CHAPTER 6

1.3K 160 10
                                    

RODEL

Walang gaanong pasahero ngayong araw. Palibhasa ay Sabado kung kaya walang pasok sa eskwela o sa trabaho ang mga pasaherong taga isla. Tuloy, parang sobrang bagal ng araw.

Nakaupo ako sa pinakaunahan ng bangka at sinasalubong ang hangin ng maitim kong mukha at matigas kong buhok. Tinatanaw ko ang malawak na dagat at ang mga gusali sa kabilang panig - malayung malayo kung kaya mistulang mga laruan lang sila sa paningin. Ano kaya ang hitsura ng mga iyon sa malapitan? Balang araw. Balang araw, doon ako titira at magtratrabaho. Balang araw, magiging bahagi iyon ng mundo ko. Baka sakali, pag mayaman na ako, magawa na rin akong mahalin ni Melay.

Hindi ko naiwasang balikan ang mga pinagusapan namin. Buti na lang, sa pagkakataong ito, walang nakakakita sa akin. Malaya akong makakaiyak. At iyon na nga, hindi ko na naman napigilang tumulo ang luha.

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin para mahalin rin niya ako. Kaya lang, hindi ko rin alam paano mawawala sa akin ang nararamdaman kong ito. Hindi ko alam kung paano ko siya makakalimutan. Hindi ko na alam ang dapat kong gawin pa. Basta ang alam ko lang, nasasaktan ako. Nasasaktan ako nang sobra sobra.

Alas dos pasado nang makarating kami sa Wawa. Inalalayan kong bumaba ang ilang pasahero at pagkatapos ay itinali ko na ang bangka sa malaking poste. Tumingala ako sa langit. Hindi gaanong mainit ang sikat ng araw. Mas lalong nakakabagot at nakakatamad sa pakiramdam.

"Rodel. Magpahinga muna tayo. Gusto mo bang matulog?" tanong ni Ninong.

"Doon na lang po ako tatambay sa upuan, kayo na lang po ang matulog sa bangka, Ninong," sabi ko. "Baka po kasi biglang dumami ang pasahero, maige nang andon ako."

"O sige, ikaw ang bahala. Hindi rin ako matutulog, kakausapin ko si Delfin." Tinutukoy ni Ninong ang drayber ng kasunod naming bangka.

Pumwesto ako sa isa sa mga nakahilerang upuang kahoy doon - sa pinakadulo ng Wawa at pinakamalapit sa dagat, kung saan ako nakita ni Allie na umiiyak. Tahimik kong pinagmasdan ang paligid na animo'y unang pagkakataon ko lamang nasilayan. Mabigat na mabigat ang aking pakiramdam at parang gusto ko na namang umiyak. Idagdag pa ang nakalulungkot na sitwasyon ng aking pamilya. Hindi ko alam kung paano pa ako magiging masaya.

Naramdaman kong hindi ako nagiisa. Talikuran ang mahabang upuang kahoy at lumingon ako sa gawing likuran ko. Naroon siya. Si Allie.

Hindi siya nakasuot ng uniform na tulad ng suot niya noong nakaraan. Nakat-shirt siyang puti at itim na pantalon na hapit na hapit sa kanya at nakasapatos siya na tulad sa mga mayayaman na nakikita ko sa patag.

May nakatakip sa kanyang tenga - yung nakikita kong ginagamit ng mga mayayamang taga patag kapag gusto nilang makinig ng mga kanta. Hindi ko alam kung iyon ay para huwag iparinig sa iba ang kanilang pinakikinggan, o para huwag marinig ang ingay sa paligid, o pareho.

Maliban doon, may hawak na camera si Allie. Malaki at parang sobrang mamahalin.

Pinagmasdan ko siya. Hindi pa yata niya napapansin na naroon ako sa likuran niya. Parang maihahalintulad si Allie sa mga alon sa dagat at ihip ng hangin, larawan siya ng kapayapaan at hinahon. Malinis na malinis siyang tignan at makinis ang napakaputing kutis. Sa mahinang ihip ng hangin ay sumasabay ang bawat hibla ng malambot niyang buhok. Bakit may mga taong tulad ni Allie na para bang walang dahilan para ikahiya ang sarili? Siguro, kung ganito ang hitsura ko, kung ganito ako kayaman, baka hindi ako nasasaktan ng taong mahal ko.

Hindi ko alam pero may kung anong tuwa sa puso akong naramdaman habang lumilipat ako sa kabilang panig ng upuang kahoy. Habang papalapit ako ay nalanghap ko ang pabango niya - pareho ng amoy sa t-shirt na ibinigay niya sa akin. Hindi namalayan ni Allie na nakaupo na ako sa tabi niya dahil abala siya sa camerang hawak at panay ang kuha ng litrato sa paligid.

The Other HalfTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon