Chapter 30

2K 56 8
                                    

"PAANO n'yo nalamang dito kami nakatira ni Branon sa building na 'to?" iritadong tanong ni Kookie sa mommy niya.

Naiinis siya dahil sa walang-pasabing pagdating ng kanyang ina. Sa sobrang hiya kay Oreo, pinaalis niya ang boyfriend nang hindi nagpapaliwanag dito. Pagkatapos ay pinuntahan niya sa kuwarto ang mommy niya para komprontahin ito. Ang huling pagkakaalam kasi niya ay nasa Hong Kong ito at nilulustay ang sustento ng ama niya rito.

"Hindi kita ma-contact kaya si Branon ang tinawagan ko. Mabuti pa ang baklang 'yon, hindi nagpapalit ng numero. O kung magpalit man, sinasabihan ako," nakaismid na sagot ng mommy niya, saka siya tinaasan ng isang kilay. "Hindi gaya ng anak ko na hindi man lang ako naalalang sabihan na nakabalik na pala siya sa Pilipinas."

Nagtagis ang mga bagang ni Kookie. Hindi pa rin nito sinasagot ang tanong niya. "Paano mo siya nakumbinsing dalhin ka sa 'kin?"

Bumuga ng hangin ang ina niya. "Nakipagkita ako kay Branon. Nagmakaawa ako sa kanya na sabihin kung saan ka nakatira, at iniyakan ko siya para ihatid niya 'ko sa 'yo."

Kahit gustuhing magalit ni Kookie kay Branon, hindi niya masisi ang kaibigan dahil alam niya kung gaano mag-eskandalo ang mommy niya. Sigurado siyang napilitan lang din si Branon na samahan ang mommy niya sa kanya. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na nangyari iyon. Pero sa loob ng apat na taon, ngayon lang uli nangyari.

"What do you want this time?" naiinis na tanong ni Kookie. Tuwing nagpapakita ito, may masamang nangyayari.

Ang totoo, nalaman lang ni Kookie ang tungkol sa ina niya noong graduation nila ni Trek ng college. Narinig niya ang mommy ni Trek na sinasabihan ang binata na lumayo sa kanya dahil "masamang babae" ang kanyang tunay na ina.

It turned out that Trek already knew about her real mother when they were in high school. Ang binata rin ang pinilit na magtapat sa kanya ng tunay niyang pagkatao. Na kinumpirma ng daddy niya nang komprontahin niya ito.

Na-shock talaga siya nang nalamang anak siya sa ibang babae ng daddy niya. Pero mabilis din niya iyong nakalimutan dahil naging mabuti naman sa kanya ang kinagisnang ina at wala siyang interes sa taong nang-iwan sa kanya noong baby pa siya.

Hanggang isang araw, nang umuwi siyang lasing mula sa isang party, nakita niya ang "bisita" nilang babae na may hawig sa kanya. Dala yata ng kalasingan at kamanhiran kaya hindi na siya nagulat nang ipakilala ito sa kanya ng daddy niya bilang tunay niyang ina.

Ang nagpawala sa kalasingan niya nang mga sandaling iyon ay ang mga unang salitang binitawan ng tunay na ina: "You're just like me."

Hindi natanggap ni Kookie na sinasabi ng isang estrangherang may mababang pagkatao na magkatulad sila. Tinawanan lang niya ang ina noon, pero nang nahimasmasan, nakaramdam siya ng takot... at pagkapahiya.

Wala siyang ideya na sa pinaggagagawang pagwawala dahil sa pagkabigo kay Trek ay nagiging katulad na pala siya ng kanyang tunay na ina. Hindi niya naisip na sa ginagawa niya, nasasaktan na pala niya ang daddy at kuya niya. Na lalo lang pala niyang sinisira ang pangalan ng pamilya nila mula sa mga mata ng mga taong nakakaalam ng madilim nilang sekreto.

Ang mas nakakainis, wala siyang narinig na reklamo mula sa daddy at kuya niya. Nag-aalala pa nga ang dalawa sa kanya. Siya na ang nahiya, kaya naglayas siya. Lumayo siya para maprotektahan ang daddy at kuya niya mula sa kahihiyang idinulot niya sa pamilya.

Ang mas masakit lang, noong nasa Maynila na siya, hindi pa rin siya nilubayan ng mga tsismis tungkol sa kanya lalo na kung ano siya noong nasa kolehiyo siya. At mas naging malala pa iyon. Kaya nga hindi na siya bumalik sa Cebu.

Tumino siya noong apat na taong naging "sila" ni Trek. Pero nang magpakasal ito sa ibang babae, muling nasira ang pangalan niya dahil sa paglabas ng "sex video."

Pero pagkatapos naman ng tatlong taon, nang iwan na niya ang pagmomodelo at nagtayo sila ni Branon ng negosyo, naging tahimik na ang buhay niya. At mas okay na rin siya ngayon dahil nandiyan na si Oreo.

Kaya bakit ngayon pa kailangang bumalik ng tunay niyang ina?

"Gusto lang kitang kumustahin," sabi ng mommy ni Kookie na pumutol sa pagmumuni-muni niya. "I just want to see how you're doing now, pagkatapos kong malamang nagpakasal na pala sa iba si Trek at may anak na ngayon. 'Heard it straight from him."

Napaderetso ng tayo si Kookie. "Nagkakausap kayo ni Trek?"

Ipinaikot ng ina ang mga mata. "Ikaw lang naman ang pumutol sa pakikipag-usap sa 'kin. But yes, your friends stayed in touch with me. Kaya nga nasusubaybayan ko ang buhay mo kahit hindi mo 'ko pinapansin."

Kinagat ni Kookie ang ibabang labi, nagpipigil sumagot. Nababanggit naman ni Branon sa kanya kapag sinasagot nito ang tawag ng ina niya, pero pati ba naman si Trek?

"Sayang si Trek. Akala ko, kayo magkakatuluyan dahil patay na patay ka sa batang 'yon. Saka sa tingin ko, siya ang nababagay sa tulad mo."

Ipinaikot ni Kookie ang mga mata. "Stop it, Mom. Kasal na 'yong tao."

"Ano ngayon? Kontinente nga, naghihiwalay. Mag-asawa pa kaya?"

Pinukol niya ng nagbabantang tingin ang kanyang ina. "May boyfriend na 'ko, Mom. Si Oreo. You saw him earlier."

"Oh, that guy? He looks lame," nayayamot na sagot ng ina niya. "Hindi mo tipo ang mga gano'ng lalaki, anak. Mas gusto mo ang exciting na mga lalaki, at mga exciting na relasyon. Pupusta akong mas magiging masaya ka sa pagiging other woman ni Trek, kaysa ang pagiging girlfriend ng boring ng lalaki na 'yon."

"Mom!"

Ngumiti lang ang kanyang ina. "You're just like me, daughter. Remember that."

Crazy Little Liar Called KookieWhere stories live. Discover now