CHAPTER 7

1.3K 171 11
                                    

RODEL

Pinasakay ako ni Allie sa kotse niya. Kung ako ang masusunod, ayoko sana. Pakiramdam ko ay masyado akong marumi at mabaho para pumasok sa loob ng kotse niya. Kaya lang, mapilit si Allie, at sa pagkakataong ito ay hindi na niya ako pinayagang tumanggi. Isa pa, malayo raw ang pupuntahan namin at hindi raw siya sanay na maglakad.

Nang makarating kami sa pupuntahan, halos malula ako. Para bang gusto ko nang sabihin kay Allie na bumalik na lang kami sa Wawa at doon na lang kami magkwentuhan.

Dinala ako ni Allie sa isang maganda at malaking restawran. Ang layo ng hitsura sa restawran na pinagdalhan ko sa kanya noong unang beses kaming nagkakilala. Ang lakas pa ng loob ko noon na ibida kay Allie ang restawran malapit sa Wawa. Walang sinabi iyon sa ganda ng lugar na pinuntahan namin ngayon.

Kakaunti lang ang tao at mahina lang silang naguusap habang kumakain. Wala kang maririnig na nagsasalita o tumatawa nang malakas. May tugtog na hindi naman malakas pero rinig sa buong lugar. Ang mga ilaw ay napakarami subalit hindi ganoon kaliwanag.

Isa pang pinagkaiba nito sa mga kainan na napuntahan ko na ay hindi na namin kinailangang pumila at maghintay para maibigay ang aming order dahil may isang mabait at magalang na lalaki na lumapit sa lamesa namin at kinuha ang order namin habang dinidikta ni Allie.

Pinagmasdan ko ang kaibigan ko. Tahimik lang siya habang tinitingnan isa-isa ang mga litratong kinunan kanina gamit ang camera niya. Paano niya nagagawang maging kalmado sa pagkakataong ito habang ako ay halos malula sa aking nakikita at nararanasan?

Napansin kong lahat ng tao sa paligid, kabilang na si Allie, o maging ang mga nagtratrabaho sa restawran na iyon ay maaayos ang bihis. Agad kong hinawi pababa ang nanlalagkit kong buhok at sinubukan kong ayusin ang lukot at kupas kong damit. May butas pa nga sa kaliwang manggas. Pasimple kong sinilip ang mga paa ko sa ilalim ng lamesa. Napapikit ako nang makita kong puro putik at alikabok, hindi lamang ang mga paa ko, kundi maging ang luma at pudpod kong tsinelas. Nakakahiya. Hindi ko man lang nahugasan ang mga paa ko. At si Allie, hindi man lang niya ako sinabihan. Pakiramdam ko'y sobrang hindi nababagay ang isang tulad ko sa lugar na iyon.

"Rodel," Nagulat ako nang magsalita si Allie. Nakatingin na pala siya sa akin. "Are you OK?"

Pinilit kong tumango. "Naninibago lang ako Allie. Bago kasi sa akin ang lugar na ito."

Ngumiti siya. Habang tumatagal ay lalo kong napapansin na gwapo pala talaga si Allie, hindi lang dahil sa malinis siyang tignan.

"You'll like it here." sabi niya. "The foods here are delicious."

Wala akong nagawa kundi ngumiti. Kulang na lang, lumubog ako sa kinauupuan ko. Gusto ko nang bumalik sa Wawa, kung saan ako nararapat.

"You're not eating." puna ni Allie. "Aren't you hungry?"

Muling kong pinilit na ngumiti. "Ngayon naiintindihan na kita Allie kung bakit hindi ka kumain noong isinama kita sa restawran malapit sa Wawa."

"What do you mean?" Kumunot ang noo niya. Halatang nagtaka siya sa sinabi ko.

"Hindi ka nakakain kasi hindi ka sanay sa mga pagkaing tinitinda doon. Pang simpleng tao lang kasi." kibit balikat kong sagot.

Umiling si Allie at tumawa ng mahina. "No, Rodel. I wasn't really hungry that time. What made you say that?"

Tinitigan ko ang mga pagkain sa harapan ko. Marami at amoy pa lang, tiyak kong sobrang sarap na. Pero nakakapangliit sa pakiramdam kung kaya hindi ko magawang tikman man lang.

"Tulad ko ngayon, Allie. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, kasi hindi ako sanay. Ni hindi ko nga alam kung paano gamitin ang mga iyan." Itinuro ko ang mga kubyertos na nakahilera malapit sa plato sa tapat ko. Hindi ko akalain na ganoon pala karaming kutsara at tinidor ang kailangan ng isang tao para kumain. Samantalang kami sa bahay, isang kutsara lang at minsan, walang tinidor (o madalas, nakakamay nga lang kami) kung kumain.

The Other HalfWhere stories live. Discover now