CHAPTER 5

1.5K 170 15
                                    

RODEL

"O, Kumpare, ikaw pala yan." Nagulat si Nanay pagkakita kay Ninong David. Saktong nasa pintuan siya ng bahay nila Melay nang dumating kami. "May kasama ka?"

"Ayan, ang binata mo." sagot ni Ninong. Iniabot niya ang mga prutas na nakalagay sa plastic bag kay Nanay. "Hindi ko na pala kailangang ipagpaalam pa at narito ka pa rin pala."

Nagmano ako kay Nanay at pagkatapos ay inilibot ko agad ang paningin ko sa paligid. Nasaan kaya si Melay? Umalis ba siya?

"Si Robert, Mare, sinong kasama?" tanong ni Ninong David.

"Sino pa ba, eh di yung mga bata. Pinauwi ko agad yung kambal dahil bumisita nga din dito. Tuwang tuwa nga at nagaaway pa kung sino sa kanila ang mag-aanak sa bata sa binyag."

"O kumusta na nga pala ang bagong panganak?"

"Ayun at nagpapahinga. Nagpaiwan na muna ako sandali dahil baka may kailanganin pa. Alam mo na, sa edad ni Rowena, hindi na naging madali ang panganganak. Buti nga't kinaya pang manganak nang normal. Kaygandang lalaki ng bata. Manang mana sa ate niya. Halika sa loob nang makita mo."

Pumasok sila Nanay at Ninong sa kwarto kung saan naroon sila Ka Rowena at ang bagong silang na sanggol, ang kapatid ni Melay. Gusto ko rin sanang makita ang bata pero mas nanaig sa akin ang pagnanais na makita si Melay, muli, na para bang kay tagal na buhat nung huli, samantalang kahapon lang nung sinabi niya sa aking hindi niya ako mahal at tinanggihan ang puso ko.

Naiwan ako sa maliit na sala ng bahay. Hindi ako mapalagay. Ano kayang hitsura ko? Anumang oras ay maaaring lumabas si Melay at makita ako. Nasaan nga ba siya? Hindi ba dapat, isa siya sa mga abalang abala ngayong bagong panganak ang nanay niya?

Maya maya pa'y lumabas na si Ninong at nagpaalam na uuwi na.

"Sinaglit ko lang yung bata at kinumusta ko lang si Aling Rowena. May idadaan pa ko kay Kumpareng Robert. Sasabay ka na ba, Rodel, o dito ka na muna?"

"Hintayin ko na lang po si Nanay, para may kasama po siyang umuwi."

"O siya, sige. Yung sinasabi kong pahinga mo, pag-isipan mo pa rin, kailangan mo yan."

"O sige po, Ninong. Maraming salamat po ha? Sasama pa rin po ako sa byahe sa inyo bukas."

"Naku. Mukhang hindi talaga kita mapipilit. O siya. Maiwan na kita."

"Ingat po."

Tinanaw ko siya habang lumalakad palayo. Mula pagkabata ay malapit na ang loob ko sa kanya dahil mabait siya, hindi lang sa akin, kundi sa buong pamilya namin, lalong lalo na kay Tatay. Naikwento niya minsan na magkababata sila ni Tatay. Sabay silang lumaki at nag-aral. Hanggang elementary lang ang tinapos nila pareho.

Nang sumabog ang bangkang minamaneho ni Tatay, si Ninong David ang labis na naapektuhan. Kung kaya siya na mismo ang nagpresenta na isama ako sa byahe araw araw para may pumasok pa rin na pera sa pamilya namin kahit papaano.

Ang nakapagtataka lang ay bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin naiisip ni Ninong na bumuo ng sariling pamilya. Gwapo naman si Ninong. Maalaga pa siya, maalalahanin, masipag. Wala pa bang babaeng nakapagpatibok ng puso niya? O baka minsan ay nabigo na rin siya tulad ko, at natakot na siyang magmahal ulit?

Nasa gitna ako ng pagiisip nang sa wakas ay lumabas na sa silid ang kanina pa hinahanap hanap ng aking mata. Si Melay. Nakasuot siya ng asul na bestida at bagamat simple ay lalong nagpatingkad sa kanyang kagandahan. Maayos na nakatali ang mahabang buhok sa likod. At ang mga matang iyon, ang mabibilog na matang iyon na laging bumibihag sa aking puso, muli ay halos panlambutin ang aking mga tuhod.

The Other HalfWhere stories live. Discover now