Chapter 14

3.2K 105 0
                                    

Chapter 14
Jemimah Remington
PAGOD na pagod na naupo si Jemimah sa couch bago sandaling ipinikit ang mga mata. Naroroon sila ngayon sa penthouse ni Ethan matapos ang napakahabang araw. Wala silang gaanong nakuhang matibay na ebidensya sa mga nakita kanina sa warehouse na pinuntahan. Na-confirm lang ng mga lab results na mga dugo ng biktima at parte ng mga pagkalalaki ng mga ito ang kanilang nakita.
"Posible kayang bumalik pa ang killer sa warehouse na 'yon?" mayamaya ay narinig niyang tanong ni Paul.
Iminulat ni Jemimah ang mga mata. "Pinabantayan ko na sa ilang police officers ang palibot ng lugar para kung sakaling may makita silang suspicious ay maibalita sa atin."
Tumango-tango naman ang lalaki. Napatingin sila sa pinto nang marinig ang tunog ng doorbell mula doon. Tiningnan niya si Ethan nang abutin nito ang remote para buksan ang pinto. Nakita nilang pumasok si Theia.
"Theia," masayang bati ni Jemimah sa babae. "Mabuti naman at napadalaw ka."
Itinaas ng babae ang mga dalang boxes ng pizza. Agad naman iyong inabot ni Douglas para ilagay sa mesita. "Pinabili ako ni Ethan ng makakain." Ngumiti ito at tumabi sa kanya. "Wala namang masama na makisali ako sa inyo, 'di ba?"
Tumango si Jemimah pero bago pa siya nakapagsalita ay naunahan na ni Mitchel na tumabi rin kay Theia.
"Walang problema kung madaragdagan ng magandang babae ang team na ito," nakangising wika ni Mitchel. "Mabuti na lang at nagpunta ka rito. Nawala ang pagod ko."
Tiningnan ni Theia ng masama ang lalaki. "Buhay pa pala ang manyak na ito?" puno ng pagkainis na tanong nito.
Lumawak lamang ang pagkakangisi ni Mitchel. "You're turning me on more with that attitude of yours, sweet baby." Bumuntong-hininga ito. "Where have you been all my life?"
"Where have I been?" ulit na tanong ni Theia. "Nagtatago sa'yo," pagkasabi niyon ay tumayo na ang babae para lumipat sa single couch na naroroon. Naiinis itong napabuntong-hininga. "Mas higit ko tuloy na nagugustuhan ang makasama ang isang aso kaysa sa mga lalaki, lalo na kapag manyak na katulad ng lalaking 'yan."
Napatawa na lang naman si Jemimah. Inilipat niya ang tingin kay Ethan nang lumakad ito patungo sa isang silid na naroroon. Ibinalik niya ang tingin sa mga kasamahan nang alukin siya ng pizza ni Paul. Nagpasalamat siya bago umabot ng isang slice.
"So hindi niyo pa rin nahuhuli ang killer na hinahabol niyo?" mayamaya ay tanong ni Theia.
Umiling siya. "Pero salamat sa tulong mo sa paghahanap ng warehouse na 'yon sa Port of Manila, nakita na namin ang tunay na crime scene."
"Hindi niyo ba alam kung sino'ng may-ari ng warehouse na 'yon?" tanong pa ng babae.
"Abandonadong warehouse na 'yon na nasa pag-aari ng gobyerno," sagot niya.
Tumango-tango naman si Theia. Inilabas nito ang cell phone na nasa bulsa ng pantalong suot. "Puwede ko bang kunin ang mga number niyo? Para kung sakaling makahanap ako ng tungkol sa warehouse na 'yon ay makakatawag kaagad ako."
"Sure." Ngumiti si Jemimah at ibinigay sa babae ang sariling numero.
Kinuha rin naman ni Theia ang lahat ng mga numbers ng mga naroroon at ibinigay ang sarili nitong cell phone number.
"Huwag mo kalilimutang tawagan din ako," nakangising wika ni Mitchel habang ibinabalik sa bulsa ang sariling cell phone. "Siguradong hinding-hindi ako magiging busy pagdating sa'yo." Kumindat pa ito.
"Kinuha ko lang ang number mo para hindi ko masagot ang tawag mo." Inirapan pa ito ni Theia. Kinuha ng babae ang isang remote na nasa mesita at binuksan ang malaking TV.
Sakto namang balita ang palabas sa telebisyon. Lahat sila ay natutok na lamang ang atensiyon sa panonood. Hanggang sa mayamaya ay sumunod na ibinalita ang tungkol sa pagpaslang sa biktima nilang si Mayor Joey Levin. Ipinakita roon ang naganap na burol para sa lalaki.
Pumalit sa screen ang interview sa asawa ni Joey Levin na si Angelica Levin. "Hanggang ngayon, hindi pa rin namin alam kung sino ang walang pusong pumaslang sa asawa ko," umiiyak na wika ng babae. "He was a very good man, a very good husband and father. He was a very good mayor in this town. Wala siyang nakakalaban dito. Wala."
"A very good husband?" narinig nilang wika ni Mitchel sa sarkastikong tinig.
Napatingin si Jemimah sa binata at nakita ang bumahid na inis sa mga mata nito. Ibinalik niya lang ang atensyon sa telebisyon nang marinig ang muling pagsasalita ni Angelica Levin.
"Walang nagagawa ang mga awtoridad para makapagbigay ng hustisya," mapait na wika ng babae. "Wala." Napahagulhol na ng malakas ang babae sa harapan ng camera. Inalo naman ito ng mga kasamang naroroon.
Ini-off ni Theia ang TV. "Mukhang hindi kilalang husto ng babaeng 'yon ang asawa niya. She didn't know he was fucking her assistant," puno ng digustong wika nito.
"Pupunta ba kayo bukas sa mistress ni Joey Levin?" tanong sa kanya ni Paul.
Tumango si Jemimah. "Ibinigay naman sa amin ni Theia ang address ni Sally Rosuelo. Kailangan din siyang makausap para mas malinawan tayo."
Bumuntong-hininga si Paul. "I have a case early in the morning tomorrow," nanghihinayang na wika nito. "Pero susubukan kong humabol sa inyo."
Ngumiti siya. "Walang problema, puwede ko namang isama si Douglas. May mga kailangan kasing asikasuhin si Mitchel sa HQ sa pagkakaalam ko."
"Yeah," ani Mitchel. "Kinailangan ng isang team ang tulong ko tungkol sa mga nahuli nilang parte ng isang crime group."
Tumingin si Jemimah kay Theia. "Gusto mo bang sumama?" tanong niya.
Lumabi ang babae. "Gusto ko sana kaso may trabaho ako bukas ng umaga. Maybe next time makasama ako sa mga adventures niyo sa pag-iimbestiga."
Tumango-tango na lamang siya. "Mabilis lang naman siguro kami doon. Ia-update ko na lang kayo sa mga malalaman namin."
Ilang sandali pa siguro silang kumain lamang doon bago siya tumayo para kumuha ng maiinom sa kusina. Habang umiinom, napatingin si Jemimah sa tabi nang makita ang paglapit doon ni Ethan. Ibinaba niya ang baso sa kitchen counter. "Kumain ka muna ng pizza sa labas, hindi ka pa 'ata kumakain mula kanina," sabi niya.
"Magkakape na lang ako," anito.
"Gusto mo bang ipagtimpla kita?" tanong pa ni Jemimah.
Tumingin sa kanya ang binata. "Ako na lang ang sasama sa'yo bukas para kausapin si Rosuelo," sabi nito. "Pagpahingahin mo muna kahit isang araw si Douglas. Mukhang pagod na pagod na siya dahil sa walang tigil na pagtatrabaho."
Napangiti si Jemimah. "Napansin mo rin pala 'yon. Nanibago lang siguro siya. Medyo nakakapagod naman talaga ang kasong 'to. Pakiramdam ko kasi ay pinaglalaruan lang tayo ng killer."
"Ganoon naman talaga ang ginagawa ng mga serial killers. Hindi sila gagawa ng sunod-sunod na pagpatay kung wala silang confidence na makakalusot sila sa mga pulis," ani Ethan. "Kailangan lang nating magpatuloy sa paghanap ng panibagong lead."
Tama ang binata. Napatingin sila sa bukana ng kusina nang makarinig ng pagtikhim mula doon. Nakita nila si Paul.
"Magpapaalam na sana ako, Jemimah," wika ni Paul bago sumulyap kay Ethan. Bahagya pang nagsalubong ang mga kilay nito. Ibinalik nito ang tingin sa kanya. "May kailangan pa kasi akong asikasuhin para sa case ko bukas."
Ngumiti siya. "Sige, tatawagan na lang kita kapag may bago kaming nalaman sa imbestigasyon."
Tumango naman si Paul bago lumakad na palayo. Ibinalik niya ang tingin kay Ethan na abala na ngayon sa pagtitimpla ng kape.
"I don't understand why he's in this team," ani Ethan, tinutukoy si Paul. "Hindi kailangan ng team ang prosecutor, lalo na at palagi naman siyang wala."
"Si Director Morales ang nagdesisyon nito. Sinabi niya sa simula pa lang na wala gaanong alam si Paul sa ganitong trabaho. Gusto ni Director Morales na maturuan din natin si Paul, parang kay Douglas din."
Hindi naman na tumugon si Ethan.
"Hindi ba talaga kayo magkasundo ni Paul?" naisipan niyang itanong.
"Hindi ako namimilit ng mga taong ayaw sa akin," malamig na tugon ni Ethan. "Umuwi na kayo at magpahinga. Nakakapagod ang araw na 'to."
Hindi na nakipagtalo si Jemimah. Gusto niya na ngang umuwi para mag-shower. She could still smell the stinking smell of blood in her clothes. "Dadaanan na lang kita rito bukas para pumunta kina Sally Rosuelo."

A/N: I will be updating this story every Tuesday, Thursday and Saturday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]On viuen les histories. Descobreix ara