INTERLOGUE II

1K 137 26
                                    

MARICEL CASTILLO
(Mama Macel)

Maaga akong nagising. Hindi pa ganap na sumisikat ang araw, nasa palengke na ako para mamili ng pang-isang linggo kong pagkain. Bumili rin ako ng sariwang mga bulaklak – puting mga rosas pagkat alam ko na puti ang paborito niyang kulay.

Dalawang linggo na. Dalawang linggo na ang nakalipas matapos ang lahat. Dalawang linggo na buhat nang ilibing si Allie, ang batang inalagaan ko sa loob ng mahigit dalawampu’t dalawang taon. Dalawang linggo na rin buhat nang lisanin ko ang mansyon ng mga Ibarra at mamuhay mag-isa.

Sila Rhea at Jackie ay kaagad humanap ng ibang trabaho, pagkat may pamilya silang kailangang buhayin at pakainin. Ang mga batang sila Martin at Nelson naman ay umuwi sa kanilang mga pamilya upang mag-aral. Si Mariela ang naiwang kasa-kasama ko noong mga unang araw matapos ang libing. Wala naman kasi siyang asawa at anak, bagamat hindi na rin bata ang edad. Kalaunan ay ipinagtulakan ko na rin na umalis at umuwi sa probinsya nang sa gayon ay makahanap siya ng bagong trabaho at masuportahan ang kanyang sarili at ang inang may sakit.

Nangupahan ako sa isang maliit na bahay, hindi kalayuan sa sementeryong pinaglagakan kay Allie. Sa ganoong paraan ay mapupuntahan ko siya agad kapag gusto ko. Madali kong mapapalitan ng sariwang mga bulaklak ang mga nalanta na, at malilinis ko agad ang mga tunaw na kandila.

Dalawang linggo nang ganito ang buhay ko sa araw araw. Wala akong pinagsisisihan, kahit pa ibinuhos ko ang buong buhay ko sa alaga ko at sa kanya lamang umikot ang mundo ko. Hindi ako nag-asawa o nagkaroon ng anak, ngunit sa puso ko ay kuntento ako. Sapat na para sa akin na sa loob ng mahigit na dalawampu’t dalawang taon, inalagaan ko si Allie, itinuring na tunay na anak, at iningatan sa aking puso.

Pagkatapos kong magluto ay nag-ayos na agad ako para sa pagbisita ko sa puntod ni Allie. Araw-araw ko ‘yung ginagawa. Para sa akin, hindi natatapos sa kamatayan niya at sa sweldong ibinibigay ng mga magulang niya ang panata kong pagsilbihan siya at alagaan.

Ang nakakalungkot, wala halos dumadalaw kay Allie. Kahit si Rodel mismo, hindi ko pa nakitang nagawi siya sa libingan kahit minsan, sa loob ng dalawang linggo. Ang mga magulang naman ni Allie ay bumalik din agad sa England isang araw matapos ang libing - naikwento sa akin ng katulong sa bahay malapit sa mansyon, nang minsan kaming nagkita sa palengke. Nabanggit rin niya sa akin na maging si Faye ay pinalayas din ni Samuel – pagkatapos ng lahat ng pagsisipsip na ginawa niya, hindi pa rin umubra. Sa ngayon ay walang tao sa mansyon at binabalak na ipagbili o hanapan ng caretaker.

Wala na akong pakialam. Si Allie lang ang mahalaga para sa akin. Maliban sa akin, may isang binatang gwapo at matangkad na laging bumibisita kay Allie. Hindi naman kami nakakapag-usap sapagkat kaagad siyang yumuyuko at umaalis kapag nakikita ako. Minsan ko nang nakita ang batang iyon. Naisama siya ni Allie sa mansyon noong mga panahong malabo ang lahat sa kanila ni Rodel.

Habang papalapit ako ay napansin ko ang isang lalaking tahimik na nakatayo sa labas ng musoleyong kinalalagyan ng puntod ni Allie. Sa pananamit at bulto ng katawan nito ay hindi ito ang gwapong binata na laging bumibisita kay Allie. Nakapagtataka, sapagkat ito ang unang pagkakataon na may ibang tao na nag-abalang puntahan ang puntod. Palibhasa’y malabo na ang mga mata ko, hinintay ko pang makalapit ako bago ko siya makilala.

“David? Ikaw pala yan.”

Lumingon siya at ngumiti bagamat kitang kita sa mga mata na umiiyak siya bago ko lapitan. “Mama Macel, magandang umaga po. Pasensya na po, ngayon ko lang nadalaw si Allie.”

Binuksan ko ang gate ng musoleyo at pinapasok ko siya. Inilapag ko ang bulaklak sa ibabaw ng puting marmol na puntod at inabot ko sa kanya ang isang kopya ng susi. “Lagi ko kayong hinihintay na dumating para ibigay ‘yan. Wala ka bang kasama?” tanong ko, pagkat inaasahan ko na kasama niya si Rodel.

The Other HalfWhere stories live. Discover now