Chapter 41

2.7K 101 2
                                    

Ethan Maxwell

"GUSTO niya raw po kayong makausap, Detective Ethan," wika ng pulis na nakatokang magbantay kay Frank Rodriguez habang nakakulong ito sa SCIU Headquarters.
Tumango si Ethan bago tumingin sa katabing si Jemimah, nasa likod lamang nila ang iba pang miyembro ng team.
"Sasamahan na kita," wika ni Jemimah.
"Gusto raw po ni Rodriguez na si Detective Ethan lang ang kausapin," ani pa ng pulis.
Nakita ni Ethan ang pagtataka sa mukha ni Jemimah. Akmang tututol sana ang dalaga nang hawakan niya sa balikat.
"It's alright," aniya. "Susubukan kong malaman kung sino ang huling target niya."
"Leave the audio on," pahabol pa ni Jemimah.
Sinundan lamang ni Ethan ang pulis na bantay doon hanggang sa makarating sa pinto ng interrogation room. "Can I have the keys?" tanong pa niya sa pulis.
"D-detective..." Nasa mukha ng lalaki ang pagtutol.
"Ibigay mo sa akin," puno ng awtoridad na utos ni Ethan.
Wala namang nagawa ang pulis kundi ibigay sa kanya ang susi ng interrogation room. Gusto lang makasigurado ni Ethan na walang gagambala sa kanila kung sakaling may importanteng bagay na sasabihin si Frank Rodriguez. Kailangan niyang malaman kung sino ang huling target nito. Kahit isa lang ay mailigtas nila.
Pagkapasok sa loob ng interrogation room, pasimpleng ini-lock ni Ethan ang pinto. Tiningnan niya si Frank na nakaupo lamang sa harap ng desk habang pinaglalaruan ang isang pakete ng sigarilyo.
"Paano ka nakakuha niyan?" tanong ni Ethan nang makaupo sa tapat nito.
Ngumisi si Frank. "Humingi ako sa bantay. Hindi naman bawal ito, 'di ba? Upcoming pa lang ang trial ko."
Pasimple siyang sumulyap sa salaming naroroon, siguradong nakikinig sa kabila ng salamin ang ibang kasama sa team. "Bakit gusto mo akong makausap?"
"I don't really smoke, do you know that?" Inilabas ni Frank sa pakete ang lahat ng sigarilyo para kunin ang foil na nasa loob. "May ballpen ka ba?"
Hindi tumugon si Ethan. Ano'ng klaseng laro ba ang nais gawin ng lalaking ito?
Sumulyap sa kanya si Frank. "Gusto n'yong malaman kung sino ang huling target ko, 'di ba?" tanong nito. "May gusto lang akong isulat para kay Alexa. Gusto kong ibigay mo sa kanya."
"Bakit hindi ikaw ang magbigay?" tanong ni Ethan sa seryosong tinig. "Puwede namin siyang papuntahin dito para makausap mo."
Biglang tumigas ang ekspresyon ni Frank. "Alam kong hindi niya na ako gustong makaharap ngayon," malamig na wika nito, may lungkot sa tinig.
Hindi sumagot si Ethan bago inabot ang ballpen na nasa suot na polo, ipinatong sa tapat ni Frank. Hinayaan niya lamang ang lalaki na magsulat sa foil ng cigarette pack na hawak.
Iniabot ni Frank sa kanya ang foil. Binasa ni Ethan ang nakasulat doon at ganoon na lamang ang pagkagulat sa nabasa.
DESTROYER.
TURN OFF THE AUDIO.
Tiningnan ni Ethan ang lalaking nasa harap, nakangisi na ito. Inabot niya ang switch ng audio na nasa ilalim ng mesa para i-off iyon.
"You have five minutes," mariin at puno ng kalamigan na wika ni Ethan. "Ano'ng alam mo sa Destroyer?"
"Alam kong iniimbestigahan mo ang kaso niya," wika ni Frank. "Alam ko ang nangyari sa pamilya mo."
Mahigpit na ikinuyom ni Ethan ang mga kamao. Naririnig na nila ngayon ang mga pagkatok sa pinto ng interrogation room. "Paano mo nalaman? Ano'ng alam mo sa Destroyer?!" Hindi na niya napigilan ang pagtaas ng tinig.
"Iniimbestigahan ko rin siya, Detective," tugon ni Frank. Sumeryoso na ang mukha nito. "Siya ang dahilan kung bakit nagsimula ang paghihirap sa buhay ko."
Kumunot ang noo ni Ethan.
"Siya ang dahilan kung bakit ako naulila," dugtong pa ni Frank. "The 'Destroyer' killed my mother. Ang ina ko ang kauna-unahang biktima ng serial killer na iyon."
Hindi naitago ni Ethan ang pagkagulat. Si Frank Rodriguez ang anak ni Cherie Manalo - ang unang biktima ng Destroyer - na matagal niya nang hinahanap?
"Sinusubukan ko ring hanapin ang Destroyer pero hindi madali," pagpapatuloy ni Frank. "He's a devil and he knows how to hide among the people. Papatayin niya ang kung sinomang gustong sumira sa kanyang mga obra. He thinks he's an artist. He thinks he's doing the right thing."
"Paano mo nalaman ang mga 'yan?" tanong ni Ethan.
"Dahil sa sulat na iniwan niya sa tabi ng bangkay ng aking ina noon," sagot ni Frank. "Ako ang unang nakakita noon sa bangkay ni Inay. Kinuha ko ang sulat bago pa dumating ang mga pulis. Bata pa ako at hindi ko alam ang patakaran ng isang imbestigasyon. Pero alam kong hindi ko na muling makikita si Inay noong mga sandaling iyon... alam kong tuluyan niya na akong iniwan. At iyon lang ang nakatatak sa isipan ko."
"Kung ganoon, bakit hindi ka agad lumapit sa mga awtoridad para ibigay ang ebidensyang itinago mo?" tanong muli niya.
"Para ano?" Ngumisi si Frank. "Walang nagagawa ang awtoridad para sa hustisya. Ako ang gagawa niyon."
"Hindi mo na magagawa ngayon," puno ng kalamigan na wika ni Ethan.
Humugot ng malalim na hininga si Frank, nakatitig lamang sa kanya. "Kaya nga kita kinakausap, hindi ba? Dahil siguradong hindi ka tatanggi na tulungan ako sa pagtapos sa kasamaan ng Destroyer na iyon."
Nag-igting ang mga bagang ni Ethan. "You want me to become a monster... like you?" Kahit nais niyang patayin sa sariling mga kamay ang taong pumatay sa kanyang pamilya, hindi naman nais ni Ethan na maging katulad ni Alexa si Jemimah. Maiiwang mag-isa, umiiyak, nasasaktan kapag siya ay nakulong na katulad ni Frank Rodriguez.
"Monsters..." mahinang usal ni Frank. Sumulyap ito sa pinto kung saan naririnig pa rin ang pagkatok mula doon. "Monsters sleep in our head, Maxwell. Hindi natin alam hanggang sa magising iyon. May posibilidad na maging katulad din kita... kapag nakaharap mo na ang taong nagbigay ng sobrang sakit at paghihirap sa buhay mo."
Nanatiling tahimik si Ethan. Oo, hindi niya alam kung ano ang maaaring magawa kapag nakaharap na ang Destroyer. Pero hanggang sa abot ng makakaya, pipigilan niya ang sarili na maging katulad ng lalaking nasa harap. Para kay Jemimah - sa isang taong muling nakapagbibigay ng liwanag sa kanyang buhay.
"Huwag mo hayaang pigilan ka ng kahit ano o kahit na sino na gawin ang mga bagay na magagawa mo," dagdag pa ni Frank. "Kayang-kaya mong pahirapan, pagdusahin ang taong gumawa sa'yo ng kasalanan. You just need to put your mind on it."
"The Destroyer is a monster, he's evil. Hindi ko gustong maging katulad niya. Evil is a choice." Humigpit ang pagkakakuyom niya sa mga kamao. "I won't choose evil and leave someone important in my life to suffer. Katulad ng ginawa mo sa babaeng sinasabi mong mahal mo."
Iniiwas ni Frank ang tingin. "Evil can turn good people into monsters. Iyon ang totoo. I tried to be a good person. I tried so hard. Pero ano'ng nangyari sa akin?" Ibinalik nito ang tingin sa kanya, puno na ng kalamigan ang mga mata. "Hindi mo ako masisisi kung bakit ako nagkaganito."
"Gagawin ko ang lahat para mahanap ang Destroyer at mapanagot siya sa mga ginawa niya, maasahan mo ako doon," wika ni Ethan.
Tumango-tango naman si Frank. "May isang secret room sa condominium unit ko. It's camouflage with the wall inside the bedroom. Punitin mo lang ang wallpaper sa kanang parte at makikita mo ang password-sealed door. 242956, iyan ang password. Nandoon lahat ng nahanap ko tungkol sa Destroyer, maging ang sulat na iniwan niya sa tabi ng bangkay ni Inay. Sana makatulong sa imbestigasyon mo kahit papaano."
Tumayo na si Ethan. "At ano'ng kapalit ng lahat ng ito?" tanong pa niya.
Ngumisi si Frank. "Masaya na akong makitang napanagot mo ang taong pumatay sa ina ko. Huwag kang mahihiyang lumapit sa akin kung sakaling kailanganin mo ng tulong."
Hindi na naman tumugon si Ethan bago lumapit sa pinto para buksan iyon. Nilamukos niya ang hawak na papel at pasimpleng itinago sa loob ng bulsa ng pantalon.
"Ethan, what the hell are you doing?!" bungad na sigaw ni Jemimah. "Bakit kailangang patayin mo ang audio?"
Tiningnan niya ang dalaga. Gusto niyang haplusin ang mukha nito para pakalmahin subalit nakatingin sa kanila ang ibang taong naroroon.
"Ano'ng pinagusapan n'yo?" singit na tanong ni Mitchel.
"May gusto lang siyang ipasabi kay Alexa," pagsisinungaling niya.
Kumunot ang noo ni Mitchel, nasa mukha na hindi naniniwala. "Sinabi niya ba kung sino ang huling target niya?"
Umiling siya. "May kailangan pa akong puntahan, kayo na muna ang bahala dito." Akmang lalakad na siya palayo nang marinig ang pagsasalita ni Paul.
"Hindi tamang nakikipagusap ka sa isang suspect ng palihim, Maxwell," mariing wika nito.
Tiningnan ni Ethan si Paul. "This has got nothing in our investigation, Morales. Kung gusto mong makakuha ng impormasyon, bakit hindi mo rin siya kausapin?" Iyon lang at tumuloy na siya sa paglayo matapos muling iabot sa pulis na bantay ang susi ng interrogation room.
Napatigil siya sa paghakbang nang may pumigil sa kanyang braso. Nalingunan ni Ethan si Jemimah, punong-puno ng pag-aalala ang mukha ng babae.
"Hindi mo ba talaga puwedeng sabihin sa akin kung ano ang pinagusapan n'yo, Ethan?" tanong nito. "Saan ka ba pupunta?"
Humugot ng malalim na hininga si Ethan. "Let me handle this alone, Jemimah," mahinahong wika niya. "Walang masamang mangyayari sa akin." Hinaplos niya ang pisngi nito. "Trust me on this, okay?"
Tumango-tango naman si Jemimah. "Come back fast, hmm? And don't get hurt."
Bahagyang nawala ang bigat sa puso ni Ethan dahil sa mga salitang iyon na nagmula sa babae. Tumango siya at nagpaalam na rito. Kailangan niyang harapin ito mag-isa, kailangang alamin kung totoo nga ba ang mga sinabi ni Frank Rodriguez. Hindi maaaring maunahan siya ng iba, lalo na ng mismong Destroyer.
A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)  

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Where stories live. Discover now