CHAPTER 26

1K 135 25
                                    


RODEL

Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin. Basta nagising na lang ako isang araw, hindi na ako makapagsalita.

Sinusubukan ko. Minsan, kinakausap ko ang mga kapatid ko pero parang may bahagi sa akin ang nagbago kung kaya nawala ang kakayanan kong magsalita. Para akong bumalik sa pagkabata. Nasa isip ko lahat ng mga bagay na nais kong sabihin ngunit sa oras na ibubuka ko na ang bibig ko, kung ano anong huni at tunog lang ang naririnig.

Isa iyon sa dahilan kung bakit hindi ako nakapag-aral. Maliban doon, wala kaming pera at maging ang kambal ay nanganganib na hindi rin makapag-aral sa kolehiyo pagkatapos nilang maghigh school.

Paanong hindi? Si Tatay, hindi na muling bumyahe gamit ang bangka na ibinigay sa kanya ni Allie matapos niyang madiskubre ang tungkol sa amin. Naririnig ko sa tuwing tatanungin siya ni Ninong na ayaw niyang gumamit o humawak man lang sa mga bagay na may kinalaman ‘sa baklang iyon’ (salita ni Tatay). Sa katunayan, pati yung artificial leg niya kung magagawa lang niyang ipaputol, gagawin niya. Ganoon katindi ang galit niya kay Allie.

Oo nga pala, madilim na ulit sa bahay namin kapag gabi. Mainit kapag tanghaling tapat. Pinatanggal na rin kasi ni Tatay yung linya ng kuryente na ipinakabit ni Allie. Hindi na ako nagtataka kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako kinakausap. May kinalaman ako sa ‘baklang si Allie’ na sinasabi niya. Siguro, kung magagawa lang niya akong isumpa, gagawin niya eh.

Maliban sa pagkawala ng kakayanan kong magsalita, bihirang bihira akong kumain at dahil doon, halos nahulog ang katawan ko. Dahil sa kapayatan ng mukha ko, hindi na halos magkasya sa akin ang salamin na ipinagawa para sa akin ni Allie. Dumudulas na sa ilong ko. Mahaba at makapal na ang malagkit kong buhok at hindi ko rin naaahit ang bigote at balbas at sa edad kong ito (22), pwede akong pagkamalang apatnapu o mas matanda pa.

Madalas akong nagkukulong sa mini library na ipinagawa para sa akin ni Allie, at bagamat hindi ko magawang magbasa (Madilim pagkat wala na nga kaming kuryente. Ayoko namang buksan ang bintana dahil kapag nasa loob ako ng maliit na silid na iyon, pakiramdam ko, nasa ibang lugar ako. Malayo ako sa mga tao o bagay na maaaring makapanakit sa akin – lalong lalo na si Tatay), naroon lamang ako lagi, at minsan pa’y doon na ako nakakatulog.

Napapadalas din ang pag-inom ko ng alak (gamit ang kakaunti kong naipon sa mga ibinigay sa akin ni Allie noon para ipambili) dahil sa tuwing ginagawa ko iyon, nagagawa kong matulog na hindi na kinakailangan pang umiyak nang umiyak (Dalawa kasi ang pampatulog ko – alak o pagiyak. Mas pinipili ko na lang kung ano ang mas madali at hindi masakit sa puso.).

Tama. Hanggang ngayon ay umiiyak pa rin ako. Walang sandali sa buhay ko na nakalimutan ko si Allie, ang lahat lahat tungkol kay Allie. Si Allie ang hinahanap hanap ng puso ko. Si Allie ang laging laman ng mga panaginip ko. At kapag tahimik na ang lahat at wala nang ibang ingay na nanggagaling sa labas, pangalan lang ni Allie ang naririnig kong ipinipintig ng puso ko.

Isang araw, napilit ako ni Ninong na sumama sa kanya sa byahe para pagupitan sa barbero sa patag (namatay na kasi yung matandang lalaking naggugupit sa akin dati sa isla). Noong umpisa ay ayoko. Ayokong pumunta sa kahit saan. Pero mapilit si Ninong at dahil init na init na ako sa buhok ko, sumama na rin ako. Si Tatay, pinasama sa amin si Charlie. Ewan ko, pero palagay ko’y iniisip niya na itatakas ako ni Ninong at dadalhin kay Allie. Ganoon kapraning ang utak niya.

Sa loob ng mahigit limang buwan, ngayon lang ulit ako nakasakay sa bangka papunta sa patag. Kahit paano’y nakakagaan ng pakiramdam ang gawin muli ang araw araw kong ginagawa dati. Nang matapos akong pagupitan ay medyo gumaan ang ulo ko at lumitaw nang bahagya ang mukha ko. Pero dahil sa kapayatan, parang ang layo layo ko na sa Rodel na nakilala noon ni Allie.

The Other HalfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon