Chapter 30

2.9K 105 9
                                    

Chapter 30
Jemimah Remington
NAGMAMADALING pumasok si Jemimah sa loob ng kuwarto ng isang hotel sa Quezon City habang nagsusuot ng gloves. Nakatanggap siya ng tawag mula kay Mitchel. Sinabi nitong nakita na raw si Ramon Maranan, at isa na itong malamig na bangkay. Kasunod niya lang naman si Paul na kasama kanina sa manhunt.
Napabuntong-hininga siya nang makita ang katawan ni Ramon sa sahig at may hawak na baril. He was shot on the side of his head. Tuyo na ang dugong naroroon. Nasa loob ng silid ang ilan sa mga pulis na kumukuha ng larawan ng crime scene.
Inilipat ni Jemimah ang tingin sa isang parte ng silid at nakita doon si Mitchel kausap ang isang pulis, katabi lamang nito si Ethan. Biglaan ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso nang masalubong ang tingin ng binata. Iniiwas niya ang tingin dito nang maramdaman ang pag-iinit ng mukha.
Mahigit isang linggo na rin mula nang huli niyang makita si Ethan at hindi alam ni Jemimah kung paano muling haharapin ito. Ipinilig niya ang ulo. Hindi dapat siya nag-iisip ng ganito ngayon. She needed to remain professional and focus on her work.
Nilapitan niya ang isa sa mga pulis na naroroon. "Sino'ng nakakita sa bangkay?" tanong niya.
Tinawag ng pulis ang isang babae na sa tingin niya ay hotel staff. Nasa mukha ng babae ang takot. "Siya po, Inspector. Siya si Antonette Alday, isa siya sa mga staffs ng hotel na ito."
Tumango si Jemimah at hinarap ang babae. "Ano'ng oras mo siya nakita?"
"K-kanina lang pong bago mag-tanghali," nauutal na wika ni Antonette. "D-dapat po kasi ay magche-check-out na siya ngayong araw. Tinatawagan po namin siya mula sa 'baba pero walang sumasagot kaya... kaya napilitan na akong pumunta dito. G-ganyan ko na po siya nakita... a-agad din akong tumawag ng pulis."
"Puwede ko bang makausap ang nasa front desk noong mag-check-in siya sa hotel na ito?" tanong pa ni Jemimah.
Tumango si Antonette at tinawag ang isa pang babae na nakaupo sa couch.
"Ang biktima ba mismo ang nag-check-in sa hotel na ito?" tanong ni Jemimah sa bagong babaeng kaharap.
"Opo," sagot nito. "M-mahigit isang linggo na po mula nang mag-check-in siya. M-mag-isa lang po siya noon. Pero naaalala ko siya... dahil parang takot na takot siya noong araw na mag-check-in dito. May kausap siya sa cell phone at parang sumusunod lang sa utos. Palinga-linga rin po siya sa paligid na para bang may nagbabantay sa bawat kilos niya."
"He was being forced to obey," narinig niyang singit ni Mitchel na hindi namamalayang nasa tabi na pala. "Siguro dinukot si Maranan sa bahay niya noon bago dinala dito para sapilitang mag-check-in."
"Ipinagtataka rin po namin na ni minsan hindi siya lumabas ng hotel room na ito," wika naman ni Antonette. "A-akala nga po namin isa siyang kriminal na nagtatago."
"The CCTV's?" tanong pa ni Jemimah. This is a five-star hotel. Imposibleng walang CCTV's ang mga ito.
"Nabura ang lahat ng footage simula nang mag-check-in dito si Maranan," singit naman ng boses ni Ethan.
Napatingin si Jemimah sa binata. Kahit pigilan ang sarili ay hindi pa rin mapatigil ang malakas na tibok ng puso dahil lamang sa pagkarinig sa boses nito. She missed him. Kahit hindi naman ganoon katagal na hindi ito nakita, nangulila pa rin ang kanyang puso sa presensiya nito, lalo na sa init ng katawan ng lalaki.
"Nabura?" tanong ni Paul, nakakunot ang noo. "Paanong nabura?"
"Na-hack po ang buong system ng hotel noong Bagong Taon," sagot ng babaeng katabi ni Antonette. "Sinubukan pong ayusin ng mga IT experts namin at nagawa naman. Ngayon lang po namin nalaman na nabura ang lahat ng footage simula nang araw na mag-check-in dito ang biktima hanggang noong Bagong Taon. Lahat ng footage ng mga CCTV's. H-hindi na po namin magagawang ma-recover 'yon."
Inilipat ni Jemimah ang tingin sa bangkay ni Ramon Maranan. So ang dahilan ng biglaang pagkawala nito noong Pasko ay dahil hawak na ng killer na hinahanap nila. Naisahan na naman sila.
"Gusto ng killer na isipin natin na suicide 'to," mayamaya ay wika ni Mitchel. "Pero alam kong alam niya na hindi tayo maniniwala. So why bother doing this? Gusto niya lang talagang makipaglaro?"
"Hindi ko maintindihan kung bakit ganitong klase ang pagkamatay ni Maranan," ani Jemimah. "He was not tortured like the others. At siguradong kompleto pa rin ang lahat ng parte ng katawan niya."
"Mukhang nagmamadali na ang killer na 'yon," wika pa ni Mitchel. "Pinatagal niya ng ilang araw bago patayin si Ramon. Posibleng nagdadalawang-isip siya. O hindi kaya may hinihintay siya."
"Posible ring hinahanap niya ang huling magiging biktima," sabi ni Ethan, may kinuha sa sahig - isang sampling bag na naglalaman ng dalawang upos na sigarilyo.
Tiningnan ni Jemimah ang binata. Right, pang-apat pa lamang si Maranan sa biktima. May isa pa. "Kailangang mahanap natin ang huling target na 'yon."
"Mukhang nakita na namin," sagot ni Ethan.
Kumunot ang noo niya at sinundan ng tingin ang lalaki nang lumapit ito sa ibabaw ng kama para kunin doon ang mga sampling bag na nakapatong.
"Nagpunta kami sa bahay ni Maranan kanina bago nabalitaan itong nangyari sa kanya. Nakita namin ang mga ito sa isang file cabinet," pagpapatuloy ni Ethan, ipinakita sa kanya ang isang larawan. "Sama-sama sa larawang ito ang apat na naging biktima ng kasong 'to, may kasama pa silang isang lalaki."
Inabot ni Jemimah ang sampling bag na naglalaman ng isang lumang larawan. Naroroon nga ang mga mukha nina Lumanglas, Escartin, Levin at Maranan na nasa harap ng gambling table. Mukhang ilang taon na rin ang larawang iyon. Itinuon niya ang paningin sa isa pang lalaking tinutukoy ni Ethan na posibleng pang-limang biktima.
Nagsalubong ang mga kilay niya habang pinagmamasdan ang mukha ng lalaking iyon. Pamilyar ito. Hanggang sa mayamaya ay naalala ni Jemimah kung saan ito nakita. "T-this was... Alexa's dad." Tumingin siya kay Ethan. "Si John Rodriguez."
Bumahid ang pagkagulat sa mga mata ni Ethan.
"Now I know kung bakit parang pamilyar ang lalaking 'yan," singit naman ni Mitchel. "Nakita ko na nga siya sa mga picture frames sa bahay ng kaibigan mo noon."
"Ito na ang link na hinahanap natin," aniya. "Magkakakilala sila. At sila ang target ng serial killer na hinahanap natin. Puwede na natin uling buksan ang kaso ng pagkamatay ni John Rodriguez for reinvestigation."
Kumunot ang noo ni Jemimah nang makita ang kaseryusohan sa mukha ni Ethan, nakatitig lamang ito sa larawang hawak niya.
"Ibig sabihin ay hindi siya ang huling biktima," wika ni Ethan makalipas ang ilang sandali. "Kung iyan nga si John Rodriguez, ibig sabihin may isa pang tao na kailangang patayin ang serial killer na 'to para matapos ang misyon niya."
Yes, that must be right. Patay na si John Rodriguez. Dalawa ang upos ng sigarilyo na nakita nila ngayon. Ibig sabihin ay hindi pa tapos ang lahat. May isa pang nanganganib ang buhay.
"Malalaman naman siguro natin kung ano ang mga nakita sa crime scene ni John Rodriguez noon, hindi ba?" tanong naman ni Paul. "Makikita natin sa mga larawan ng ebidensya kung may mga upos ng sigarilyo doon."
Tumango-tango si Jemimah. "Ipapadala ko ang lahat ng ito sa laboratory," wika niya na lamang bago lumabas ng hotel room. Nakasunod lang naman sa kanya ang ibang mga kasamahan.
Their killer had no pattern anymore. Ibig sabihin may nakapagpabago sa isip nito kaya nais madaliin ang lahat. Mayroon nang apat na biktima simula nang hawakan nila ang kasong ito, lima kasama ang ama ni Alexa. Kahit ilang taon na ang dumaan mula nang mapatay si John Rodriguez, siguradong konektado ang lahat ng ito. At mayroon pang isang nais patayin ang serial killer na ito. Sino? Sino 'yon? Kailangan nilang mailigtas kahit ang isang ito na lamang.
Napatigil sa paghakbang si Jemimah nang makita kung sino ang papasalubong sa kanila sa hotel lobby - si Alexa. Tumigil sa harapan nila ang kaibigan at nagulat din nang makita sila.
"Alexa, a-ano'ng ginagawa mo dito?" nagtatakang tanong ni Jemimah. Bakit kailangang makita niya pa ang kaibigan sa isa sa mga crime scene nila?
"Jem, kayo rin ba ang nag-iimbestiga sa napatay daw na guest sa hotel na ito?" tanong ni Alexa.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" ulit na tanong ni Jemimah. "Answer my question, Alexa." May awtoridad na sa kanyang tinig. Hindi niya gustong isipin na may kinalaman si Alexa sa lahat ng pangyayaring ito.
"I... W-we've been staying here since Christmas Eve, Jem," sagot ni Alexa, nagtataka na. "B-bakit?"
"Kasama mo si Frank? Nasaan siya ngayon?" ganting tanong ni Jemimah.
"N-nasa hotel room namin," tugon ni Alexa. "What's happening here, Jem? H-hindi ko maintindihan."
Mitchel stepped up. "Natagpuan naming patay sa hotel room niya si Ramon Maranan. Kilala mo siya, hindi ba? At ngayon naririto ka sa hotel na pinangyarihan niyon. Ano sa tingin mo ang mangyayari?"
Bumahid ang pagkagulat sa mukha ni Alexa. "P-patay na si... si Ramon?" Hindi makapaniwalang tanong nito. "W-wala akong kinalaman diyan, Jem." Tumingin ito sa kanya. "Akala ko ba naiintindihan mo na? Hindi ko alam na nandito rin siya. Nag-celebrate lang kami dito ng holidays ni Frank. It's just pure... coincidence."
Iniiwas ni Jemimah ang tingin. Hindi na niya ngayon masabi kung magtitiwala pa sa kaibigan. This case was filled with twists that she didn't even know what to believe. "Bubuksan uli namin ang kaso ng papa mo, Alexa," wika niya. "As his only descendant, you have the right to know. Hindi mo magagawang pigilan 'yon dahil involve na ang kaso niya sa iniimbestigahan namin."
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Alexa. "I understand," anito. "G-gusto ko rin namang mahuli kung sino ang pumatay kay Daddy."
"Just don't go out of town or out of the country for now, Alexa," wika naman ni Paul. "You've been involved on this case a couple of times. Questioning suspicious people is our procedure. Sana maintindihan mo."
"Naiintindihan ko," iyon lang at lumakad na palayo sa kanila si Alexa.
Sinundan ito ng tingin ni Jemimah. Bakit? Bakit sa dinami-rami ng hotels ay sa hotel na ito pa naisipang magpunta nina Alexa? At noong Christmas Eve pa kung kailan posibleng dinukot si Maranan para dalhin dito? No, Alexa was not the killer. Hindi niya magagawang tanggapin iyon.
"Are you alright, Jem?" narinig niyang tanong ni Paul na nasa tabi na, punong-puno ng pag-aalala ang mga mata nito.
Tumango-tango siya, pinilit magpakatatag. "I'm fine," maikling tugon ni Jemimah. Inilipat niya ang tingin sa kinaroroonan ni Ethan at nakitang nakatingin lamang din ito sa kanya. Gusto niya itong lapitan, gustong kumuha ng comfort mula dito. Pero hindi puwede. Trabaho muna ang kailangan niyang asikasuhin.

A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon