Chapter 8

3.4K 113 0
                                    


Warning: I will only post the first book of this saga here on wattpad for the purpose of promoting the whole series. Thank you for understanding!

Chapter 8
Jemimah Remington
PASADO ala-una na ng madaling araw nang makarating sila sa penthouse suite ni Ethan sa Manila. Doon na sila nagpunta dahil marami pang kailangang asikasuhin. Si Mitchel lang ang kasama nila. Si Douglas ay kasama ng mga nagdala ng katawan sa autopsy, maging ng mga ebidensyang nakuha nila sa forensics.
“Pinauuwi ko na rin si Douglas pagkatapos niyang dumaan sa headquarters,” ani Jemimah nang makapasok sila sa loob ng suite. “Siguradong pagod na pagod na rin ang lalaking 'yon.”
Tumango naman si Ethan. Si Mitchel ay dumeretso sa isa sa mga sofa para mahiga doon.
“Pagod na ako,” ungot ni Mitchel. “Puwede bang magpahinga muna ako sandali bago tayo magtrabaho?”
Pinayagan na rin naman ni Jemimah ang lalaki. Kailangan din nila ng pahinga kahit sandali. Sinundan niya ng tingin si Ethan nang lumakad ito patungo sa kusina.
Naupo si Jemimah sa isa pang sofa at marahang minasahe ang noo. Kanina pa siya nakakaramdam ng sakit sa ulo pero hindi na inalintana iyon. Siguro dahil na rin sa nalipasan siya ng gutom.
“Gusto mo bang magkape?”
Napapitlag si Jemimah nang marinig ang boses ni Ethan na hindi namamalayang nakabalik na pala. “No, thank you,” sagot niya. “Oo nga pala, bakit hindi mo ipinasama kay Douglas ang cell phone at GPS device na nakuha natin?”
Umupo si Ethan sa tabi niya at ipinatong sa mesitang nasa harap ang baso ng tubig na hawak-hawak, ganoon din ang isang tableta ng aspirin. “Here, take this para mawala ang sakit ng ulo mo.”
Gulat na napatingin si Jemimah sa binata. Paano nito nalaman na masama ang pakiramdam niya? Inabot niya na lamang ang gamot at ininom iyon. Baka napansin iyon ng lalaki kanina sa sasakyan. Pinigilan niya ang sariling mapangiti. She was touched by his concern.
“May kilala ako na maaaring makatulong sa mga electronic devices na ito,” sagot ni Ethan sa tanong niya kanina. “Mas mapapabilis kung siya na ang gagawa kaysa maghintay tayo ng matagal sa analysis ng laboratory. Sa kanya rin ako hihingi ng tulong tungkol sa mga CCTV’s na posibleng nadaanan ng sasakyan ni Levin. She’s one of the best hackers I’ve known.”
“H-hacker?” Hindi makapaniwalang ulit ni Jemimah. Hihingi sila ng tulong sa isang hacker na hindi nagtatrabaho para sa gobyerno?
“Alam kong hindi papayag si Antonio kapag nalaman niya ang desisyon kong ito,” ani Ethan bago tumingin sa kanya. “Minsan may mga hakbang na hindi na kailangang malaman ng mga taong nasa gobyerno. Hindi lahat ng mga nagtatrabaho doon ay maaari nating pagkatiwalaan.”
Tumango-tango na lamang si Jemimah. Sigurado namang alam ni Ethan ang ginagawa. Napatingin siya sa cell phone na ipinatong kanina sa mesita nang tumunog iyon.
Inabot niya ang aparato at nakitang si Paul ang tumatawag. Nag-excuse siya kay Ethan at bahagyang lumayo para sagutin ang tawag. “Paul.”
“Jem,” bungad sa kanya ng lalaki. “Narinig ko ang nangyari. Pasensiya ka na kung hindi ako nakatulong kanina.”
“It’s alright, Paul. Alam naman namin na may iba ka pang trabaho. Kailangan mo ring intindihin ang mga kliyente mo.”
“Ayos lang ba kayo kanina?” tanong pa ni Paul, nag-aalala ang tono.
“Oo naman,” sagot niya. “Nagpapahinga lang ako sandali dito sa place ni Ethan. Mamaya babalik na naman kami sa pagtatrabaho.”
Ilang sandaling natahimik si Paul sa kabilang linya. “Ikaw lang ba diyan?” tanong pa nito.
“Hindi, kasama ko si Mitchel. Pupunta ka ba dito?”
Napabuntong-hininga ang lalaki. “Hindi ko alam. Pero susubukan kong makahabol sa inyo. Update me kung nasaan kayo, okay?”
“Okay,” iyon lang at nagpaalam na siya dito. Lumingon si Jemimah sa kinauupuan kanina. Wala na doon si Ethan. Muli niyang ipinatong ang cell phone sa mesita.
Naglakad-lakad siya sa loob ng penthouse para alamin kung nasaan si Ethan. Sumilip siya sa isang nakabukas na kuwarto doon at nakitang naroroon ang lalaki. Nakatayo ito sa harap ng isang pahabang mesa, may pinagkakaabalahan.
Marahang kumatok si Jemimah para ipaalam ang kanyang presensiya. Lumingon si Ethan. “Puwede ba akong pumasok?” nag-aalangang tanong niya.
Nagkibit-balikat lang ang lalaki.
Pumasok siya sa loob ng silid at sandaling iginala ang paningin doon. Mukhang kuwarto iyon ni Ethan base na rin sa kama na nasa gilid na bahagi ng kuwarto. Wala masyadong laman ang buong silid maliban sa mga nakakalat na damit sa sahig. May malaking flat-screen TV rin na malapit sa kama, kompleto sa lahat ng Play Station equipment.
Lumapit siya sa kinatatayuan ni Ethan at nakitang pinupunasan nito ang dalawang baril na naroroon. “Ano'ng tatak ng mga baril na 'yan?” tanong niya pa para lang may mapag-usapan.
Itinuro ni Ethan ang baril na nasa kaliwa. “This one is an Akdal Ghost. At ito namang isa ang Beretta 93R. Parehong imported ang dalawang 'yan. Souvenir sa buhay ko sa military.”
Ilang sandaling nakatitig lamang si Jemimah sa mga baril bago napansin ang sugat sa kamay ng lalaki. “You’re hurt,” bulong niya. Inabot niya ang kanang kamay ng binata at pinaglandas ang mga daliri sa sugat na naroroon. Siguradong dahil iyon sa pagbasag nito sa salamin ng sasakyan ng biktima kanina. “Hindi mo dapat binasag 'yon.”
Marahang inalis ni Ethan ang kamay sa pagkakahawak niya. “Simpleng sugat lamang ito.”
“Still, kailangan pa rin nating linisan 'yan,” pamimilit niya pa. “Nasaan ang first-aid kit mo? Sa banyo?”
Nang hindi sumagot ang lalaki ay naglakad na si Jemimah sa isa sa mga pintong nakita sa silid na iyon. The first door was locked. Hindi siguro iyon ang banyo. Lumipat siya sa kabila at nagbukas naman.
Pagkapasok ni Jemimah sa loob ng bathroom ay hindi na naman napigilan ang mapahanga. Even the bathroom here looked so luxurious. And it was clean. It was made of natural materials that promote relaxation. May malaking sunken bathtub din na nasa gitnang parte.
Iginala niya ang paningin sa loob ng banyo at nakita ang isang cabinet na nasa ibabaw ng sink. Binuksan niya iyon para magbaka-sakaling naroroon ang hinahanap na first-aid kit. Bingo. Agad niyang nakita ang pulang kit na katabi ng mga gamot.
Lumabas si Jemimah ng banyo at muling lumapit kay Ethan na abala pa rin sa paglilinis ng mga baril. “Mamaya na 'yan,” sabi niya bago inabot ang kamay ng lalaki at hinila ito patungo sa kama, pinaupo.
Naupo si Jemimah sa sahig at binuksan ang first-aid kit. Maingat niyang nilinis ang sugat sa kamay ni Ethan. Sandali siyang sumulyap sa lalaki para alamin kung nasasaktan ito. Nakatitig lamang ito sa kanya, walang emosyon. Siguro ay sanay na nga talaga ito sa ganitong mga sugat.
Pagkatapos malagyan ng maliit na bandage ang sugat ay muli na siyang tumingin sa lalaki. “It’s done. Sa susunod kailangan mo agad linisin ang isang sugat kahit na hindi ka naman nakakaramdam ng sakit.”
Ilang sandaling nakatitig lamang sa kanya si Ethan bago ito tumayo. “Kung gusto mong magpahinga, puwedeng diyan ka na sa kama ko matulog,” anito. “Iisa lang ang kuwarto rito. Sa sofa na lang din ako magpapahinga.”
Napatingin si Jemimah sa binata. “A-ayos lang ba 'yon sa'yo?” nag-aalangang tanong niya pa. Wala namang problema kung sa sofa na lamang din siya magpahinga.
“Oo,” iyon lang at lumakad na palabas ng silid si Ethan.
Napalabi siya at naupo sa malambot na kama. Napatingin si Jemimah sa isang pinto na hindi niya mabuksan kanina. Ano kaya ang nasa loob ng kuwartong iyon?
Ipinilig niya ang ulo at pinagbawalan ang sariling mag-isip. Dapat niya nang tigilan itong curiosity pagdating kay Ethan Maxwell. Nahiga si Jemimah sa kama para sandaling ipahinga ang katawan.
Ipinikit niya ang mga mata. She could smell Ethan’s scent from the pillow and the covers. And it smelled good. Niyakap niya ang isa sa mga unan na iyon hanggang sa hindi namamalayan na tuluyan nang ginupo ng antok.

A/N: I will be updating this story every Saturday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon