraan. Kapag nakita nilang may mga taong nakahandang tumulong sa kanila sa kabila ng lahat. Kapag may pumasok na liwanag sa madilim nilang mundo, siguradong magbabago rin sila.”
Tiningnan ni Jemimah ang lalaki at nakita ang dumaang kislap sa mga mata ni Mitchel habang nakatitig sa kanya.
Ngumisi si Mitchel. “Jemimah,” usal nito sa kanyang pangalan. “Napakagandang pangalan. ‘God turned darkness into light.’ Iyon ang ibig sabihin ng pangalang 'yan, 'di ba?”
Iniyuko ni Jemimah ang ulo. Oo, iyon nga ang ibig sabihin ng kanyang pangalan. Ano ang ipinahihiwatig ni Mitchel? Na siya ang papasok sa buhay ni Ethan para muling magliwanag ang mundo nito?
Ipinikit niya ang mga mata ng ilang saglit. Oo, gusto niyang higit pang makilala si Ethan Maxwell, malaman ang tumatakbo sa isipan nito. Pero dahil lamang iyon sa miyembro ito ng team niya. Iyon lamang. Hindi niya gustong guluhin ang isipan dahil sa sinasabi ng ibang mga tao.
“I’ll see you tomorrow,” mayamaya ay paalam ni Mitchel. “And I suggest na sa bahay ni Ethan na lang tayo magkita-kita para makompleto tayong lahat. It’s nice working as a team, you know?” Kumindat pa ang lalaki bago lumabas ng sasakyan.
Ini-start na ni Jemimah ang sasakyan. Yes, it was indeed nice working as a team. Kahit nagsisimula pa lamang sila ay unti-unti na siyang nakakaramdam ng kakaibang kasiyahan na makatrabaho ang mga lalaking iyon.

A/N: I will be updating this story every Wednesday and Friday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Where stories live. Discover now