Chapter 15

3.3K 114 1
                                    

Chapter 15
Jemimah Remington
NAGPASALAMAT si Jemimah sa isang katulong nang mailagay nito sa mesitang nasa harapan nila ang mga tasa ng kape. Naroroon sila ngayon ni Ethan sa bahay ni Sally Rosuelo sa Cavite.
“Hindi ko alam kung bakit kayo naririto,” wika ni Sally. “But I don’t mind entertaining visitors.” Ngumiti pa ito, ang tingin ay nakatutok lamang kay Ethan. She slightly flipped her long brown hair.
Pasimpleng sumulyap si Jemimah kay Ethan at nakitang umiinom lamang ito ng kape sa hawak na tasa. Gusto niyang matawa pero pinigilan iyon. The woman was obviously flirting with Ethan. Pero wala namang karea-reaksiyon ang binata. Napaisip tuloy siya kung matagal na bang walang naging girlfriend ang lalaki, matagal na ba itong hindi tumitingin sa opposite sex dahil lamang sa nais na mapag-isa?
Inilipat niya ang tingin sa babaeng nasa katapat na sofa. Sa tingin niya ay nasa  thirties pa lang nito ang babae pero mas bata ang itsura dahil na rin sa mga kolorete sa mukha at sa magandang hubog ng katawan na nakikita sa hapit na mga damit.
Tumikhim si Jemimah bago nagsimula. “Nagpunta kami rito para alamin kung nasaan ka noong araw na namatay si Joey Levin.”
Kumunot ang noo ni Sally. “Nasa trabaho ako nang araw na iyon. Assistant ako ng asawa ni Joey.” Inabot nito ang tasang nasa harap para humigop ng kape. “Hindi ko maintindihan kung bakit pati ako ay kasama sa imbestigasyon na ito.”
“Dahil alam naming may affair kayo ni Joey Levin,” direktang wika ni Ethan.
Akmang ibabalik na ni Sally sa mesita ang tasa ng kape nang marinig iyon kaya bigla nitong nabitiwan ang hawak. Nabuhos ang laman ng tasa sa mesita. “A-affair?” kunwa’y hindi makapaniwalang ulit nito. “A-ano'ng pinag... pinagsasasabi niyo?”
“There’s no use in denying it, Ms. Rosuelo,” ani Jemimah. “Nakita namin ang palitan niyo ng messages ni Levin, sapat ng pruweba iyon. May relasyon kayong dalawa at nakipaghiwalay na siya sa'yo pero hindi mo matanggap. Based on your messages, that’s enough evidence to suspect you.”
Bumahid na ang matinding pagkabalisa sa mukha ni Sally. Marahas nitong ini-iling ang ulo. “N-nagkakamali kayo. H-hindi ko magagawang patayin si Joey.” Tumulo na ang mga luha nito. “Oo... oo, nagalit ako noong sabihin niyang tapos na ang relasyon namin pero... pero hindi ko siya magagawang patayin dahil lamang doon.”
“Nakita namin ang isang message sa phone ng biktima na pinapupunta mo siya sa hotel na tagpuan niyo noong araw na mamatay siya,” pagpapatuloy ni Jemimah.
“W-what?” naguguluhang tanong ni Sally. “H-hindi niya sinagot ang messages ko simula noong makipaghiwalay siya sa akin. At... at ilang araw na mula nang manakaw ang cell phone ko.”
“Paano nanakaw ang cell phone mo? Saang lugar?” tanong naman ni Ethan.
“Someone broke into this house. Nalaman ko na lang nang makitang nasira ang lock ng front door.” Bumuntong-hininga si Sally. “Hindi naman daw alam ng mga katulong. Ang kinuha lang ng magnanakaw na iyon ay ang laptop ko at phone. Hindi ko alam kung... kung iyon ba ang pumatay kay Joey. At hindi ko rin alam kung paano niya nalaman ang bahay ko o ang relasyon namin ni Joey.”
“Sinusundan ka siguro niya,” ani Jemimah. “Wala ka bang napapansing kakaiba nitong nakaraang mga araw o linggo?”
Ilang sandaling tila nag-isip sila bago umiling. “Nothing unusual. Wala rin namang lumalapit sa akin na kahit sino.”
Tumango-tango naman siya bago bumaling kay Ethan. Tumayo na ang lalaki kaya tumayo na rin si Jemimah. “Salamat ng marami sa cooperation,” aniya.
“Inspector,” pigil ni Sally sa kanila. “P-puwede bang... h-huwag n'yo nang ipagsabi ang... ang tungkol sa relasyon namin ni Joey noon? H-hindi ko gustong masira ang pangalan niya.”
Tumingin si Jemimah kay Ethan. Wala namang sinabi ang lalaki kaya tinanguan niya na lamang si Sally. Hindi naman sila nakikialam sa mga ganoong bagay. Ang mahalaga sa kanila ay mahuli ang kriminal na hanggang ngayon ay nagiging mailap pa rin.
“Mukhang hindi naman siya nagsisinungaling,” wika ni Jemimah nang makapasok sila sa loob ng kanyang sasakyan. She started the car’s engine and drove off.
“Wala naman siyang makukuha kahit na magsinungaling siya,” ani Ethan. “Alam na natin ngayon na matinding pagpaplano ang ginawa ng killer na 'yon. Kilalang-kilala niya ang bawat biktima. Alam na alam niya ang bawat pagkilos ng mga ito na para bang napakatagal na panahon niyang sinubaybayan.”
“Hindi ko na alam kung ano'ng susunod na gagawin. Kailangan nating makahanap ng link sa mga biktimang ito pero wala namang makita si Douglas.”
“Imposibleng hindi magkakakilala ang mga biktimang ito,” wika pa ng lalaki. “There must be something. Something that made the killer want to see them dead.”
Ilang sandaling natahimik si Jemimah, nakatuon lamang ang atensyon sa harap. “Mukhang tama nga ang sinabi ni Angelica Levin sa interview niya, hindi nakakapagbigay ng justice ang mga katulad kong nasa awtoridad.”
“Hindi madaling mag-imbestiga ng isang krimen,” wika naman ni Ethan.
“Nakakalungkot lang na hindi natin mabigyan ng sagot ang pamilya ng mga biktima sa mga tanong nila,” bulong ni Jemimah. “Nakakalungkot na baka mayamaya habang nag-uusap tayo rito ay may isinusunod na ang walang pusong kriminal na 'yon.”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Ethan. “Hindi mo kailangang malungkot dahil sa mga taong 'yon. Lahat naman ng tao ay mamamatay.”
Hindi makapaniwalang sinulyapan ni Jemimah ang lalaki. “Ganyan ba ang pag-iisip mo simula pa noong magsimula tayo sa imbestigasyong ito? Wala kang pakialam sa pamilya ng mga biktima? Wala kang pakialam kung... kung sakaling may sumunod na naman?”
Nakatitig lamang si Ethan sa unahan, puno ng kalamigan ang mukha. “Ang mahalaga ay mahuli natin ang kriminal na 'yon, wala nang halaga ang iba.”
Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “You never really cared about people, right? Ginagawa mo lang ito dahil ito ang trabaho mo.”
“Hindi dapat pinaiiral ang awa at kabaitan sa trabahong ito,” sagot ni Ethan. “You don’t know how wicked this world is. Hindi mo alam kung ano'ng ginagawa nila sa mga taong nagpapakita ng kabaitan at awa sa iba. Isang kahinaan lamang 'yan sa buhay na ito.”
Humigpit ang pagkakakuyom ng mga kamay ni Jemimah sa manibela. Pinigilan niya ang sariling mapaluha sa harapan ng lalaki. Mabilis niyang itinabi ang sasakyan sa gilid ng daan. “Hindi kahinaan ang kabaitan ng isang tao, o maging ang pagkaramdam ng awa. I am a strong woman despite that. At hindi ko alam kung matatawag pa nga bang normal ang taong hindi man lang makaramdam ng kahit katiting na awa.”
Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. “Alam kong may nakaraan kang hindi mo magawang sabihin, hindi mo magawang bitawan. Pero sana naman makita mo na hindi ka magiging masaya na mamuhay mag-isa sa mundong ito.” Sumulyap si Jemimah sa lalaki. “Stop being so cold, Ethan. Dahil kahit gaano namin kagustong maging kaibigan ka, napapagod din naman kami. May limitasyon ang lahat.”
Tumingin sa kanya si Ethan, hindi pa rin nawawala ang kalamigan sa asul na mga mata. “Hindi ko hiniling na ituring niyo akong kaibigan.”
Pakiramdam ni Jemimah ay may tumarak na matalas na bagay sa kanyang puso dahil sa sinabi ng lalaki. Tumango-tango siya at iniiwas ang tingin dito. “Right. I’m sorry for that,” pagkasabi niyon ay muli niya nang pinaandar ang sasakyan.
Ethan never cared about the team. He never really did. Iniisip niya lang na posibleng magbago ang lalaki dahil nagkakasama-sama sila. Pero kung titingnan niyang mabuti, hindi naman talaga kakikitaan ng kasiyahan ang binata simula pa noon. He just remained closed in his shell. At hindi na siguro magbabago iyon.
Sa loob ng mahabang biyahe ay hindi na siya umusal ng kahit isang salita, ganoon din naman si Ethan. Pagkarating sa condominium place ng binata, ipinarada lang ni Jemimah ang sasakyan sa labas niyon. Hinintay niyang makababa ang lalaki bago muling pinatakbo ang sasakyan.
Nagpunta siya sa coffee shop na pag-aari ng kaibigang si Alexa para sandaling magpakalma ng nagwawalang kalooban. Laking pasasalamat ni Jemimah dahil naroroon ang kaibigan.
“Jem!” masayang bati sa kanya ni Alexa. Hinila siya nito patungo sa isang table at ito na rin ang nag-order ng kape para sa kanya. “Akala ko hindi ka na dadaan man lang dito. How are you?”
Nagkibit-balikat si Jemimah. “Tired.”
Lumabi ang kaibigan. “Dahil sa iniimbestigahan niyong serial killer?”
Kumunot ang noo niya. “Paano mo nalamang serial killer case ang hawak namin?”
Ngumiti si Alexa. “May kilala akong isang journalist sa Philippine Daily. Nabalitaan ko kasi ang nangyari kay Mayor Joey Levin through his article. Nabanggit niya sa akin na pinaghihinalaang serial killer ang gumawa noon.”
“Sino'ng journalist?” curious na tanong pa ni Jemimah.
“His name is Jayden Sullivan,” sagot ni Alexa. “Madalas siyang nagpupunta rito sa coffee shop. Siguro dahil malapit ito sa SCIU.”
Tumango-tango naman si Jemimah. Naalala niya ang journalist na iyon na humarang sa kanya minsan. Hindi niya maintindihan kung bakit tila sobrang pinagkakainteresan ng Sullivan na iyon ang kasong hawak nila.
“Jayden is really interested in murder stuffs,” pagsagot ng kaibigan sa lihim na tanong niya. “Simula pa noon ay mga articles about murders ang sinusulat niya. Wala pa rin ba kayong suspect sa mga pagpatay na iyon?” tanong pa ni Alexa.
Umiling siya.
“Malapit na ang Pasko, wala ba kayong planong mag-bakasyon?” nag-aalalang tanong pa ng kaibigan.
Pinilit ni Jemimah ang ngumiti. “Hindi rin naman namin ma-eenjoy ang holiday hangga’t hindi nareresolba ang kasong ito. Bibisita na lang siguro ako sa pamilya ko before Christmas. Ikaw ba? Kumusta ka na? You look blooming.”
Gumuhit ang isang magandang ngiti sa mga labi ni Alexa, kumikislap din ang mga mata nito. “I’ve never been so happy all my life, Jem,” bulong nito.
Nagtatakang napatingin si Jemimah sa babae. “May... boyfriend ka ba ngayon?”
Ilang sandaling nag-alangan si Alexa bago ito yumuko. “H-huwag mo sana akong... husgahan, Jem. I just— Hindi ko na lang talaga napigilan ang sarili ko.” Tumingin ito sa kanya. “I... I’m dating him... F-Frank...”
Hindi naitago ni Jemimah ang pagkagulat kahit na minsan nang nasabi sa kanya ni Mitchel ang tungkol sa obserbasyon nito kay Alexa. “Oh...” Iyon lang ang nasambit niya.
“That’s it?” tanong pa ng kaibigan. “H-hindi mo ba ako pagagalitan?”
Ini-iling niya ang ulo. “D-desisyon mo naman 'yan, Alexa. Malaki ka na at sinabi mo nga na masaya ka. H-hindi mo naman siya tunay na kapatid, 'di ba? Kaya... kaya wala namang masama.”
Malawak na napangiti si Alexa. Inabot nito ang isa niyang kamay para hawakan ng mahigpit. “Masaya ako na naiintindihan mo, Jem. I love him so much, really. At ganoon din naman si Frank sa akin.”
Kitang-kita ni Jemimah ang matinding kaligayahan sa mukha ng kaibigan. Tinapik-tapik niya ang kamay nito. “I’m happy for both of you,” wika niya. “Pero... pero legally adopted siya, hindi ba? Sa mata ng batas ay legal kayong magkapatid ni Frank kaya... kaya hindi magiging madali ang lahat. Hindi niyo magagawang makapagpakasal ng—”
“I know that,” putol sa kanya ni Alexa, may bumahid na lungkot sa mga mata. “Pero hindi ko na gustong pakaisipin 'yon.” Pinilit nitong ngumiti. “Magkasama kami ngayon, nagmamahalan. Iyon lang ang mahalaga.”
Hindi naman na sumagot si Jemimah. Hindi niya gustong sirain ang kasiyahan ng kaibigan. Mabuti na lang at naisipan niyang dumaan sa lugar na ito. Unti-unti ay gumagaan naman ang bigat sa kanyang puso dahil sa nakikitang kasiyahan ni Alexa. Para niya na itong kapatid at ang tanging gusto lamang ay maging masaya ang kaibigan, maging ligtas.

A/N: I will be updating this story every Tuesday and Thursday.
Can't wait?
Cold Eyes Saga Books 1-5 are available in all Precious Pages Bookstores & National Book Stores.
Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 3: There Will Be More Blood (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 4: The Hunter And The Hunted (512 pages, Php 179.00)
Cold Eyes Saga 5: Bury The Hatchet (640 pages, Php 219.00)

[Completed] Cold Eyes Saga 1: Behind The Eyes Of A Monster [FILIPINO]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon