Chapter 20

3.4K 117 5
                                    

Chapter 20
Jemimah Remington
INILAPAG ni Jemimah ang mga nilutong agahan sa dining table ng kanyang apartment. Nakaupo lamang sa isa sa mga upuang naroroon si Ethan at nakamasid sa kanya.
"Hindi ka na dapat nag-abala," wika ng binata. "Puwede naman akong umuwi at doon na lang kumain."
"Alam kong magpapa-deliver ka na naman ng pagkain," natatawang sabi ni Jemimah. "This is a 'thank you gift' na rin sa lahat ng nagawa mo kahapon."
Umiling si Ethan. "Nakapagpahinga ka ba ng ayos?"
Tumango siya at naupo na rin sa isa sa mga silyang naroroon. "Sabay na rin tayong dumaan sa headquarters mamaya. Doon ko na pinapunta sina Mitchel."
Hindi na naman sumagot si Ethan at nagsimula na sila sa pagkain. Sa buong agahan ay pinag-usapan lamang nila ang patungkol sa sunod na mga gagawin para sa imbestigasyon.
"That killer is very dangerous," wika ni Jemimah. "Napakabilis lang para sa kanya na malaman ang tinutuluyan mo maging ang tungkol sa atin. Para bang may alam siya tungkol sa SCIU."
Ilang sandaling nakatitig lamang si Ethan sa pagkain. "That killer reminds me of someone," usal nito. "Maingat din at para bang alam na alam niya ang lahat, maging ang mga kilos ng mga naghahanap sa kanya."
Napatitig siya sa binata sa loob ng ilang sandali, hindi napalampas ang galit na dumaan sa mga mata nito. Naalala niya ang naikuwento noon ni Mitchel patungkol sa nangyari sa pamilya ni Ethan. Siguradong ang tinutukoy nito ay ang serial killer na kilala sa tawag na 'Destroyer'.
Naputol ang pag-iisip ni Jemimah nang marinig ang tunog ng doorbell mula sa front door. Kumunot ang noo niya. Wala naman siyang inaasahang bisita ngayon. Sandali siyang nagpaalam kay Ethan para tumungo sa pinto.
Ganoon na lang ang kanyang pagkagulat nang makita ang bisita - ang kanyang Papa Chad. "P-papa," bati ni Jemimah. "N-napabisita kayo?"
Pumasok sa loob ang kanyang ama. "Narinig ko ang nangyari sa'yo. Nakausap ko ang isa sa mga kasama mo sa team, si Prosecutor Morales, at nabanggit niya nga na na-confine ka sa isang ospital." Naiinis itong napabuga ng hininga. "Bakit hindi mo man lang-" Napatigil sa pagsasalita ang ama nang makita si Ethan na kapapasok lang sa living area. "Sino ang lalaking ito, Jemimah?"
"P-papa..." Mabilis na lumakad si Jemimah sa kinaroroonan ng ama. "Isa po siya sa mga kasama ko sa team, si Ethan Maxwell. Isa siyang private detective. Siya ang tumulong sa akin kahapon at nagdala sa akin sa ospital."
Tumango-tango si Papa Chad at lumapit kay Ethan. "Then, thank you." Inilahad nito ang isang kamay para makipagkamay.
Tinanggap naman iyon ni Ethan pero hindi nagsalita.
Muling humarap sa kanya ang ama at hinila siya paupo sa couch. Inanyayahan din nitong maupo si Ethan. "Sigurado bang ayos ka lang, Jemimah?" nag-aalalang tanong pa ng ama. "Hindi ba dapat na mag-stay ka pa sa ospital para matingnan ng ayos."
"Ayos lang ako, Papa," tugon niya. "Hindi naman malala ang nangyari sa akin."
"Nalaman ko rin na ang may gawa nito ay ang hinahabol niyong kriminal," dagdag ng ama. "Ito na nga ba ang kinatatakutan ko, Jemimah, simula nang pumasok ka diyan sa bago mong trabaho. Hindi basta-basta ang mga kriminal na 'yan. Hindi sila titigil hangga't hindi nagagawa ang gusto nila. Wala silang pakialam kahit sino pa ang masaktan."
"Papa, kaya nga kailangan naming pagbutihan ang pag-iimbestiga para mahuli na ang kriminal na 'yon at hindi na madagdagan ang listahan ng mga biktima niya," ani Jemimah. "I'll be fine, okay? Huwag na kayong mag-alala."
Bumuntong-hininga si Papa Chad bago tumingin kay Ethan. "Isa ka sa mga kasamahan nitong anak ko, 'di ba, hijo? Pakibantayan na lang siya para sa amin, puwede ba?"
"Papa..." ani pa ni Jemimah. Kung tratuhin talaga siya ng ama ay parang isang bata na hindi kaya ang sarili. Tiningnan niya si Ethan at nakita naman ang pagtango nito. Napailing na lang siya. "Paano niyo nga pala nakilala si Paul?" tanong niya sa ama.
Ibinalik ni Papa Chad ang tingin sa kanya. "We're both working for the law. Madalas ko siyang nakikita sa Supreme Court. He's a very good prosecutor."
Tumango naman si Jemimah.
"Nagpunta rin ako rito dahil may ilan akong tanong," pagpapatuloy ng ama. "Nalaman ko na hawak mo ang kaso ni Joey Levin."
Kumunot ang noo niya. "Kilala mo siya, Papa?"
Tumango si Papa Chad. "Isa siya sa mga kliyente ko. Sa akin siya humihingi ng mga legal advices, lalo na sa kanyang career bilang isang politician."
"So may alam kayo kung may nakaaway siya o may nagbabanta sa kanya?" tanong ni Jemimah bago sumulyap kay Ethan na nakikinig lamang.
"Alam mo naman ang mundo ng politika, hija," sagot ng ama. "Pero... pero wala akong maisip na gagawa sa kanya ng ganoon. Wala pa rin ba kayong suspect?"
Umiling siya. "Nag-iimbestiga pa rin kami, Papa. Wala rin akong masasabi tungkol sa imbestigasyon hangga't hindi pa tapos."
Tumango-tango naman ang ama. "Nabasa ko sa mga articles na lumalabas ngayon na gawa ng serial killer ang mga pagpatay na 'yan. Hindi ko rin ba puwedeng alamin kung sinu-sino pa ang mga naging biktima? Baka sakaling may maitulong ako para maresolba ang kaso. Itinuring ko na ring kaibigan si Joey kaya gusto kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay niya."
Tumingin si Jemimah kay Ethan. Seryoso lamang ang mukha ng binata. "I'm sorry, Papa," baling niya sa ama. "It's confidential. Kailangan namin ng doble pag-iingat ngayon." Tulad ng sinabi ni Ethan kagabi, kailangan nilang maging maingat sa paglalabas ng kahit ano patungkol sa kanilang imbestigasyon.
"Ganoon ba?" Ngumiti naman ang ama. "Naiintindihan ko." Inilipat nito ang tingin kay Ethan. "Siya, sige, aalis na ako dahil siguradong kailangan niyo pang mag-trabaho." Tumingin sa kanya si Papa Chad. "Bumisita ka sa amin minsan, Jemimah. Malapit na ang Pasko at gusto ka ring makita ng iyong mama."
"Dadaan ako minsan sa bahay," sagot na lamang ni Jemimah. Tumayo na ang ama at inihatid niya naman ito hanggang sa labas.
SABAY na pumasok sina Jemimah at Ethan sa loob ng opisina ng headquarters ng SCIU nang umagang iyon at agad na nakita ang mga kasamahan na may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Tumingin siya kay Ethan na sandaling iginala ang paningin sa loob ng opisina. Ito nga pala ang kauna-unahang pagkakataon na nakapasok dito ang binata.
"Nandito na rin kayo sa wakas," narinig nilang bati ni Mitchel. "Bakit magkasabay kayo? At bakit parang hindi pa 'ata nagpapalit ng damit si Pareng Ethan?" Napasinghap ang lalaki. "Huwag n'yo sabihing nagpalipas ng gabi si Ethan sa bahay mo, Jemimah?"
Iniiwas ni Jemimah ang tingin kay Mitchel. "Shut up, Mitchel." Hindi niya na tinangkang magsinungaling dahil alam na malalaman din naman iyon ng lalaki.
"Douglas, nalaman mo na ba kung kanino naka-rehistro ang plate number na ibinigay ko sa'yo kagabi?" tanong ni Ethan kay Douglas.
"Opo," sagot ni Douglas. "Nakarehistro po sa isang Jaime del Mundo ang sasakyan. Pinuntahan namin siya ni Mitchel kanina. Sinabi niyang isang buwan na mula nang manakaw ang sasakyang iyon."
"At nagsasabi ng totoo si del Mundo," sabi naman ni Mitchel. "Base rin sa research ni Douglas, nag-file nga ng car-theft si del Mundo isang buwan na ang nakararaan."
"Nakita n'yo ba ang sasakyan?" tanong ni Jemimah.
"Hindi pa po," sagot ni Douglas.
"Imposibleng gamitin pa 'yon ng killer," ani Ethan. "Puwede pala, kung papalitan niya ang plate number."
"Hindi pa rin natin alam kung ang killer nga ang nagtangkang bumangga kay Jemimah," singit naman ni Paul. "Posibleng may inutusan lang siya. It would be a big risk for him to go out in the public like that."
Hinarap ni Ethan si Paul. "Our killer's always in the public. Nakikisalamuha lang siya sa ibang tao na akala mo kung sinong inosente. Hindi niya malalaman ang galaw natin kung hindi."
Nakita ni Jemimah ang pag-igting ng mga bagang ni Paul. Lumapit na siya kay Ethan bago pa mapunta sa kung saan ang pag-uusap ng mga ito. "Ethan, marami pa tayong kailangang asikasuhin, 'di ba?"
Tiningnan lang siya ni Ethan bago ito bumaling kay Douglas. "Ipakalat mo sa mga police departments ang plate number na 'yan para kung sakaling makita nila ang kinaroroonan ng sasakyan ay matawagan agad tayo."
Sinulyapan ni Jemimah si Paul at nakitang bumalik na ito sa binabasa kanina pa. Napabuntong-hininga na lamang siya. Gustuhin man niyang pagkasunduin ang dalawa ay hindi naman alam kung papaano.
Napatingin siya sa pinto ng opisina nang makarinig ng pagkatok mula doon. Agad siyang sumaludo nang makita si Director Morales.
"It's so nice to see na kompleto ang buong team n'yo sa opisinang ito," wika ng direktor. Tumingin ito sa kanya. "Nagpunta ako rito dahil may gustong kumausap kanina sa inyo, Inspector. Umalis na nga lang siya at sinabing tatawagan kayo. Ibinigay ko sa kanya ang number mo."
Kumunot ang noo ni Jemimah. "Sino po siya?"
"Isang lalaking nagsasabing siya na ang isusunod ng killer na hinahanap n'yo."
Nagulat siya sa narinig. Ganoon din ang naging reaksiyon ng kanyang mga kasamahan.
"So stay put," wika pa ng direktor sa kanila. "Hintayin n'yo ang tawag niya." Iyon lang at nagpaalam na ito.
"A new lead," ani Mitchel mayamaya. "Kung sakaling totoo man ang sinasabi ng kung sinomang lalaking 'yan, siguradong malalaman na natin kung ano ang pattern ng killer na ito."
Tumango-tango si Jemimah. Nararamdaman niyang unti-unti ay napapalapit na sila sa killer. Sana lang ay isang reliable source ang lalaking nais makipagkita sa kanila.
Lumapit siya sa kinaroroonan ni Paul. "Ayos ka lang ba?" mahinang tanong niya.
Tumingin sa kanya ang binata at ngumiti. "I'm fine. Ikaw, ayos ka na ba? Wala na bang masakit sa'yo?"
Umiling si Jemimah. "Nagpunta nga pala sa bahay si Papa kanina. Nabanggit niya na nakausap ka kaya nalaman ang nangyari sa akin kahapon."
"Oo, pasensiya ka na kung pinangunahan kita. Sobra kasi akong nag-alala at karapatan din naman nilang malaman," ani Paul.
"It's alright," aniya bago ngumiti. Ilang sandali lang ay narinig niya na ang pagtunog ng sariling cell phone na nasa bulsa. Mabilis na sinagot ni Jemimah ang tawag mula sa isang unregistered number. "Hello?"
"S-si... si... I-Inspector Remington po ba 'to?" tanong ng lalaki sa kabilang linya sa garalgal na tinig.
"Yes, ito nga siya."
"K-k-kailangan kong m-makipag-usap sa'yo. Pero... pero hindi sa headquarters n'yo dahil baka... baka makita ako ng gustong pumatay sa akin," nasa tono ng lalaki ang hindi maikakailang takot.
"Saan mo ba gustong makipagkita?" mahinahong tanong ni Jemimah.
"H-hindi ko alam. H-hindi puwede sa bahay ko. H-hindi puwede sa lugar n'yo dahil baka... baka alam niya ang mga lugar na 'yon. P-pakiramdam ko ay sinusundan niya ako sa lahat ng lugar na pinupuntahan ko... at wala akong mapagtaguan." Narinig niya na ang paghagulhol ng iyak ng lalaki.
"Huwag kang mag-alala, hindi ka niya magagawan ng masama hangga't kasama mo kami. You'll have police protection from now on kung makikipag-cooperate ka sa amin," aniya. "Nasaan ka ngayon? Sabihin mo lang, pupuntahan ka namin."
"N-nasa isang mall ako ngayon," sagot ng lalaki. "K-kailangan maraming tao para... para hindi niya ako magawan ng masama." Sinabi nito sa kanya ang mall na kinaroroonan at kung saan ito maghihintay.
"Okay, pupunta na kaagad kami diyan," iyon lang at tinapos na ni Jemimah ang tawag.
Hindi naman kalayuan ang mall na iyon kaya agad na nakarating ang kanilang team. Sa isang kilalang fast food nakikipagkita ang lalaki. Iginala nila ang paningin sa loob ng fast food at hinanap ang katugmang damit na sinabi sa kanya kanina ng tumawag.
"Here," narinig nilang wika ni Ethan at nilapitan ang isang lalaki na nakaupo mag-isa sa sulok na parte ng fast food. Nakasuot ng cap ang lalaki at tila ba takot na takot habang nakatingin sa kanilang lahat.
"Inspector Remington," pagpapakilala niya sa lalaki, ipinakita pa ang badge dito. "Huwag kang mag-alala, mga kasama ko sila sa team."
Naupo silang lahat at tinanggal naman ng lalaki ang cap na suot. Sa tingin ni Jemimah ay nasa early fifties na nito ang lalaki, magulo ang buhok nito at maiitim na ang ilalim ng mga mata tanda ng kulang sa tulog. Makulit din ang mga mata nito na animo laging inaalam kung may nakasunod.
"Kung gusto mong makuha ang tulong namin, kailangan mo nang magsalita ngayon," wika ni Ethan sa seryosong tinig. "Sino ka? At paano mo nasabing ikaw na ang sunod na papatayin ng kriminal na hinahanap namin?"
"R-Ramon... Ramon Maranan ang... ang pangalan ko. N-nagtatrabaho lamang ako sa... sa isang gawaan ng mga sapatos sa Marikina d-dahil matagal nang nalugi ang kompanya ko." Napahagulhol na ang lalaki. "H-hindi ko alam ang nangyayari. Binabangungot ako araw-araw. Sinasabi niya sa akin na... na papatayin niya na ako."
"Sino'ng siya?" tanong ni Jemimah. "Kilala mo ba kung sino ang gustong pumatay sa'yo?"
Tumingin sa kanya si Ramon, nanlalaki ang mga mata. "H-hindi ko makita ang itsura niya sa panaginip ko," anito.
"He's crazy," Mitchel mouthed.
"Paano mo nalaman ang tungkol sa iniimbestigahan naming kaso?" tanong ni Ethan.
"N-nabasa ko sa isang article sa diyaryo ang pagkamatay ni Joey," sagot ni Ramon. "P-pinuntahan ko ang nagsulat ng article na 'yon at sinabi niya sa akin na si Inspector Remington daw ang nag-iimbestiga sa kaso. Nagpunta ako sa headquarters n'yo para makausap ka pero wala ka pa raw doon, Inspector. H-hindi ako makakapagtagal doon dahil baka... baka makita ako nang papatay sa akin."
Humugot ng malalim na hininga si Jemimah. "Kilala mo ba ang mga biktima? At siguradong mayroong rason kung bakit sila namatay, at kung bakit naisip mo na ikaw na ang susunod."
"Nagpunta sa akin si David noon para sabihing patay na si Clark," pagkukuwento ni Ramon. "Sinabi niya sa akin na parang... parang may sumusunod sa kanya at balak siyang patayin. Hindi ako naniwala noon hanggang sa hindi ko na uli siya nakita. Saka lamang ako natauhan nang malaman kong namatay si Joey... saka ko lang nalaman na patay na rin si David. Posibleng ako na ang sumunod."
"Magkaanu-ano kayo?" tanong naman ni Paul sa lalaki.
Yumuko si Ramon, tila ba hiyang-hiya. "M-magkakaibigan kami noon... n-nakilala ko lang sila sa isang casino... n-nagkikita-kita lang kami para-" Marahas nitong ini-iling ang ulo. "M-matagal na akong walang koneksiyon sa kahit sino sa kanila. Nagbagong-buhay na ako."
"May alam ka ba na nagawa n'yo noon na siyang dahilan kung bakit may nais pumatay sa inyo ngayon?" mariing tanong ni Ethan.
Lahat sila ay nakatingin lamang kay Ramon na nanatiling nakayuko sa loob ng mahabang sandali. Tumingin ito sa kanila. "H-hindi ko alam... n-nagkasama-sama lang kami noon dahil sa hilig namin sa pagsusugal pero... w-wala... wala akong alam na-"
"Stop lying," putol ni Mitchel sa lalaki. "Alam ko na may itinatago ka. Hindi ka matatakot ng ganito kung wala. Hindi ko rin maintindihan kung bakit wala na kayong koneksiyong lahat. Ano'ng ginawa n'yo para magsari-sarili kayo ng ganito na para bang hindi kayo naging magkakaibigan noon?"
Bumahid na ang pagkabalisa sa mukha ni Ramon. "W-wala akong alam. N-nagbagong-buhay na ako," garalgal na wika nito.
"Kahit nagbagong-buhay ka na, hindi pa rin mababago niyon ang nagawa n'yong pagkakamali noon hangga't hindi n'yo hinaharap. Kaya kung gusto mong makaligtas sa galit ng-" Napatigil si Mitchel sa pagsasalita nang marinig nila ang pagtawag sa kanyang pangalan.
Sabay-sabay silang napatingin sa isang parte ng fast food at nakita ang paglapit ng kaibigan niyang si Alexa, may dala itong mga shopping bags. "Jem," masayang wika ng babae. "Magte-take-out sana ako nang mapansin kita. Kumakain ba kayo dito?" Pinasadahan pa nito ng tingin ang mga kasama niya doon. Natigil ang paningin ng babae kay Ramon.
"A-Alexa..." Akmang tatayo si Jemimah para sana kausapin ang kaibigan pero hindi nagawa nang nagmamadaling tumayo si Ramon.
"A-aalis na 'ko," tarantang wika ng lalaki, gilalas na nakatingin kay Alexa. "T-tatawagan ko na lang kayo."
Hindi na nila nagawang pigilan ang lalaki nang muli nitong isuot ang cap at nagtatakbo palayo. Napatingin si Jemimah sa mga kasamahan na nasa mukha rin ang pagkagulat sa nangyari.
"I... I'm sorry," narinig nilang wika ni Alexa. "H-hindi ko alam na nagtatrabaho pala kayo."
Tuluyan nang tumayo si Jemimah at hinila palayo ang kaibigan. "Mag-isa ka lang ba dito?" tanong niya.
Tumango si Alexa. "Naisipan ko lang mag-shopping dahil nasa trabaho naman si Frank." Malungkot itong tumingin sa kanya. "I'm really sorry, Jem. Hindi ko alam na nagtatrabaho pala kayo."
Napahawak siya sa ulo. "Hindi ko alam kung ano'ng nangyari at umalis na lang bigla ang kinakausap namin. Hindi mo ba siya kilala?"
"H-hindi," mabilis na sagot ni Alexa.
Kumunot ang noo ni Jemimah nang makita ang pag-iwas ng tingin ng kaibigan. She was lying. Bakit napapansin niya na madalas nang nagsisinungaling ang kaibigan sa mga taong kakilala nito?
"A-aalis na ako, Jem. Ayoko nang makaabala pa ng malaki," pagkasabi niyon ay lumakad na palayo ang babae.
Pinagmasdan ni Jemimah ang papalayong kaibigan. Napapitlag pa siya nang maramdaman ang pagdantay ng kamay sa kanyang balikat. Nalingunan niya si Mitchel.
"Mag-usap-usap na lang tayo sa headquarters," anito.
Nang makarating sila sa opisina sa loob ng SCIU Headquarters, agad nang nagsimula sa pagrereport ng mga napansin nito si Mitchel.
"Hindi nagsisinungaling si Ramon Maranan sa mga sinabi niya sa atin maliban sa kasiguruhang mayroon pa siyang mga itinatago. He's scared and crazy. Na-obserbahan ko rin na naguguluhan siya, iyon ang dahilan kung bakit hindi niya masabi kung kilala niya o hindi ang sinasabing gustong pumatay sa kanya." Bumuntong-hininga si Mitchel. "Only one thing is certain, he's hiding something from us. Isang bagay na hindi niya magawang sabihin kahit na nakasalalay pa ang kanyang buhay."
"Nalaman din natin na may koneksyon nga ang lahat ng biktima," wika naman ni Paul. "Kung sakaling may ginawa nga ang mga magkakaibigang iyon para habulin sila ng killer na hinahanap natin, this makes everything a revenge story."
"Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit biglang umalis si Maranan nang makita ang kaibigan mo, Jemimah," sabi pa ni Mitchel, nakakunot ang noo. "Natanong mo ba kung kilala ni Alexa si Ramon?"
"H-hindi niya raw kilala," sagot niya.
"At naniwala ka sa kanya?" tanong pa ni Mitchel.
Umiling si Jemimah. "H-hindi ko alam kung bakit nagsisinungaling si Alexa. Pero sigurado ako na may dahilan siya."
"Ano'ng dahilan?" pagpapatuloy ni Mitchel. "Nakita ko sa mga mata ng kaibigan mo na nagulat siya nang makita si Ramon. Kilala niya ito. At hindi simpleng takot ang nakita ko sa mukha ni Maranan kanina. Ano ang dahilan ng kaibigan mo para magsinungaling sa'yo? Mayroon ba siyang itinatago?"
Hindi makapaniwalang napatingin si Jemimah sa lalaki. "Pinaghihinalaan mo ba si Alexa? Hindi ba halos lahat naman ay kinatatakutan ni Maranan?"
"Ramon knew Alexa, and vice versa. Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita natin ang kaibigan mo sa isang lugar kung saan may iniinteroga tayo na related sa imbestigasyon."
"Alright." Tumango-tango si Jemimah. "Pero hindi sapat 'yon para paghinalaan natin siya nang walang ebidensya." Hindi niya magawang isipin na magiging suspect sa imbestigasyon nila ang kaibigang si Alexa. She knew her friend well. Or maybe not. Hindi niya alam. Hindi niya gustong isipin na baka tama ang mga hinala ni Mitchel.
"Hindi dahil kaibigan mo siya ay kailangan na nating hayaan ang mga suspicious things na ginagawa niya, na mga sinasabi niya," ani Mitchel. "Nabanggit mo ba sa kanya minsan ang tungkol sa imbestigasyon natin?"
Natigilan si Jemimah. Naalala niya noong minsang magkausap sila ng kaibigan at nagulat pa nang mapag-alaman na alam ni Alexa ang patungkol sa serial killer na hinahanap nila. Nagdahilan ito na nalaman sa journalist na si Jayden Sullivan pero hindi na siya sigurado ngayon kung totoo ba iyon.
"Hindi pa rin magiging ganoon kadali na i-conclude na isang babae ang gumawa nito," singit naman ni Paul.
"There is a huge possibility na babae ang gumawa nito," mariing wika ni Mitchel.
"Katulad ng sinabi ko noon, hindi porke't mga lalaki ang biktima ay babae na ang gumawa," wika naman ni Ethan.
Napahawak na sa ulo si Mitchel. "Hindi ko sinasabi na si Alexa nga ang killer natin," anito. "It's just that... she's doing something that makes her even more suspicious." Tumingin sa kanya ang binata. "A serial killer uses fake empathy to deceive us. Madalas ay nagtatago lamang sila sa mga inosenteng mukha at nakikihalubilo sa mga tao. Madalas ay malapit sila sa mga taong alam nilang pipiliting tanggalin ang mga maskara nila. Kahit na gaano pa siya kalapit sa'yo, mayroon at mayroon pa rin siyang itinatago."
Ikinuyom ni Jemimah ang mga kamay. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil tama naman ang mga sinabi ni Mitchel. Hindi niya dapat iinvolve ang sariling damdamin sa imbestigasyong ito, iyon ang pinakamahalagang itinuro sa kanila sa police force.
"Then let's put her in our list," wika ni Ethan mayamaya. "Kung wala siyang itinatago ay papayag siya na ma-interrogate."
Nanatili na lamang tahimik si Jemimah, hindi nag-aangat ng ulo. Ipinagdarasal na sana ay may ibang rason ang kaibigang si Alexa kung bakit ito umaakto ng ganoon. Ipinagdarasal na sana ay hindi ito ang kriminal na hinahanap nila.

A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Where stories live. Discover now