CHAPTER 4

1.5K 172 11
                                    

Ako si Rodel. At ngayong araw ang araw ng aking kamatayan.

Pagkatapos bumaba ang lahat ng pasahero at makuha ang kinita ko para sa maghapon ay nagpaalam na ako kay Ninong David. Mula sa sakayan ng bangka ay mahaba-haba pa ang aking lalakarin para makarating sa aming bahay kung saan naghihintay sa akin sila Tatay at Nanay, at ang mga nakababata kong kapatid na kambal na sila Charlie at Kevin, at ang bunso namin na si Marco.

Halos takbuhin ko na ang daan. Uwing uwi na ako. Dala dala ko ang isang supot ng pagkain na galing kay Allie. Sa buong panahon na sumasama ako kay Ninong sa byahe at nakakasalamuha ko ang iba't ibang pasahero, ito ang unang pagkakataon na uuwi ako na may bagong kaibigang nakilala.

Hanggang ngayon, humahalimuyak pa rin sa pang-amoy ko ang pabango na nakakapit sa puting t-shirt na ibinigay ni Allie sa akin. Hinubad ko iyon dahil baka malagyan ng pawis. Sayang, ang bango at ang lambot pa naman.

"Rodel, bakit humahangos ka?" tanong ni Nanay pagdating ko sa bahay.

"Mano po, Nay, Tay. Nagmamadali po kasi ako. Gabi na kasi."

"At bakit nakahubad ka na namang bata ka?" muling tanong ni Nanay. "Ang lamig sa labas."

"Syempre, ikaw na ang feeling macho." sabat ni Charlie na agad tumawa.

"Sabihin mo, Charlie, merong inaakit yang si Kuya sa labas." sabi naman ni Kevin na sinundan din ng tawa.

"Hoy kayong dalawa, tumigil nga kayo diyan," Tumawa rin ako. Kinuha ko mula kay Nanay ang malinis na damit pambahay. "Nay, may dala po akong pagkain, wag natin bibigyan yang kambal na yan."

"Hala, si Kuya, di na mabiro." sabi ni Charlie.

"Nay, si Marco, kumusta na po?"

"Ayun, medyo bumaba na ang lagnat. Pero dapat ituloy-tuloy ang gamot para tuluyang gumaling. Yun nga lang, huling takal na yung pinainom ko sa kanya kanina." malungkot na sagot ni Nanay.

"Ipinahilot ko naman na siya kay Ka Rosa kanina, may pilay pala sa likod kaya pabalik balik ang lagnat." sabi naman ni Tatay. "Sana ngayong magdamag ay hindi na siya lagnatin ulit dahil nahilot na siya kanina. Kung magkakataon, wala na tayong ipaiinom na gamot sa kanya."

Nilapitan ko ang limang taong gulang na si Marco at hinipo ang noo. "Kawawa naman si Marco. Napakalikot kasi eh. Kaya napipilayan."

"Rodel, anak."

"Nay?"

"Kung sakali, makakabili ba tayo ng isa pang bote ng gamot bukas para kay Marco, mula sa kinita mo ngayong araw?"

Natahimik ako at inilabas ko ang kinitang pera mula sa bulsa. "Ito po, Nay, 200 yung binigay sa akin ni Ninong ngayon. Kasya na po ba yan?"

"Oo, pagkakasyahin, anak. Salamat ha?"

"Pa'no po yung pagkain natin para bukas?" alalang tanong ko.

"Gagawa na lang ako ng paraan, anak. Kanina, nagpalista na ko kay Ka Margie para sa ulam natin ngayong gabi. Papadagdagan ko na lang bukas. Papayag naman siguro yun."

Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya. "Wag kayo mag-alala, Nay. Makakaraos din tayo."

"Anak, pasensya ka na ha?" sabi ni Tatay. "Dapat 'yang binibigay sa'yo ng Ninong mo eh naitatabi mo na para sa sarili mo, may maipambili ka man lang ng mga gusto mo."

"Tay. Wag niyo nang isipin yun." Ano ba yan. Baka mamaya ay maiyak pa ako. "Kumain na po muna kayo. May dala akong pagkain diyan, pangdagdag sa hapunan natin ngayong gabi. Ako na muna ang bahala kay Marco."

"Bakit, anak, hindi ka ba kakain?"

"Hindi po, Tay. Busog pa po ako. Para sa inyo po iyan."

"Kuya! Ang dami nito ha! Mukhang masasarap pa." sabi ni Kevin.

The Other HalfWhere stories live. Discover now