CHAPTER 21

1.3K 165 34
                                    

RODEL

"Rodel, anak, salamat sa tulong mo ngayong araw ha?" sabi ni Tatay isang gabing naglalakad kami pauwi galing sa pagbyahe ng bangka. Marami ang naging pasahero at marami-rami rin ang aming kinita sapagkat maliban sa sadyang malaki ang bangka at mas maraming kayang ilaman, mas pinipili ng mga tao na sa amin sumakay dahil naaakit sa bago at makulay na bangka. Nagbiro pa nga sa amin si Ninong David na masama daw ang loob niya dahil malakas kaming kakumpitensya.

Dahil doon, hindi ko mapigilang mag-isip na baka may mainggit na naman kay Tatay at maulit na naman ang nangyari dati. Wag naman sana.

"Tay? Para naman po sa atin iyon. Wala pong problema."

"Basta anak, hanggang sa masanay lang ako ulit. Sa Hunyo, pangako, mag-aaral ka na."

Dahil sa sinabi ni Tatay ay napangiti ako.

"Ano bang pangarap mong maging?"

Puno ng pangarap na tumanaw ako sa langit. "Pinagpipilian ko po kung pagpipiloto o pagiging kapitan ng barko, Tay."

"Siya nga? Akala ko'y gusto mong maging pintor. Lagi kitang nakikitang nagpipinta at mahusay ang kamay mo. Maliban doon, may talento ka rin sa pagsusulat. Ang sabi sa nanay mo nung guro mo noong high school, ikaw raw ang nagsulat ng script para sa dula niyo. Totoo ba iyon?"

Tumango ako.

"Sa husay na mayroon ka, madali mong maaabot ang mga pangarap mo. Sadyang naging mahirap lang talaga ang buhay natin kaya hindi ka pa nabibigyan ng pagkakataon. Pero ngayong unti unti na tayong nakakabangon, sa tulong ni Allie, palagay ko ay makakamit mo ano mang pangarapin mong maging balang araw. At balang araw, masusuklian rin natin si Allie sa lahat ng kabutihang ipinakita niya sa atin."

Malapit na kami sa bahay at natatanaw ko na ang liwanag na nagmumula sa loob. Noon ay hindi magawang paliwanagin ang buong bahay ng gasera o kandila ngunit ngayon ay tila nagkaroon ng sigla at liwanag. Tila ba mas masarap uwian.

Tama si Tatay. Si Allie. Si Allie ang dahilan ng lahat ng nararanasan namin ngayon. Ang laki laki ng pinagbago ng lahat. Lahat iyon ay dahil sa kanya.

Pagdating sa bahay ay agad kaming sinalubong nila Charlie at Marco sa pinto.

"Kuya, may bisita ka." sabi ni Charlie matapos magmano kay Tatay.

"Sino?" tanong ko na hindi na sinagot ni Charlie. Pumasok ako at inabutan kong nakaupo si Kevin sa may sala, kausap si Melay.

"Napadalaw ka, Melay." sabi ko habang naglalakad lakad kami. Niyaya ko siyang lumabas dahil ayokong marinig ng mga magulang ko at kapatid kung ano man ang mga paguusapan namin.

"Gusto lang kitang makita, Rodel."

Natigilan ako. "Ako? Gusto mong makita?" gulat na gulat kong tanong. Kung sinabi ito sa akin ni Melay dati, sigurado ako: ako na ang magiging pinakamasayang tao sa buong mundo. Ngunit ngayon ay sa halip na matuwa, tila naguluhan ako.

"Oo, ikaw, Rodel." Ngumiwi siya at isa isang sinipa ang mga bato sa dinaraanan habang nakapamulsa ang dalawang kamay sa maikling salawal. "Naisip ko kasi, ang tagal mo nang naghihintay sa akin. Baka panahon na para subukan kong mahalin ka. Baka sakaling mag-work."

Mahigit na anim na buwan bago ang kasalukuyan, nagtatalon na siguro ako sa sobrang tuwa. Ngayon ay huminto ako sa paglalakad, tumingin nang deretso sa mga mata niya, at ngumiti.

Oo. Sa wakas ay nakakangiti na ako sa harap ni Melay. Ito na iyon, yung araw na sinasabi nila Allie at Ninong David. Ito yung araw na masasabi kong tapos na nga ako sa kung ano mang nararamdaman ko para kay Melay. Masayang masaya ako dahil nagawa ko, nahigitan ko na si Melay.

The Other HalfWhere stories live. Discover now