CHAPTER 30

1K 130 12
                                    

RODEL

Nagulat ako nang makarinig ako ng kung anong nabasag. Pumunta ako sa kwarto at nakita kong nalaglag sa sahig ang litrato namin ni Allie na nakalagay sa frame (na binili ni Allie dati). Wala namang hangin. Siguro, may pusang pumasok at nabunggo ang kwadro kaya nalaglag. Dinampot ko iyon at napansin kong nasira ang litrato. Nahiwa ng nabasag na salamin ang bandang noo ni Allie sa litrato.

Isang oras na rin buhat nang umalis si Allie. Isang oras pa lang, ngunit napakahirap na.
Paano pa ang naghihintay na habangbuhay na hindi ko na siya makakasama? Ayaw ko nang isipin. Napakahirap at napakasakit.

Hindi ko lubos maisip na ang mga yakap at halik na aming pinagsaluhan kanina, ay ang huling yakap at halik na aking mararanasan sa piling ni Allie.

Sa isa pang pagkakataon, inilabas ko ang t-shirt na puti na ibinigay sa akin ni Allie noong araw na una kaming nagkita. Naghubad ako at iyon ang ipinalit ko. Bakit ganoon? Bakit sa isang iglap, hindi ko na nararamdaman si Allie? Ganoon ba kabilis na kinalimutan niya ako? Sabagay, anong karapatan kong umasa na aalalahanin pa rin ako ni Allie? Ako ang tumalikod sa kanya, hindi lang isang beses, kundi dalawa. Pagkatapos ng lahat. Pagkatapos ng lahat ng ginawa ni Allie para sa akin. Tang ina kasi. Bakit ba naging mahina ako? Bakit hinayaan kong may mangyari sa amin ni Melay? At ngayon, kapit na niya ako sa leeg.

At yung taong tunay kong mahal, ayun, at pinabayaan kong lumisan nang nagiisa.

Hindi ko makalimutan ang tagpong iyon. Nang sa wakas ay natapos ang tila hindi nauubos na mga luha at yakap, tumalikod na si Allie at nagsimula nang maglakad palayo.

Diyos ko. Wala nang mas sasakit pa sa katotohanan na ang taong katumbas ng buong mundo para sa'yo, pinapanood mo habang unti-unting lumalakad palayo. Halos bilangin ko ang mga hakbang niya. Halos hilingin ko na lumingon siyang muli sa akin. Halos kalimutan ko kung ano ang nararapat at tumakbo at habulin siya, at yakapin siya nang mahigpit habang nakatalikod at sabihin sa kanya na sasama na lang ako sa kanya kahit saang panig ng mundo niya kami gustong magpunta.

Umupo ako sa sahig at iniyapos ko ang mga braso ko sa sarili ko. Umiyak ako nang umiyak. Habang buhay kong mamahalin si Allie. Habang buhay na akong magiging miserable. Habang buhay na akong mangungulila.

Sorry, Allie. Sorry talaga. Mahal na mahal kita. Mahal na mahal.

*
Isang araw na lang bago ang kasal. Abalang abala silang lahat sa paghahanda. Hindi lamang kami ni Melay ang ikakasal. May kasabay kaming lima o anim pang pares. Buti at nagkaroon ng kasalang bayan, kung saan ang gobyerno ay libreng nagkakasal ng mga taong walang pera para gumastos sa kasal sa simbahan. Dahil doon ay hindi ganoon kalaki ang kailangang gastusin nila Tatay at Nanay sa kasal na hindi ko naman ginusto at pinangarap.

Ganumpaman, abalang abala pa rin sila. Ang dami daming kailangang gawin at asikasuhin. Sa kagustuhan kong tumakas sa magulong paligid ay nagpunta ako sa likod ng bahay at humiga sa duyan sa ilalim ng punong mangga. Kung maaari lamang na lumubog na lang ako sa lupa, o hindi kaya ay kunin ng mga engkanto, mas pipiliin ko pa. Hindi ako nakakaramdam kahit kaunting pananabik na maikasal at maging asawa ni Melay. Ni hindi ko ninanais na ayusin at ihanda ang sarili ko. Wala akong dahilan. Isang araw na lang ang natitira sa akin. Ibibigay ko na iyon sa sarili ko.

Narinig ko na nagbalik na ang mga magulang ko mula sa bahay nila Melay. Halos hindi na sila tumitigil sa kakaparoo't parito para lamang maisaayos ang lahat. Wala akong pakialam. Hindi naman nila ako pinipilit na tumulong. At hindi rin naman ako tutulong kahit pilitin pa nila ako. Isa pa, hindi ko inaamin sa kanila na nakakapagsalita na ako ulit.

"Nandiyan ba siya?" narinig kong tanong ni Tatay. Naramdaman kong pumunta si Nanay sa kwarto ko para tignan kung naroon ako.

"Wala. Baka nagpagupit."

The Other HalfWhere stories live. Discover now