Chapter 18

2.9K 106 3
                                    

Chapter 18
Jemimah Remington
NAPATIGIL si Jemimah sa pakikipag-usap sa police officer na si Jake nang makita ang pagparada ng isang itim na sasakyan malapit sa kanyang Toyota Fortuner. Ganoon na lang ang kanyang pagkagulat nang makitang bumaba mula sa sasakyang iyon si Ethan.
Nag-aalangan siyang humakbang palapit sa kinatatayuan ng lalaki. "A-ano'ng ginagawa mo dito?" tanong niya.
Ilang sandaling pinasadahan ng tingin ni Ethan ang kabuuan niya. "Wala bang nangyari sa'yo? Sa sasakyan mo?" Sumulyap pa ito sa kanyang sasakyan.
Mas higit na nadagdagan ang pagtataka ni Jemimah. "Wala naman, bakit? May... may nangyari ba?"
Ibinalik ni Ethan ang tingin sa kanya. "Ang break ng sasakyan mo? Wala bang problema?"
Umiling siya. "It works fine."
Mukhang nakahinga naman ng maluwag ang binata.
"Ano'ng nangyari, Ethan? Bakit ka nandito?" tanong pa rin ni Jemimah.
"May ipinadalang package ang killer sa bahay," sagot ni Ethan. "He's threatening us. At naisip ko na baka tinanggalan niya ng break ang isa sa mga sasakyan natin, base na rin 'yon sa mga ipinadala niya. Mabuti na lang at hindi ang sa'yo."
Hindi naitago ni Jemimah ang pagkagulat. "Ang... ang iba nating kasama? Ayos lang ba sila?"
"Ayos lang sila. Binalaan ko nang 'wag muna gamitin ang mga sasakyan nila."
Tiningnan niya ang itim na BMW. "Sa'yo ba ang sasakyan na 'yan?"
Tumango ang binata.
"Dapat nag-iingat ka rin," hindi napigilang pagalit ni Jemimah. "Alam ng killer na 'yon ang lugar na tinutuluyan mo kaya malamang ay alam niya rin maging ang sasakyan na 'yan. Paano na lang kung iyan pala ang tinanggalan niya ng break?"
"Matagal ko nang hindi nagagamit ang sasakyan na 'yan. At malamang na ngayon lamang nagka-interes sa atin ang killer na 'yon nang malaman na tayo ang nag-iimbestiga sa kaso niya."
Napahawak siya sa ulo. "Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang tungkol sa atin."
"Malapit lang siya sa atin," anito. "At siguradong sinusubaybayan niya ang bawat galaw natin. Kaya dapat lang na maging mas maingat tayo sa mga taong nakakasalamuha."
Tumango-tango si Jemimah.
Sandaling iginala ni Ethan ang paningin sa paligid. "Ano'ng nangyari sa ipinunta mo rito?"
"Oh." Inilipat niya ang tingin sa kinaroroonan ng sasakyan na tinutukoy ni Jake kanina sa tawag. "Someone was doing drugs sa sasakyang 'yon. He passed out pero napadala na naman namin sa ospital."
"Umalis na tayo kung gano'n, tawagan mo na lang sina Mitchel at sabihing ayos ka lang."
"Okay," tugon niya. Ilang sandali siyang huminto, humuhugot ng lakas ng loob para magpatuloy. "Ethan, p-pasensiya ka na nga pala sa naging pag-aaway natin noon. Pasensiya ka na sa mga nasabi ko."
Tumingin sa kanya ang binata. Tumango lamang ito pero walang sinabi.
"At... salamat din sa... pagpunta mo rito." Pigilan man ni Jemimah ay nakakaramdam pa rin siya ng kasiyahan dahil sa kaisipang nag-aalala ang lalaki kaya nagpunta rito. Nag-aalala ito sa kanya, sa kanilang team kahit na hindi nito sabihin.
"May pupuntahan ka pa ba?" tanong na lamang ni Ethan.
Akmang iiling si Jemimah pero naalala ang dati pang planong samahan na mag-grocery ang binata para sa pagkain nito. "O-oo sana," sagot niya. "G-gusto ko sanang magpunta sa grocery store kahit sandali."
Bumalot ang pagtataka sa mukha ng binata.
"Napansin ko na walang kalaman-laman ang fridge mo maliban sa mga instant foods at beer cans," sagot niya sa pagtataka nito. "Madalas nating gamitin ang penthouse mo sa investigation kaya mas maganda kung may mga nakahanda nang puwedeng lutuin, 'di ba?"
Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Ethan bago ito nagkibit-balikat. "Susundan na lang kita," anito.
Ngumiti naman si Jemimah. Nagpaalam muna siya sa mga pulis na nagbabantay sa lugar na iyon bago sumakay sa sariling sasakyan. Tulad ng sinabi ni Ethan, nakasunod lang naman ang BMW nito sa kanya hanggang sa makarating sila sa isang malapit na mall.
Sabay silang lumabas ng kanya-kanyang mga sasakyan. Humakbang si Jemimah palapit kay Ethan pero bigla na lang tumakbo ang lalaki patungo sa kanya. He threw his body into her and they both fell on the ground, rolling. Noon lamang napag-ukulan ng pansin ni Jemimah ang isang sasakyan na humaharurot palayo nang hindi man lang nagpreno.
She looked down at Ethan who was underneath her. Sigurado siyang ito ang mas higit na nasaktan sa pagkabagsak nila kanina. "Ethan... a-ayos ka lang ba?" puno ng pag-aalalang tanong ni Jemimah. Maingat siyang umupo sa kalsada at tinulungang makabangon ang lalaki.
"Ayos lang ako," sagot ni Ethan pero hindi niya napalampas ang bahagyang pagngiwi nito. "Ikaw, ayos ka lang ba? Hindi ka ba nasaktan?" Tumingin sa kanya ang binata at nanlaki ang mga mata. Itinaas nito ang isang kamay para haplusin ang isang parte ng noo niya. "Your head."
Itinaas ni Jemimah ang kamay para hawakan ang parteng iyon ng ulo. Nang tingnan niya ang kamay ay nakita ang bahid ng dugo doon. Hindi niya alam kung paano nasugatan, marahil ay napatama ang ulo niya sa semento nang gumulong sila. "I... I'm alright," sabi niya. "W-wala ka bang nararamdamang-" Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang tumayo si Ethan at walang sabi-sabing pinangko siya.
Napatingin si Jemimah sa ilang mga taong nakatingin sa lugar na iyon. Ibinaba lamang siya ng binata nang makalapit sila sa passenger's side ng sasakyan nito at inutusan siyang pumasok sa loob.
"Saan tayo pupunta?" tanong niya sa lalaki nang makapasok ito sa driver's side.
"Dadalhin kita sa ospital," maikling sagot ni Ethan.
Ini-iling ni Jemimah ang ulo. "This is just a small cut, Ethan."
"Kailangan mo pa ring matingnan," pilit pa ng binata.
Humugot siya ng malalim na hininga. Wala rin naman siyang magagawa dahil siguradong hindi na magbabago ang desisyon ng lalaki. "My car?"
"Ipapakuha ko na lang kay Douglas kapag natawagan ko na sila."

A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon