Chapter 26

1.9K 60 2
                                    

NAKATULALA lang si Kookie sa hawak niyang baso ng alak. Kanina pa niya iniisip ang mga napag-usapan nila ni Odie kanina sa opisina. Ang sabi nito, puwede naman siyang magpakatanga sa parehong lalaki kung sa tingin niya ay iyon pa rin ang nagpapasaya sa kanya. O kaya ay aminin sa sariling may mahal na siyang iba, at ipaalala sa sarili kung paano ba talaga maging masaya uli.

Tinanong niya ang sarili kung kailan ba siya huling naging totoong masaya. Ang unang pumasok sa isip niya ay si Oreo at ang bubblegum flavored ice cream nito. At tuwing naiisip si Oreo, awtomatikong napapangiti siya.

Kailan ba nagkaroon ng ganito kalaking impluwensiya sa buhay niya si Oreo?

Noon, bago siya umalis, ginusto niyang makasama si Oreo dahil lang malungkot siya. Pero ngayon, mukhang mas malalim na ang dahilan. At ang dahilang iyon ang ugat ng lahat ng takot na nararamdaman niya ngayon.

Bukod sa masama niyang reputasyon, may itinatago pa siyang sekreto mula kay Oreo na tanging ang pamilya lang niya ang nakakaalam. Kapag nalantad iyon, siguradong lalo siyang hindi matatanggap ng pamilya ni Oreo.

At iyon ang totoong kinakatakutan ni Kookie. Mula nang makilala niya si Oreo, ginusto na niyang magustuhan ng mga taong mahahalaga rito. Pero hindi naman ganoon kadaling burahin ang reputasyon at nakaraan niya. She was an unconventional woman. People would either love her or hate her. Hindi puwedeng pareho. And most people chose to hate her.

"Ysabelle."

Nalingunan ni Kookie si Trek. Nagulat siya dahil hindi niya inaasahang makikita ito sa bar na iyon. "Trek. Fancy seeing you here."

Inokupa ni Trek ang stool sa tabi niya. Um-order muna ito ng scotch sa bartender, bago siya binalingan. "I was with my show's TV crew. Paalis na kami nang makita kita, kaya nagpaiwan na 'ko. What are you doing here alone?"

"Nagre-relax lang." Binalingan niya si Trek. "Hindi ka ba hahanapin ng asawa mo dahil nasa labas ka pa nang ganitong oras?"

Nagkibit-balikat ito. "I don't think she cares."

Nahimigan ni Kookie ang pait sa boses nito. Napabuntong-hininga siya. "Hindi pa rin kayo okay ni Hannah?"

"When I confronted her, things just got worse. She's not coming home anymore."

Natahimik siya. Siguro, kung siya pa rin iyong babae ilang linggo na ang nakararaan, sasabihan niya si Trek na makipaghiwalay na kay Hannah. Pero pagkatapos nilang magtalo ni Branon, magkasama ni Oreo, at magkausap ni Odie, pakiramdam niya ay may bagay siyang natutunan na hindi niya madalas gawin noon—ang maging tapat sa damdamin.

"Dapat siguro mag-gym kayo ni Hannah."

Kumunot ang noo ni Trek. "Bakit naman?"

"Malay mo, mag-work out uli kayo," biro ni Kookie.

Binigyan siya ng kakaibang tingin ni Trek, hanggang sa unti-unting umaliwalas ang mukha nang makuha na ang biro niya. At sa huli, natawa ito nang malakas. Sa sobrang lakas niyon ay niyukyok pa nito ang ulo sa bar habang yumuyugyog ang mga balikat kakatawa.

Napangiti si Kookie at sumimsim ng alak niya bago nagsalita. Natutuwa siya sa reaksiyon ni Trek. Gaya pa rin ito noon na madaling mapatawa. "Ang babaw mo pa rin hanggang ngayon."

Natawa lang uli si Trek. Mayamaya pa ay humupa na rin ang pagtawa nito. Dumeretso ng upo si Trek, at seryoso na nang balingan si Kookie. "Kaya mo pa rin akong patawanin hanggang ngayon."

Pakiramdam niya ay may laman ang sinabing iyon ni Trek, kaya nagkibit-balikat na lang siya at hindi na muling nagkomento pa. Hindi na rin nagsalita si Trek, pero nagpatuloy ito sa sunod-sunod na pagtungga ng alak.

Crazy Little Liar Called KookieWhere stories live. Discover now