CHAPTER 32

1.2K 165 60
                                    

RODEL

Malakas na malakas ang hangin kung kaya panay ang paghampas ng malalaking alon. Wala akong makita kundi puro tubig, at sa itaas ay ang madilim na madilim na langit na nagbubuhos ng malakas na ulan. Ramdam ko ang panginginig ng katawan ko. Malamig ang hangin at pinalalabo ang suot kong salamin. Maya maya pa'y may tila kung ano na humila sa mga paa ko. Nagulat ako nang mapansin kong wala na ako sa bangka. Nasa tubig na ako mismo. Kung malamig ang hangin, doble ang lamig ng tubig. Unti unting pumapasok ang tubig sa katawan ko. Marunong akong lumangoy. Hindi lang basta marunong. Magaling ako. Ngunit bakit hindi ako makagalaw? Palubog ako nang palubog, hanggang sa tuluyan na akong hindi nakahinga. Ilang saglit pa'y nagdilim na ang paligid.

Naalimpungatan ako. Buhay ako. Wala ako sa dagat. Tuyung tuyo ang suot kong damit. Sa gilid ng lamesa kung saan ako nakayuko kanina ay nakita ko ang salamin ko sa mata. Isinuot ko iyon at iginala ko ang paningin sa paligid na iniilawan lamang ng isang maliit na kandila. Bagamat umiikot ang paningin ko ay napagtanto ko na nasa loob ako ng maliit na library na ipinagawa at ibinigay sa akin ni Allie.

Napabuntong hininga ako. Hindi totoong nalunod ako. Panaginip lamang ang lahat.

Nahihilo ako. Parang sasabog ang ulo ko sa matinding sakit. Napansin ko ang limang bote ng beer na nakapatong sa mesa. Nakarami na naman pala ako ng inom. Anong oras na ba? Bakit tila tahimik na ang buong paligid? Tumingin ako sa orasan. Pasado alas onse na ng gabi. Napadako ang paningin ko sa kalendaryo na nakasabit sa ibaba ng orasan. August 25.

Teka. Nangyari na ito ah. At bakit narito ako sa library na ipinagawa ni Allie para sa akin? Hindi ba't nasunog na ito? Nakita ko mismo sa harapan ko kung paano natupok ng apoy ang lahat ng libro dito. Narinig ko mismo si Nanay na si Tatay at ang pamilya ni Melay ang nagpasunog nito. Ano bang nangyayari? Tulog pa rin ba ako? Nananaginip pa rin kaya ako?

Kung totoong buhay ako at hindi nalunod, ang ibig sabihin ay pipilitin pa rin nila akong ikasal kay Melay. Tang ina kasi. Hanggang ngayon, pinagsisisihan ko pa rin na may nangyari sa amin. Dahil doon, nasaktan ko si Allie, nawala siya sa akin. Namatay si Allie.

Pero, teka. Noong nagpunta si Allie, sunog na ang library na ito. Bakit buo pa rin ito ngayon? Posible kayang...

Muli kong tinignan ang kalendaryo. August 25. Naaalala ko pa nang malinaw. Iyon ang gabi na may nangyari sa amin ni Melay. Teka, anong nangyayari? Bumalik ba ako sa nakaraan?

Kinurot ko ang sarili ko. Gising ako. Hindi ako nananaginip. Pero heto, sa harapan ko, nasa August ang kalendaryo. Nasa 25 pa lang ang huling marka.

Bumalik nga ang oras. At kung totoo man iyon, malaki ang posibilidad na hindi namatay si Allie. Ibig sabihin, buhay siya. Buhay si Allie!

Mabilis akong tumayo. Naramdaman ko ang hilo dahil sa kalasingan pero hindi ko ininda iyon. Lumabas ako ng silid at agad kong naramdaman ang malamig na hangin. Namatay ang apoy sa hawak kong kandila. Lumingon ako sa madilim naming bahay. Paano ako papasok ngayong madilim at wala nang apoy ang kandila para ilawan ang daraanan ko?

Hindi. Bakit pala ako papasok? Kung totoo ang mga nangyayari at August 25 pa lang ngayon, aabutan ko si Melay sa loob ng kwarto ko. May mangyayari sa amin. At iyon ang magiging dahilan kung bakit magkakandaleche leche ang buhay ko, ang buhay namin ni Allie. Hindi ko hahayaang iyon ang mangyari ngayon.

Sa halip na pumasok sa bahay ay tumakbo ako. Kahit pa sobrang dilim ng gabi, kahit pa ang paligid ay tila umiikot dahil sa matinding hilo, tumakbo ako palayo. Kung totoo ang mga nangyayari, ibig sabihin ay wala pang nangyayari sa amin ni Melay. Kung totoong bumalik ako sa nakaraan, hindi pa nalalaman ni Allie na ikakasal na ako, Hindi pa siya nagpupunta sa amin para sunduin ako. Hindi pa siya naaaksidente. Hindi pa siya namamatay.

The Other HalfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon