CHAPTER 14

1.2K 182 21
                                    

RODEL

Alas otso ang usapan namin ni Allie kaya ilang minuto bago sumapit ang oras na iyon ay nakatayo na ako sa bungad ng Wawa.

Kanina ay may sasakyan na nakatigil sa tapat ko kung kaya ginawa kong salamin ang bintana at napagmasdan ko ang hitsura ko. Nakasuot ako ng asul na t-shirt, pantalong maong na hapit sa hita at binti ko, at asul na sapatos. Nakasuot rin ako ng puting sombrero. Lahat ng iyon ay galing kay Allie – ilan lamang sa napakaraming damit at sapatos na binili niya para sa akin nitong nakaraan. Kung titignang mabuti, ang layo layo na ng hitsura ko sa Rodel na sumubsob sa marumi niyang t-shirt at nagiiyak noong unang araw na magkakilala kami ni Allie.

Ilang minuto ang lumipas mula nang umalis ang sasakyan sa tapat ko ay dumating ang puting kotse ni Allie. Nakahanda na sana akong salubungin siya ng sermon pagkat ibinilin ko na huwag niyang dadalhin ang kotse niya nang bumukas ang pinto at bumaba mula doon ang drayber nilang si Martin at ipinagbukas ng pinto si Allie.

Nakasuot ng pulang t-shirt si Allie – bagay na hindi ako sanay dahil lagi siyang nakaputi. Malambot ang pantalon niya at kulay abo, pero tulad ng sa akin, hapit na hapit din sa kanya. Itim ang kanyang sapatos (sneakers daw ang tawag doon, sabi niya). Nakasuot siya ng madilim na salamin sa mata. Tulad ng dati, ang bawat hibla ng kanyang buhok ay nakikipagsayaw sa ihip ng hangin.

Grabe. Ang gwapo ni Allie. Palagay ko, hindi siya masyadong nag-effort sa pagbibihis, hindi tulad ko. Pero ang lakas lakas pa rin ng dating niya. Kahit nga siguro walang suot si Allie, sobrang gwapo pa rin niya.

Teka, ano ba itong iniisip ko?

“Thanks, Martin. Drive safely.”

“Sige po, Sir Allie. Ingat po kayo.” Tumingin sa akin si Martin. “Sir Rodel, ingat po.”

Tumango ako. Sumakay nang muli si Martin sa kotse ang pinaandar iyon palayo.

“Kanina ka pa, Rodel?” tanong ni Allie.

“Hindi. Kararating ko lang.” sagot ko. “Ang pogi mo, Allie.” hindi nakatiis ay nasabi ko.

Ngumiti si Allie. “Of course. Nagmana ako sa’yo eh. Look at you. You look good.”

Dahil doon ay natawa ako. Napakabolero ni Allie, eh ang layo layo naman ng hitsura ko sa kanya.

“Kumusta ang two weeks?”

“Here.” Mula sa bulsa ng pantalon ay may kung ano siyang kinuha at ibinigay sa akin. Ilang piraso ng maliit na papel na may kung anong nakasulat. “That’s my ticket to happiness today, Sir.”

Natawa ako ulit. Class card pala ni Allie itong ipinakikita niya. Hindi ko alam kung paano ang bigayan ng grade sa kolehiyo pagkat high school lang ang tinapos ko. Pero bakas ang saya sa mukha ni Allie kung kaya alam ko na mataas ang mga marka niya.

“Wala akong two ngayon, Rodel.” sabi niya.

“Two?” takang tanong ko.

“Yung grade ko, Rodel. Walang two.” Lumapit si Allie sa tabi ko at itinuro ang mga nakasulat na numero. “Sa college kasi, the lower the number, the higher the grade. Last term, I got 3’s and 2’s but now, wala.”

Muli kong tinignan ang grades niya. Puro 1.25, 1.5, 1.75. Iyon pala iyon.

“Magaling. Masaya ako para sa’yo, Allie.” sabi ko. Dumako ang paningin ko sa taas na bahagi ng class card niya at nabasa ko ang pangalan.

Allison Stephen Alvarez Ibarra

“May Stephen pala sa pangalan mo?”

The Other HalfWhere stories live. Discover now