CHAPTER 31

1.1K 153 28
                                    

RODEL

Makikita ko nang muli si Allie. Sasama na ako sa kanya.

Hindi ko alintana ang haba ng nilakad at ang panlalambot ng mga tuhod ko. Mabuti na lamang at hindi mainit ang araw. Sa katunayan, tila nagtatago ito sa likod ng madidilim na ulap kung saan ay nakapondo ang malakas na malakas na ulan. Malakas ang ihip ng hangin na tumatangay sa mga dahon at alikabok sa kalsadang dinadaanan ko.

Bakit ganoon? Dapat ay masigla ako dahil makikita ko na si Allie. Bakit bawat hakbang ay tila kay bigat? Ayaw tumigil sa pagkabog ang dibdib ko at lalo akong nanghihina dahil doon. Ano kayang ibig sabihin nun? Huli na ba ang lahat? Hindi na ba ako tatanggapin ni Allie?

Mula nang umalis si Allie, tatlong araw na ang nakakaraan, hindi ko na siya ulit naramdaman. Dati rati, araw man o gabi, nararamdaman ko si Allie. Para bang nangungusap ang mga puso namin. Parang naririnig ko ang mga bulong niya sa hangin, patunay na hindi ako nawala sa puso at isip niya. Ngunit ngayon, tuluyan na ba niya akong kinalimutan?

Allie. Hintay lang. Papunta na ko sa'yo. Magsasama na tayo. Hindi ka na kailanman magiisa.

Sa gate ng subdivision nila, nagulat ako nang kaagad akong papasukin ng gwardya. Dati-rati, kapag hindi ko kasama si Allie o si Martin ay tumatawag pa siya sa mansyon para kumpirmahin ang pagdating ko. Ngayon ay tinanguan pa niya ako at malungkot ang hitsura niya. Para siyang pagod o walang ganang magtrabaho.

Papalapit nang papalapit ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Bakit kaya? Anong Allie ba ang naghihintay sa akin? Hindi ko na kaya. Kailangang malaman ko na ang kasagutan. Tumakbo ako nang mabilis. Mabilis na mabilis hanggang sa wakas ay sapitin ko ang malaki at mataas na itim na gate ng mansyon ng mga Ibarra.

Nakapagtataka. Nakabukas ang gate. Ang laki pa ng pagkakabukas. Ngayon ko lang nadatnang bukas ito. Kadalasan ay kailangan pang gamitin ang doorbell bago ito buksan ni Nelson o ni Martin.

Pumasok ako, at tinahak ko ang pataas na daan na pinaliligiran ng matataas na puno na mistulang mga Christmas tree.

Napahinto ako. Parang gusto kong tumakbo pabalik. Bakit ganoon? Bakit ang daming tao? Meron bang handaan sa mansyon? Mukhang hindi ito ang tamang araw na pumunta ako. Nakakahiya. Hindi maayos ang bihis ko.

Napatingin ako sa suot ng mga tao. Lahat sila ay nakasuot ng puti. Anong meron? Bakit ganoon? Lahat ay tahimik at wala man lang nagtatawanan. Ganito ba talaga magkaroon ng handaan ang mga mayayaman?

May dalawang babae na naglakad palabas at nakasalubong ko.

"Kawawa naman 'no? Batang bata pa." narinig kong sinabi ng isa.

"Oo nga." sagot naman ng kausap. "Kaisa-isang anak pa naman ni Engineer yun. Sayang. Napakabata pa. Bakit daw namatay?"

Natigilan ako. Ano itong naririnig ko? Bakit ganoon? Bakit ganoon ang pinaguusapan nila?

"Ewan ko. Ang pagkakarinig ko, aksidente raw. Pero duda ng marami, nagpakamatay. Nabalitaan mo ba yung usap usapan tungkol doon?"

"Alin? Na bakla raw? Oo, narinig ko. Nagpakabaliw daw sa lalaki. Ang masaklap pa, mahirap yung lalaki. Tapos pinerahan lang siya at iniwanan pagkatapos. Kaya siguro nagpakamatay, ano?"

"Ay naku. Sinabi mo pa. Ang mga kabataan nga naman. Sayang ang buhay. Ang yaman yaman tapos ganyan."

Narinig ko ang lahat ng iyon. At doon mismo sa kinatatayuan ko, gusto kong mawalan ng malay. Ano 'tong pinagsasabi nila? Patay na raw si Allie? Hindi maaari. Tiyak na magagalit si Allie pag nalamang may nagkakalat ng ganitong mga kasinungalingan tungkol sa kanya. Hindi pa patay si Allie. Hindi maaaring mamatay si Allie.

The Other HalfWhere stories live. Discover now