CHAPTER 18

1.4K 187 31
                                    

RODEL

Mabilis na lumipas ang mga araw. Mahigit limang buwan na kaming magkaibigan ni Allie. Parang kailan lang. Ngayon, mas lalo nang malalim ang pagkakaibigan namin. Maraming bagay na ang aming nagawa nang magkasama. Maraming lugar na ang aming napuntahan. Bawat sandaling magkasama kami ni Allie, para sa akin ay katumbas ng bagong karanasan na lagi kong aalalahanin at babalik-balikan. Bawat sandaling ginugol namin sa isa't isa ay maituturing kong kayamanan na hinding hindi ko ipagpapalit sa kahit ano pa man.

Lalong tumaas ang mga marka ni Allie, naikukwento niya sa akin madalas. At nakikita ko rin na talagang ganado siyang mag-aral. Natutuwa akong maisip na ang layo na ni Allie sa nakilala ko noon na laging malungkot dahil malayo sa mga magulang. Sana, kahit paano ay nakakatulong ako sa kanyang maging masaya at kahit napakaliit ay may nagagawa ako para punuan ang napakalaking kakulangan sa puso ni Allie.

Oo nga pala, si Tatay, nakakalakad na ulit. Bagamat binanggit na iyon noon ni Allie ay nagulat pa rin kami nang may mga lalaking nakaunipormeng pang-ospital na pumunta sa bahay para sunduin si Tatay at dalhin sa malaking ospital sa patag. Madalas, sinasamahan ako ni Allie para dalawin si Tatay. Minsan, kasama pa namin si Nanay o hindi kaya ay sila Charlie at Kevin. Tuwing nakikita kami ni Tatay na binibisita siya habang sumasailalim siya sa gamutan at therapy, bakas sa mukha niya ang saya. Nang sa wakas ay payagan na siyang makauwi sa amin sa isla, para bang hindi artificial ang isa niyang paa at tila sanay na sanay na siya.

Maraming pagkakataon na rin na kaming magkakapatid ay isinama ni Allie upang mamasyal sa mall, o sa zoo, o sa amusement parks. Masayang masaya ako dahil nakikita ko kung paano napapasaya ni Allie ang mga kapatid ko - lalong lalo na si Marco, na kung iisipin kong mabuti, kung hindi namin nakilala si Allie, hinding hindi namin mararanasan kahit kailan.

Maliban doon, yung bahay namin, ang laki laki na ng ipinagbago. Maraming bahagi na ang kinumpuni, pinalitan, pinalawak, dinagdagan, at kung ano ano pa. Lahat iyon ay dahil kay Allie. Kahit kailan ay hindi namin hiniling o hiningi sa kanya iyon. Lagi nga kaming nagugulat na bigla na lang, may mga trabahador na kakatok sa pinto para gumawa. Minsang sinabi ko kay Allie na tama na, wag na, nakakahiya na, naramdaman kong sumama ang loob niya kung kaya hindi ko na inulit.

Hindi maitatanggi na dahil sa mga pagbabagong iyon, naging sobrang komportable (kahit mahirap pa rin ang buhay) ng lahat kung ihahambing sa dati. Hindi lang iyon. Ako, bilang tao ay nagkaroon ng mas mataas na kumpyansa at mas nadadala ko na nang maayos ang sarili ko. Marami ang nagsasabi na malaki na nga raw ang ipinagbago ng aking hitsura at pangangatawan. Sabi pa nga nila, para na raw akong taga patag at lalo raw akong nagmumukhang makisig at magandang lalaki. Syempre, kung ikukumpara naman kay Allie, ang layo layo ko. Pero hindi ko pa rin maiwasang matuwa sa mga naririnig ko.

Lagi akong masaya. At napansin ko, hindi na kahit kailan muling hinanap ng puso ko si Melay. Kung ako ang tatanungin, bawat oras ay nais ko na lamang ilaan para makasama ko si Allie. Tuwing magkasama kami, masayang masaya ang puso ko. At bawat pansamantalang paghihiwalay ay kalungkutan at pangungulila ang nararamdaman ko. Wala akong ibang nais kundi ang dumating ulit ang oras na makakasama kong muli si Allie. Hindi ko alam kung normal pa ba ang nararamdaman ko.

Sa loob ng maraming buwan ay pilit kong tinakbuhan ang nararamdaman ko para kay Allie. Lagi kong pinapaalala sa sarili ko kung ano ang tama at kung ano ang nararapat. Pilit kong sinasabihan ang sarili ko na hindi totoo kung ano man ang panlilitong ginagawa sa akin ng puso ko. Bawat pagtakbo palayo sa nararamdaman ko at bawat pagsasabi sa aking sarili na kaibigan ko lamang si Allie ay palagay ko, nagtatagumpay naman ako. Ngunit tuwing hindi ko kasama si Allie, lahat nalilimutan ko at kung pwede lang ay hilahin ko si Allie mula sa aking isipan at ikulong sa aking bisig at huwag nang pakawalan kailanman.

The Other HalfHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin