Chapter 23

3.2K 114 9
                                    

Chapter 23
Jemimah Remington
NAG-IINAT na bumangon si Jemimah at iginala ang paningin sa loob ng silid ni Ethan. Wala na doon ang lalaki pero naririnig niya ang lagaslas ng tubig mula sa loob ng banyo. Medyo maliwanag na rin sa labas mula sa glass wall ng silid.
Tumayo na siya at lumabas para maghanda ng umagahan. Dahil kabibili lang nila ng groceries ay naisipang magluto ni Jemimah ng isa sa mga espesyal na putaheng itinuro ng kanyang Mama Roslyn.
Masyado siyang naging abala sa pagluluto kaya hindi napansin na nagmamasid na pala mula sa bukana ng kusina si Ethan.
Napahawak si Jemimah sa tapat ng puso. “You scared me. Hindi ko man lang naramdaman na nandiyan ka na pala.” Well, ano pa bang aasahan niya? Dating commander ng Special Forces ang binata. He was used on moving without being detected.
“Bakit nag-abala ka pang magluto?” tanong ni Ethan.
“You need some homemade foods too. Hindi puwedeng palaging instant o pa-deliver na lang.”
Hindi naman na sumagot si Ethan, nakasunod lang ang tingin sa kanya.
Tumikhim si Jemimah, nag-isip ng maaaring pag-usapan para maalis ang pagkailang na nararamdaman. “Napansin ko nga pala na wala kang dining table dito,” tanong niya.
“Mag-isa lang ako rito kaya hindi na kailangan,” sagot ni Ethan.
Pumihit siya paharap sa binata. “Mayro'n ka nang makakasama ngayon... kami... your team.” Ngumiti si Jemimah. “Let’s buy some of your things here kapag tapos na tayo sa mga gagawin ngayong araw.”
Nakatitig lamang sa kanya ang lalaki sa loob ng ilang sandali bago ito nagkibit-balikat at sumandal sa dingding, humalukipkip.
Napailing na lang si Jemimah. Inabala niya na muli ang sarili sa pagluluto. Paminsan-minsan ay sumusulyap siya sa kinatatayuan ni Ethan. Hindi siya sanay na may nakatitig sa mga ginagawa pero hindi naman mapagbawalan ang binata.
“N-nasaan ang mga kaibigan mo noon?” naisipan niyang itanong. “Hindi ka man lang ba nila binibisita?”
“Huli ko silang nakita no'ng ilibing ang pamilya ko. Katulad nga ng sinabi ko noon, mas pinili ko ang mapag-isa. Si Antonio lang ang nagpumilit na dalawin ako kahit ilang beses kong ipinagtabuyan.”
Napangiti si Jemimah. “Mukhang napakabuting tao talaga ni Director Morales, pareho sila ng anak niyang si Paul. Napakadali nilang lapitan.”
“Gusto mo ba si Paul?” tanong pa ni Ethan na nakapagpagulat sa kanya.
“Kaibigan ang turing ko sa kanya,” aniya, napatawa na. “Sinabi ko nga sa'yo, 'di ba? Gusto ko kayong makasundong lahat. Gusto kong magkasundo-sundo tayo sa team na ito.”
Hindi na naman nagsalita ang binata kaya sandaling tinitigan ni Jemimah. Gusto niya rin na magkasundo sina Ethan at Paul, na maayos ng mga ito ang kung anumang hindi pagkakaunawaan. Pero hindi naman tama na mamilit siya. Naniniwala siya na darating ang araw na makakasundo rin ni Ethan ang bawat miyembro ng team nila. Kailangan lang nito makita na may mga taong nakahandang dumamay at makinig dito.
“Uuwi na muna ako mamaya para makapagpalit ng damit,” wika ni Jemimah. “Pagkatapos dederetso na ako sa HQ, doon na lang tayo magkita-kita.” Natigilan siya nang maalala na papunta nga pala sila ngayon sa bahay ng kaibigang si Alexa sa Calumpit, Bulacan para tanungin ng ilang mga bagay patungkol sa kanilang imbestigasyon.
Napatingin siya kay Ethan nang lumapit ito sa kanya. Ilang sandali siyang pinakatitigan ng lalaki. “It’s not going to be an official investigation,” anito. “Tatanungin lang natin ang kaibigan mo para malaman kung dapat nga ba siyang pagsuspetsahan.”
Napalabi si Jemimah. Hindi niya alam kung paano nalaman ng binata ang iniisip. Napakadali niya ba talagang basahin? “H-hindi pa rin ako naniniwala na magagawa ni Alexa ang lahat ng ito. Though, naiintindihan ko naman si Mitchel. Alam kong gusto niya lamang makasigurado.”
Tumango-tango si Ethan. “Hindi ko masasabing hindi ko pinagsususpetsahan si Alexa, may punto rin naman si Mitchel. Lahat ng tao may maskara. Lahat ng tao may itinatago.”
Alam iyon ni Jemimah. Kahit alam na posibleng magalit si Alexa sa gagawin nila, kailangan niyang maging propesyonal.
NAPANGITI si Jemimah nang makitang kasabay ni Ethan na pumunta sa headquarters ng SCIU si Theia. Lahat sila ay sumakay sa kanyang Fortuner para magpunta sa Calumpit, Bulacan. Doon nakatira ang kaibigang si Alexa. Si Paul na ang umakong magmaneho habang nakaupo siya sa passenger’s seat at nakikinig sa usapang nagaganap sa likod.
“Theia, hindi ka pa rin tumatawag sa akin hanggang ngayon,” wika ni Mitchel.
“At bakit ko naman gagawin 'yon?” mataray na tanong ni Theia.
“Pero mabuti na lang sumama ka ngayon,” ani Mitchel na tila ba hindi naapektuhan man lang ng pagtataray ni Theia. “Gusto mo bang sumama sa akin sa cinema mamaya pagkatapos ng trabaho?”
“Ano'ng gagawin ko sa sinehan kasama mo?” patuloy na pagtataray ng babae.
“Baka magbibilang ng silya,” pambabara pa ni Mitchel.
Napatawa na si Jemimah nang makita mula sa rearview mirror na binatukan ni Theia ang lalaki. Ibinaling niya ang tingin kay Ethan na nakapikit lamang, para bang walang pakialam sa ingay na nangyayari sa loob ng sasakyan. She sighed. Kailan kaya matututong makihalubilo sa lokohan ang lalaking ito?
Nangingiti siyang napailing. It would be a miracle if that happened.
“Mukhang ang saya-saya mo ngayon, ah?” narinig niyang tanong ni Paul.
Napatingin si Jemimah sa lalaki. “I’m trying to be happy. Para matakluban ang kabang nararamdaman ko. Ito ang unang pagkakataon na magi-interrogate ako ng taong mahalaga sa akin.”
“Huwag kang mag-alala, walang magiging problema kung walang itinatago ang kaibigan mo,” ani Paul. “And you don’t need to question her if its hard. Nandito naman kami. Kami na ang bahala.”
Tumango na lamang si Jemimah at mas piniling ituon ang paningin sa labas ng bintana. Hinihiling niya na sana maintindihan ni Alexa na ginagawa lamang ito dahil sa trabaho.
Ilang oras din ang biniyahe nila hanggang sa makarating sa malaking bahay ng mga Rodriguez sa Calumpit. Isang katulong ang nagbukas ng front door. Pagkapasok sa loob, sandaling iginala ni Jemimah ang paningin sa napakagandang bahay. Ilang taon na rin mula ng huli siyang makatungtong dito. Madalas kasi ay si Alexa ang bumibisita sa kanya.
The living was made of glass wall, allowing the wonderful green scenery outside to seep in. Napakaganda rin ng European-style interior na ginamit sa buong bahay. Maging ang bawat furniture ay halatang hindi basta-basta ang halaga.
Naupo sila sa isang dark-gray leather couch at sabay-sabay pang napatingin sa lalaking lumakad palapit sa kanila. Agad na nakilala ni Jemimah ang adopted brother ni Alexa na si Frank Rodriguez at ngayon nga ay nobyo na rin nito. Nakasuot lamang ang binata ng white button-down shirt at denim pants.
“Officers,” bati sa kanila ni Frank. “Napabisita kayo.”
Tumayo si Jemimah at kinamayan si Frank bilang pagbati. “Gusto sana naming makausap si Alexa. Nandito ba siya?”
Kumunot ang noo ni Frank. “May ginawa ba siya?” nagtatakang tanong nito.
“W-wala naman,” tugon niya. “May ilan lang kaming katanungan.”
Tumango-tango naman ang lalaki bago sandaling tiningnan ang kanyang mga kasamahan. Ngumiti ito. “Tatawagin ko lang siya.”
Sinundan niya ng tingin ang binata hanggang sa makalayo ito. Bumalik siya sa pagkakaupo sa couch bago pinagsiklop ang mga kamay.
“Hayaan mo na lang kaming magtanong sa kanya, Jem,” narinig niyang wika ni Paul na nasa tabi.
Tumango si Jemimah.
Hindi nagtagal ang kanilang paghihintay at nakita ang paglapit ng kaibigang si Alexa, nasa mukha pa ang kasiyahan pagkakita sa kanya.
“Jem,” bati sa kanya ni Alexa. “Napabisita kayo.” Sumulyap ito sa mga kasamahan niya. “May problema ba?” Naupo ang kaibigan sa katapat niyang couch, tumabi lang naman dito si Frank.
Humugot muna ng malalim na hininga si Jemimah at akmang ibubuka ang bibig nang maunahan siya ni Ethan.
“Nandito kami para tanungin ka ng ilang mga bagay na related sa kasong iniimbestigahan namin ngayon,” anang lalaki. “Huwag mo sanang masamain na nagpunta kami dito dahil doon. We’re just doing our job.”
Bumahid ang pagtataka sa mukha ni Alexa, ganoon din sa mukha ni Frank.
“You seem suspicious to us,” ani naman ni Mitchel sa seryosong tinig. “Dalawang beses ka na naming nakita sa lugar kung saan may kinakausap kami patungkol sa imbestigasyong ito.”
Hindi makapaniwalang napatingin si Alexa sa kanya. “A-ano'ng ibig sabihin nito, Jem?” tanong nito.
“M-may ilang katanungan lang kami, Alexa,” sagot niya, pinipilit maging propesyonal. She was Inspector Jemimah at this moment, not a friend. “Kailangan mo lang sagutin para maalis na ang pagdududa namin sa'yo.”
Bumuntong-hininga si Alexa pero kakikitaan ng pagkainis ang mukha. “Dahil ba kay Ramon Maranan?” tanong nito. “Sinabi niyang kilala niya 'ko?”
“Hindi,” sagot ni Mitchel. “Pero ngayon alam na namin. Ano'ng relasyon mo kay Ramon Maranan?”
Iniyuko ni Alexa ang ulo. “H-hindi ko siya ganoon kakilala,” anito. “Madalas siyang nagpupunta dito noong buhay pa si Daddy. Hindi ko alam kung kaibigan ba siya ni daddy o ano. They were always talking in Dad’s home office here. At paglabas ni Maranan, may dala na siyang pera. Paulit-ulit lang na nangyayari 'yon.”
“Alam mo ba kung bakit?” tanong pa ni Mitchel.
“Hindi ko alam,” sagot ni Alexa. “Hindi nagsasabi sa amin si daddy ng tungkol sa business niya o personal affairs.”
“Si Charlene Escartin, ano'ng relasyon mo sa kanya?” tanong naman ni Ethan.
Napaangat ng tingin si Alexa, may bahid na ng pagkagulat ang mga mata.
Tumingin si Frank sa babae. “Charlene,” usal nito. “Hindi ba siya ang babaeng naghahanap sa'yo n'ong isang araw?”
Kitang-kita na ang pagkabalisa sa mukha ni Alexa. Tumingin ito kay Jemimah na tila ba nanghihingi ng tulong.
“Alexa,” mahinahong banggit ni Jemimah sa pangalan ng kaibigan. “You need to answer it. And please... please tell us the truth. Hindi ito matatapos kung patuloy ka lang magsisinungaling. Wala kang dapat itago kung wala kang ginawang mali, 'di ba?”
Kinagat ni Alexa ang pang-ibabang labi para pigilan ang mga luhang nagbabanta sa mga mata. “I... I had a... relationship with her,” sagot nito, pumiyok pa.
Lahat sila ay siguradong kakikitaan ng matinding pagkagulat, kasama na si Frank na nasa tabi ng kaibigan.
Tumingin si Alexa kay Frank, tumulo na ang mga luha. “H-hindi naman nagtagal ang relasyon na 'yon. I-it’s just that... I was so lonely. Si... si Charlene ang madalas kong nakakasama noon, iniimbitahan niya ako sa bar na pinagtatrabahuhan niya. She was so kind and she cares for me. She understands me. Kaya... kaya nadala kaagad ako at pumayag na makipag-relasyon sa kanya kahit alam kong mali.” Inabot nito ang kamay ni Frank. “I-I promise... we never got intimate, Frank. Hindi ako pumayag.”
Hindi pa rin mapaniwalaan ni Jemimah ang narinig. Her friend, Alexa, had a relationship with a woman? Tunay nga na kahit matagal na silang magkaibigan, hindi pa rin niya lubos na kilala ang babae. At tama rin ang obserbasyon ni Mitchel noon na mabilis mahulog si Alexa sa mga taong nagpapakita ng concern para dito.
Ibinaling niya ang tingin kay Frank, hindi napalampas ang pag-igting ng mga bagang nito. He must have been hurt and shocked. Of course, he was a man and he had an ego. Pero nagulat si Jemimah nang agad na sumilay ang isang ngiti sa mga labi ng lalaki.
Inabot nito ang pisngi ni Alexa para masuyong punasan ang mga luha doon. Gentleness was in Frank’s eyes as he looked at Alexa. Para bang hindi nito nais makitang nasasaktan ang babae. At hindi napigilan ni Jemimah ang makaramdam ng kasiyahan sa nakikita. Frank was clearly in love with her friend that he was willing to be blind on her mistakes.
Hinawakan ni Alexa ang kamay ng lalaki na nasa pisngi nito. “I... I broke up with her when you came back,” pagpapatuloy nito, nakatitig lamang kay Frank. “Dahil nalaman ko na nadala lang talaga ako ng kalungkutan kaya... kaya pumayag akong makipag-relasyon kay Charlene.” Tumingin sa kanila ang babae. “Nang makita niyo ako sa bar na pinagtatrabahuhan ni Charlene, nakipag-usap ako sa kanya na huwag nang magpakita sa akin. Dahil... dahil hindi ko gustong malaman ni Frank ang tungkol sa naging relasyon namin.” Napayuko ito. “Pero ngayon alam niya na.”
Ibinaba ni Frank ang isang kamay sa kamay ni Alexa para hawakan iyon ng mahigpit. Nagtitigan lamang ang dalawa sa loob ng ilang sandali.
“I... I’m sorry, Frank,” mahinang usal ni Alexa. “Dahil hindi ko agad sinabi sa'yo. N-natatakot kasi ako na... na mandiri ka sa akin.”
Ikinulong ni Frank ang mukha ni Alexa sa dalawang kamay bago hinalikan ng mariin sa mga labi, hindi alintana kahit na naroroon sila.
Iniiwas ni Jemimah ang tingin sa mga ito para lamang masalubong ang mga mata ni Ethan. Biglaan ang pagtalon ng kanyang puso at iniyuko na lamang ang ulo. Nakakaramdam na rin siya ng kakaibang pag-iinit sa katawan dahil lamang sa tingin ng lalaking iyon.
“Sinabi mo kanina na madalas mong nakakasama si Charlene Escartin,” narinig nilang wika ni Mitchel mayamaya. “Paano mo siya nakilala? Matagal na ba kayong magkakilala?”
Tumingin sa kanila si Alexa bago tumango. “Magkaibigan ang mga ama namin. Minsang nagpupunta dito noon ang papa ni Charlene, kasama ang iba pang kaibigan ni daddy.”
Kumunot ang noo ni Jemimah. May koneksiyon ang mga biktima nila sa ama ni Alexa? Was this a new lead for them?
“Hanggang diyan na lang ang masasabi ko,” wika ni Alexa, pinupunasan ang mga luha sa pisngi.
“Kailangan nang magpahinga ni Alexa,” singit naman ni Frank. “Kung gusto n'yo pa siyang tanungin na parang suspect sa imbestigasyon n'yo, kailangan n'yo munang humanap ng ebidensya at mag-issue ng warrant. Iyon naman ang tama, hindi ba?”
Tiningnan ni Jemimah ang mga kasamahan. Natigil ang tingin niya kay Mitchel na nakatitig lamang kina Alexa at Frank. Hindi niya na iyon napagtuunan ng pansin nang makita ang pagtayo ni Ethan, nauna ng lumabas. Sumunod na rin naman ang iba.
“Jemimah,” tawag sa kanya ni Paul.
Sumulyap siya sa binata. “Hintayin niyo na lang ako sa sasakyan,” sabi niya.
Tumango lang naman si Paul at tuluyan nang lumabas.
Ibinalik ni Jemimah ang tingin kina Alexa. “P-puwede ba kitang makausap, Alexa?” nag-aalangang tanong niya.
Tumingin sa kanya si Alexa at tumango. Si Frank naman ay minabuting magpaalam sandali para iwanan sila. Lumipat siya ng upo sa couch na kinauupuan ng kaibigan.
“Alexa,” panimula niya. “I’m really sorry for all this.”
Pinilit ni Alexa na ngumiti. “Naiintindihan ko naman, Jem. Trabaho mo 'to.” Umiling-iling ito. “Hindi talaga ako marunong magsinungaling, ano?”
Inabot ni Jemimah ang kamay ng kaibigan. “Alam mong hindi pa dito natatapos ang lahat. You can still be suspected. Kaya huwag ka nang magsisinungaling sa susunod, ha? Kaibigan mo ako, puwede mong sabihin sa akin ang kahit ano.”
Lumabi si Alexa at tumango-tango. “Hindi mo naman iniisip na ako ang kriminal na hinahanap n'yo, 'di ba?” May kalungkutang sumilay sa mga mata ng kaibigan.
Umiling siya. “Naniniwala ako sa'yo,” tugon niya. Kahit hindi ganoon kakilala ang kaibigan, mas malakas pa rin ang paniniwala na hindi magagawa ni Alexa ang pumatay ng tao.
Ngumiti naman na ang kaibigan. “Honestly, I’m thankful dahil nagpunta kayo rito. Gumaan na ang pakiramdam ko dahil nalaman na ni Frank ang itinatago ko. At sobrang saya ko dahil natanggap niya pa rin ako sa kabila niyon.”
“He loves you,” ani Jemimah.
Kitang-kita ang kislap sa mga mata ni Alexa. Halatang mahal na mahal din si Frank.
“May... may gusto lang akong itanong, Alexa,” wika niya makalipas ang ilang sandali.
Tumingin sa kanya ang kaibigan, hinintay siyang magpatuloy.
“A-ano'ng nangyari sa Daddy mo? Paano siya namatay?” Ang alam lang ni Jemimah ay ilang taon na mula nang mapatay ang ama ng kaibigan. Hindi lang naikuwento ni Alexa ang buong detalye niyon.
“It was robbery and murder,” malungkot na sagot ng kaibigan. “Iyon ang sinabi ng mga pulis na nag-imbestiga. Pinuwersang buksan ang safe na nasa home office ni Daddy noon. Hindi namin alam ni Mommy kung ano'ng nakalagay sa safe. Like I told you, hindi nagsasabi sa amin si daddy ng tungkol sa personal affairs niya. He had his own secrets back then. Nakita na lang namin siyang patay sa home office na 'yon.”
Tumango-tango lang naman si Jemimah. Mukhang kailangan niyang halungkatin ang tungkol sa kaso ng pagkamatay ng ama ni Alexa. Nararamdaman niya na may koneksyon ang kasong iyon sa iniimbestigahan nila.
“Bakit?” narinig pa niyang tanong ng kaibigan. “Kasama na rin ba 'yon sa iimbestigahan n'yo?”
Ngumiti siya. “Hindi naman.” Kahit gustong sabihin sa kaibigan ay hindi naman puwede. Kailangan muna nilang mag-imbestiga nang sila lamang.
Tumango naman si Alexa. “Sana maresolba n'yo na ang lahat, Jem,” anito.
Ngiti lang ang itinugon ni Jemimah at minabuting magpaalam na. Inihatid siya ng kaibigan hanggang sa labas. Napatigil siya sa paghakbang nang makitang nakatayo sa gilid ng sasakyan si Mitchel habang nakatingin sa bahay ng mga Rodriguez. Lahat ng mga kasamahan nila ay nakasakay na sa loob.
“May problema ba, Mitchel?” tanong ni Jemimah. Kanina niya pa napapansin na tila seryoso ang binata.
Humugot ng malalim na hininga ang lalaki bago inilipat ang tingin sa kanya. “Monsters,” Mitchel uttered. “Aren’t they fascinating?”
Kumunot ang noo ni Jemimah, hindi magawang maintindihan ang sinabi ng lalaki.
“Can a monster stop being a monster?” patuloy na pagtatanong ni Mitchel. “For what reason? Love?”
Napatitig si Jemimah sa lalaki. Seryosong-seryoso ang mukha nito. “Maybe,” bulong niya. “Love can change anything.”
“Love can also destroy someone,” ani Mitchel, ngumiti. “Fascinated ako sa mga serial killers, sa mga monsters na katulad nila. I’ve been doing some research for a very long time. Gusto kong matutunan kung paano sila mag-isip, paano sila kumilos. Pero alam mo ba kung ano ang pagkakapareho ng mga monsters na iyon?” Ilang sandaling huminto ang binata bago nagpatuloy. “Lahat sila may dinadalang matinding sakit sa puso. Totoo ngang walang ipinapanganak na monsters sa mundong ito. Totoo rin na hindi lang 'yon gawa-gawa para ipanakot sa mga bata. Every monster in this world were made to become one. Hanggang nasa puso pa rin nila ang sakit na kanilang pinagdaanan noon, ang sakit na pilit nilang itinatago... they will never escape the monster inside them.”
Lumapit siya sa binata at inabot ang isang kamay nito para hawakan ng mahigpit. She gave him a smile. “But love can still heal all wounds. Hindi man agad-agad pero sigurado 'yon. Kailangan lang nilang makahanap ng taong makakapagkaloob sa kanila, makakapagparamdam sa kanila ng tunay na pagmamahal.”
Ngumisi naman si Mitchel. “I’m still researching about that. We’ll see.” Kumindat pa ang lalaki bago marahang ginulo ang kanyang buhok.
Nang makapasok na sa loob ng sasakyan si Mitchel ay siya naman ang tumingin sa bahay ng mga Rodriguez. Monsters. Hindi pa rin niya lubos maunawaan ni Jemimah kung bakit biglang nakapagsalita ng ganoon si Mitchel pero nararamdaman niya na dahil iyon sa naging usapan sa loob kanina. Hindi niya gustong madamay si Alexa subalit wala namang magagawa. Her friend was involved in this case somehow. And they should leave no stone unturned in order to catch the killer. Kahit na buksan pa uli nila ang kaso ng pagkamatay ng ama ni Alexa.

A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Onde histórias criam vida. Descubra agora